sk6

Wednesday, September 9, 2009

Bertwal Chapter 14: Konek

Bertwal

by Paul Diaz



Chapter 14: Konek

Dalawang lingo ang lumipas at maagang nagkachat sina Joanna at Marco, nagsimula sila ng alas singko ng umaga at tatlong oras na sila magkachat sa computer.

Tinitron: Sige na kasi check mo yung Mafia mo

Bettyfly: Sus ayaw ko nga laruin e, bakit ba kanina mo pa ako kinukulit?

Tinitron: Sige log in lang tapos check mo

Bettyfly: Wait may phone call…brb


Pagkatapos ng limang minuto

Bettyfly: Ei am back. Niyayaya ako ng friends ko lumabas

Tinitron: Sige lang go lang. Sabado naman today e

Bettyfly: E pano ikaw?

Tinitron: What do you mean? Okay lang ako no may text naman

Bettyfly: Hay, ano kaya sabihin ko no nalang

Tinitron: Ikaw. Okay lang talaga no madami pang araw

Bettyfly: Sure ka?

Tinitron: Yup sure ako don’t worry. Text text nalang

Bettyfly: O sige then ligo na ako. Text nalang

Tinitron: Okay sige. Ingat


Pinatay ni Marco ang computer at sa totoo masama ang loob niya. Gusto pa sana niya makausap si Hanna pero di lang niya masabi. Nahiga siya sa kama habang nag aantay ng text ni Hanna ngunit nagring ang phone niya. “Hello” sabi niya. “Pare, wag kang tatanggi today, tara kina Jamie daw sabi ni Richard at get together lang” sabi ni Angelo. Napaisip si Marco at dahil wala din si Hanna ay agad siya pumayag. “Sure ka pare?” tanong ni Angelo. “Para kang siraulo, nag oo na nga tapos magdududa ka pa” sagot ni Marco. “Hahaha sensya na pre akala ko kasi irarason mo nanaman si Hanna” sabi ng kaibigan niya. “Ah may lakad din siya today so okay lang, sige kita kita tayo sa school at may isosoli ako sa library” sabi ni Marco at pinatay na niya phone niya.

Pagkatapos magsoli ng libro sa library nagtungo na sina Angelo at Marco sa bahay nina Jamie. Late sila pero tamang tama para sa pananghalian. Pagkapasok nila sa pinto nakita nila ang mga girls nakaupo sa sofa at si Richard inaayos ang DVD. “Uy pasok kayo, sige take a seat” sabi ni Jamie. Si Marco na nasa pinto palang agad naupo sa sahig kaya biglang sumabog sa katatawanan ang girls. Si Joanna pinakamatindi ang tawa kaya napakamot nalang si Marco at napayuko ang ulo. “Hahaha loko loko wag sa sahig, dito o madami upuan, grabe ka naman” sabi ni Jamie kaya tumayo ulit si Marco at naupo malapit sa sofa.

“Ten minutes pa daw bago maluto food so eto o cookies muna” alok ni Jamie. Kumuha si Marco at lahat nakatingin sa kanya, tila nahiya siya kaya nilapit niya yung cookie sa bunganga niya sabay tinignan ito. “Hello hello” bulong niya tila kinakausap ang pagkain at muling sumabog sa katatawanan si Joanna. Nahawa ang iba at tawa sila ng tawa ngunit ang dalawang lalake ay ngumingisi nalang. “Hay naku masanay na kayo diyan kay Marco, may konting sayad yan” sabi ni Richard at napasimangot si Marco at agad nilaro ang mga labi niya. “Di naman, blu blu blu blu blu slight” bulong ni Marco at talagang di mapigilan ang pagkatawa ng mga girls.

Kumain na sila ng lunch at lahat nakatutok kay Marco pagkat nag aabang ulit sila ng kakaibang gagawin niya. Nakayuko lang si Marco at tahimik na kumakain kaya natigil na ang mga babae sa pagbantay sa kanya. Biglang tumigil si Marco at lahat napatingin sa kanya, kinuha niya ang kutsara sabay kunwari naghihigop ng sabay. Ang ingay ingay niyang humigop at pabalik balik ang kutsara niya sa walang laman na bowl niya. “Pare ano hinihigop mo?” tanong ni Richard. “Wala nga e, di ko abot yung soup” bulong ni Marco at imbes na may mag abot ng sopas ay muli sila nagtawanan.

Nang natapos ang lahat dinala na sa mesa ng kasambahay nina Jamie ang dessert, Chocolate Mousse at biglang nanglali ang mga mata ni Marco at lahat ulit napatingin sa kanya. Bagsak ang panga ng binata at nakatitig lang sa dessert, bigla niya tinuro ng dalawang kamay ang pagkain sabay pumalakpak, “I want choooooo” bulong niya tila kinakausap ang dessert, matinding tawanan ang naganap pero patuloy ang pagturo ni Marco sabay palakpak hanggang binigyan siya ng isang serving ni Jane. Tinaas ni Marco ang kilay niya sabay titig kay Jane kaya naglagay ulit ng isa ang dalaga at ngumiti si Marco. “Youre my new bespren” sabi niya sabay kain agad.

Walang makakain sa kanila ng dessert pagkat si Marco tuloy sa pag acting niya. Sumubo siya ng isa at pagsara ng bunganga niya nangingig nginig pa siya sa sarap. Sa sumunod na subo dinuling ni Marco ang mga mata niya at halos maiyak na ang lahat sa kapapanood sa kanya. Si Joanna pinipilit sumubo pero tuwing napapatingin kay Marco ay natatawa kaya sipa siya ng sipa. “Wag kasi favorite ko to e” sabi ng dalaga pero si Marco ayaw magpaawat.

After lunch nagsama sama ang mga babae habang ang boys ay inutusan nila bumili ng mga makakain para sa hapon. “Okay si Marco ano?” sabi bigla ni Joanna at nagulat yung dalawa. “Uy, I smell something peshe” biro ni Jane at ngumiti si Joanna. “No, I was just saying. Ang galing niya magpatawa no?” hirit niya. “O siya siya ikaw pambato namin mamaya sa charades, sure win tayo kasi panay drama ibabanat natin” sabi ni Jamie at nagtawanan sila. “Sure talo tayo kasi pag action at suspense movies e, kaya naluto na tong bunutan” sabi ni Jane. “Bakit ano ba punishment ng talo?” tanong ni Joanna. “Well maglilibre sa labas ng eat all you can ulet, take note ha each. Kaya iba yung libre ni Rich, iba yung kay Angelo at iba kay Marco” sabi ni Jamie.

Pagbalik ng boys may nilabas si Jamie na dalawang maliit na whiteboard sabay markers, “O kung sino ang pambato siya lang sasagot at isusulat ang sagot dito sa whiteboard. No coaching ha. Take turns tayo lahat dito. Bubunot tapos iaacting ng kalaban tapos yung may hawak lang ng whiteboard ang pwede manghula. Ganon ang rules, may reklamo?” sabi ni Jamie at game naman ang mga boys.

Nagsimula ang laro at agad nakakalamang ang mga babae ngunit di nila inaasahan na nakakasagot lagi si Marco. Pagkatapos ng isang oras tambak ang boys, “O pano yan suko na kayo? 12 na kami kayo 3 palang” sabi ni Jamie. “E luto e, panay drama at love story, dapat patas naman” sabi ni Richard. “Sore losers o, tanggapin niyo na kasi” sabi ni Jane. “Pag patas sige tanggap pero pag may daya ay siyempre hindi” sabi ni Angelo.

“Fine, sige kung gusto niyo ganito nalang. Since si Marco lang nakakasagot siya lang lalaban pero si Joanna ang lalaban para sa amin. Tapos tayo ang mga mag act, o ano payag?” tanong ni Jamie at nagkatinginan ang boys sabay pumayag sila. “First to 30 then” sabi ni Richard at pumayag ang mga girls.

“At wag lang drama” hirit ni Angelo at nagtinginan ang mga girls. “Okay lang” sabi ni Joanna kaya gumawa ulit sila ng pagbubunutan at agad nagsimula ang mga laro. Isang oras lumipas ay humabol na ang mga boys. “25 all! Yes!!! O pano yan ha, first to 30 diba?” asar ni Angelo at tahimik lang ang mga girls. “Drama ulet lahat!” sabi ni Jamie at nagreklamo si Richard. “Okay lang” sabi bigla ni Marco at nagulat ang mga boys.

Nagtuloy ang laro at pagkalipas ng trenta minutos ay 29 all ang score, ang boys ang huhula kaya nagsasaya na sila pagkat pag nakuha ni Marco ang sagot panalo na sila. Nakasimangot na nag acting ang mga girls, nagtatalunan na sina Angelo at Richard pagkat napakadali yung sagot. May sinulat si Marco sa whiteboard at pagkatapos ng time limit ay pinakita niya ang sagot. “Row Row Row your Boat?!!!” basa ni Angelo at nagtawanan ang mga girls. “Pare ang dali non Titanic!!! Hello?!!!” sigaw ni Richard at napangiti lang si Marco at binura ang sagot niya.

Nakuha ni Joanna ang next answer kaya panalo ang mga babae, galit sina Angelo at Richard at talagang sinisisi si Marco. “Gentleman nga e, masisikmura niyo magpalibre sa babae?” sabi ni Marco at natahimik ang lahat. Sina Jamie at Jane nagtungo sa kusina para maghanda ng meryenda habang ang dalawang boys walang maisagot sa sinabi ng kaibigan nila kaya humarap nalang sa telebisyon.

Naiwan sina Marco at Joanna kung saan napangiti ang dalaga sa kanya. May sinulat siya sa whiteboard at pinakita niya kay Marco. “TY” nakalagay at ngumiti si Marco at nagsulat din. “YW” bawi niya at nagtawanan sila saglit. Muling nagsulat si Joanna at pinakita kay Marco.

Joanna: ATM!

Marco: Say what?

Joanna: Ang Takaw Mo!

Sulat ni Joanna at tawa siya ng tawa at napakamot nalang si Marco. Nasilip ni Jane ang dalawa at agad hinila si Jamie. “Uy tignan mo yung dalawa o, parang mga baliw at gamit yung whiteboard na naguusap” bulong niya at pinanood nila yung dalawa at nagtawanan sila. “Hayaan mo sila, diyan nagsisimula yan diba?” bulong ni Jamie at nag appear pa ang dalawa.

Marco: ITOTKO!

Joanna: Ano yan?

Marco: It Takes One To Know One!

Joanna: Lol! Fave ko Choco Mousse e

Marco: M2!

Joanna: Really?

Marco: Yes. YP!

Joanna: YP?

Marco: Youre pretty…matakaw


Biglang sumabog sa kakatawanan si Joanna kaya lahat napatingin sa kanya, si Marco pasimple at mukhang inosente at pangiti ngiti lang.

Joanna: YH!

Marco: Handsome?

Joanna: Youre Hansama ng ugali!

Marco: Sorry

Joanna: Uy joke lang no

Marco: Alam ko tinetesting ko lang skills mo


Muling natawa si Joanna ngunit lumapit na yung iba para sila ay magsabay magmeryenda. Isang oras din nagkwentuhan at kumain ang grupo, mga babae todo asar sa mga boys sa nahahandang panlilibre nila.

Malapit na ang dinner at napatingin si Marco sa relo at phone niya, nagsulat siya sa whiteboard sabay pinakita kay Joanna. “ANA” basa ng dalaga at agad siya nagsulat ng sagot. “WP” basa ni Marco at huminga siya ng malalim at muling tinignan ang phone niya at walang mensaheng dumating. “SME” sulat niya at napangiti si Joanna.

Nung hapunan napansin ng iba na magkatabi sa dining table sina Marco at Joanna, nagkatinginan nalang yung iba pero di nila tinukso ang dalawa. Pagkatapos kumain napatingin nanaman si Marco sa relo niya at halatang di siya mapakali. Nanood ang grupo ng DVD at pinulot bigla ng binata ang whiteboard. Nakapwesto sina Joanna at Marco sa may likuran kaya di sila nakikita ng iba.

Marco: GTG

Joanna: Problem?

Marco: SAPK

Joanna: ano?

Marco: Strict ang parents ko


Biglang tumawa ng malakas ang dalaga kaya napalingon ang lahat sa kanila. “Ano ginagawa niyo?” tanong ni Jamie. “Kailangan na daw umalis ni Marco” sabi ni Joanna. “Ay sige lang, next time ulit” sabi ni Jamie kaya nagpaalam na si Marco pero muli niya pinulot ang whiteboard at nagsulat. Pinakita niya ang sinulat niya kay Joanna, “CK” basa ng dalaga at napangiti siya. Halos di makapagsulat si Joanna sa board pero pinilit niya. “CDK” bawi niya at napakamot si Marco at nagsulat. “CKD?” sulat niya at napaisip ang dalaga. “Uy ano yan?” tukso bigla ni Angelo at inagaw nila ang mga whiteboard at nakita ang mga nakasulat.

Tumayo na si Marco at nagpalusot ang dalawang boys na ihahatid siya sa kanto. Pagkalabas nila agad lumapit ang dalawang babae kay Joanna at ininterview siya. “Uy, ano yon?” tanong ni Jane at super ngiti si Joanna. “He wrote CK” sabi niya. “Anong CK?” tanong ni Jamie. “Crush kita ata” sabi ni Joanna at sabay sabay sila kinilig at nagtawanan. “Hala bakit hindi kayo nagsasalita? Bakit dinadaan pa sa sulat?” tanong ni Jane. “Ewan ko ba pero at least kahit papano nagkonek kami diba?” sabi ni Joanna.

“E pano na si Papa Pao?” tanong ni Jamie at napatigil si Joanna. “Bakit? Wala naman nangyari ah” sabi ni Joanna. “O kahit na, pero uy Marco” tukso ni Jane at super ngiti lang si Joanna. “Ayan na sinasabi namin sa iyo e, Paolo ay bertwal, si Marco ay reality, o saan ka pa?” sabi ni Jamie. Huminga ng malalim si Joanna at napaisip, ngumiti siya at sumandal sa upuan. “They both can make me laugh pero I really like Paolo, talagang mabait siya at feel ko good guy siya. Si Marco naman, hay…di ko pa siya kilala pero oo I admit may physical attraction” sabi ni Joanna.

“Pero alam mo natanong ko kay Rich one time bakit tahimik si Marco. Sabi niya ganon talaga yon na mahiyain at di niya kaya tumingin sa babae lalo na sa type daw niya. Uy, Marco can stare us in the eye with Jane pero pansin namin di ka niya kaya titigan sa mata. Uy” sabi ni Jamie at kinikilig si Joanna. “So? Di manligaw siya kung type niya ako” sabi ni Joanna at lalo siya tinukso.

“Uy, pano kung ligawan ka niya talaga? O sige nga? Pano si Papa Pao?” tanong ni Jane at natahimik si Joanna. “Pwede ba wag natin pag usapan yan kasi Marco wont do it kasi mahiyain nga siya e. At hello di ko pa alam kung nice guy siya like Paolo” sabi ni Joanna. “Okay, what if he is a nice guy like Paolo then? O sige nga? Paolo si virtual, Marco is real. O sige nga what if niligawan ka niya tapos okay pala siya like Paolo? What then?” tanong ni Jamie at napaisip ng matindi si Joanna at tinignan ang mga kaigiban niya. “Ah…di ko alam…pero…hindi ko alam…hindi ko alam” sabi nalang ni Joanna. Tumunog ang doorbell kaya agad pumunta si Jamie para tignan sino yon, si Joanna tulala at malalim ang iniisip.

Sa malapit na kanto napatigil sa store ang mga boys pagkat bumili sa store ng yosi sina Richard at Angelo. “Pare parang nagkokonek kayo ni Joanna ah” sabi ni Rich sabay sindi sa yosi. “Di pare, bored lang ako” sabi ni Marco. “Wushu, e ano yung CK CK na yon, e diba crush kita?” biro ni Angelo at natawa si Marco. “Yun akala niya, kaya siguro siya sumagot ng CDK, kaya sabi ko dapat CKD” sabi ni Marco sabay tawa. “Bakit pare ano ba yung ibig sabihin ng CK?” tanong ni Angelo. “Ano pa e di Corny Ka, ahaha di naman sadya pero pang asar lang dapat” paliwanag ni Marco at natawa yung dalawa.

“Pero pare ayan na o halos umamin na type ka din niya. O go na” sabi ni Richard pero napangisi si Marco. “Oo nga pare, crush din kita, yiheee o ligawa mo na type mo din naman diba?” sabi ni Angelo. “Hmmm di rin, okay siya pero wala lang” sabi ni Marco. “Aysus pare o, wag mo na kami bolahin, wag ka na mahiya, ayan na nga e pare ano pa inaantay mo? Yung Hanna mo?” tanong ni Richard at napatingin si Marco sa buwan.

“Di siya nagtext buong araw, kumusta na kaya siya? Miss ko na siya. Tawagan ko sana pero nakakahiya naman baka sabihin niya disturbance ako” sabi ni Marco sabay tingin sa mga kaibigan niya. “Alam ko iniisip niyo, tanga na kung tanga pero siya nagpatibok ng puso ko kaya siya ang hahanapin ko”

“Sasabihin niyo palay na nga lumalapit bakit di ko pa tukain, well di ako manok at busog ang puso ko. So mauna na ako sa inyo baka bigla siya mag online or magtext” sabi ni Marco at umalis na siya.

Nang medyo nakalayo biglang nag chicken dance si Marco at tawa ng tawa yung dalawa. “Bwok bwok bwok bwok bwok twitwilaok! Shwet di ko bagay, told you di ako manok. Sige mga pre!”