sk6

Sunday, August 9, 2009

Em En Kay





Em En Kay

By Jonathan Paul Diaz


(THIS IS JUST A SHOWCASE COPY OF THE STORY. IF YOU WANT TO READ THE WHOLE STORY, THE EBOOK VERSION WILL BE SOLD SOON )


Chapter 1: Siya!

Isang maaliwalas na umaga ng Hunyo lumabas ng bahay ang magpinsan na Timothy at Stephanie at nag antay sa labas ng katapat na bahay. Orientation day nila para sa kolehiyo at inaantay nila ang kanilang kaibigan na si Raymond.

“Hay naku Tim ten years pa bago lalabas yan kaya katukin mo nalang” sabi ni Stephanie. Nagbukas bigla ang pinto ng bahay at lumabas si Raymond at nginitian ang dalawa. “Wow! Himala! Maaga ka!” hirit ni Steph at natawa si Timothy. “Pare naman college na tayo ganyan parin porma mo? Magsuklay ka naman kaya” sabi ni Timothy at tumawa si Raymond.

“Waste of time pare, mamaya magugulo din lang kaya wag na. At bakit pa ako magpoporma? Orientation lang naman pupuntahan natin ha” sagot ni Raymond. “E what if may makita kang type mo dun, o its high time magka girlfriend ka narin ano” banat ni Tim.

“Sus, what for? Kailangan ba ng girlfriend para mabuhay? Look buhay pa naman ako ah at masaya” sabi ni Raymond at napakamot nalang si Tim. “Hay pare trust me, mas masaya ka pag may girlfriend ka at lalo ka magiging inspired sa buhay” sagot ni Tim at biglang tumigil si Stephanie at inayos ang buhok ni Raymond

“Ang tanda tanda mo na my God naman mag ayos ka naman. Nakakahiya kang kasama. Pati kwelyo mo di mo maayos, napakasimpleng bagay di mo magawa. O ayan e di mukha ka nang tao for a change” sabi ni Stephanie at tawa ng tawa si Tim pagkat napasimangot lang si Raymond at napayuko ang ulo.

Pagdating sa Unibersid ay humiwalay na si Stephanie pagkat iba ang kurso nya sa dalawa habang ang dalawang magbestfriend ay pumasok sa isang auditorium para sa orientation nila. Naupo ang dalawa sa pinakaunahan at napalingon sa paligid. “Pare bakit wala pa si Marwin? And dami pala natin na mag take ng IT ano?” sabi ni Raymond.

“Hay naku tinanong mo pa, as usual nambabae nanaman malamang. Pare bakit tayo dito sa harap naupo? Dyahe dito pare” sagot ni Timothy at tumawa ang kaibigan nya. “Wag ka na maarte pare, for a change naman para mafeel natin ang nafeel ng mga genius na lagi nakaupo sa harapan. Look sharp pare para isipin ng iba genius tayo” banat ni Raymond at tawa ng tawa si Timothy.

Limang minuto pa at may naupo sa tabi ni Raymond na babaeng maganda at bigla siya siniko ni Timothy. “Pare ang ganda nya o” bulong ni Tim. Nilabas ni Raymond ang cellphone nya at sabi “Karen, si Timothy nagtataksil sa iyo” pabiro nya sinabi at kunwari nagtetext. “Ogag! Sinasabi ko para sa iyo no” banat ni Tim at napangiti si Raymond. “Pare next time di mo kailangan sabihin sa akin kung may maganda at may sensors din ako kahit di ako nakatingin. Di porke wala pa akong girlfriend din a ako marunong kumilatis no. Oo maganda siya pare, that is a fact pero it ends there” sagot ni Raymond.

“Sus kilalanin mo na o nandyan na nga o” bulong ni Tim. “Pare bestfriend kita you should know me by now. Kay dami nang magaganda ang pinadaan ko kasi di sila nakakapasa sa standards ko. Wag mo ako itulad kay Marwin na pag nakakita ng maganda inlove agad, no no no it goes beyond physical appearance pare” sagot ni Raymond at lalong natawa si Tim at binatukan ang kaibigan nya.

Ilang saglit pa pumasok ang isang matandang lalake sa taas ng stage at binati ang lahat. Nag ayos ng pwesto si Raymond at tinaas ang noo nya, “Pare nafeel ko na tumataas ang IQ ko kasi nakaupo tayo sa harapan. Ganito pala ang feeling ng isang genius pare” banat niya at biglang natawa yung katabi nyang babae kaya sabay napatingin sa kanya ang magkaibigan. Nagtakip ng mukha yung babae at tumingin sa malayo kaya di na nila ito pinansin pa.

Nagsimula ang orientation at di mapakali si Raymond, nag ayos nanaman siya ng pwesto at kinalbit ang kaibigan nya. “Pare, alam mo kulang nalang natin ay acknowledgement from the professor at certified genius na tayo” bulong niya at napakamot si Tim. “Pare look, ganito lang yan, titigan mo ang prof, himas himasin mo baba mo tapos pag nag eye contact kayo kunwari mag nod ka pare” bulong ni Raymond. “Eye contact ka dyan e ang taas ng stage as if makikita ka pa” sagot ni Tim.

“Pare, can you see naka eyeglasses siya, may zoom function yan, pag normal vision oo maliit tayo pero naka salamin yan o, mas malaki tayo sa paningin niya, aysus watch and learn pare” banat ni Raymond at muling natawa ang katabi nyang babae. Ginawa ni Raymond ang sinabi nya at napatingin sa kanya ang professor at napangiti sa kanya. Pasimpleng siniko ni Raymond ang kaibigan nya at muli sya nag ayos ng pwesto.

Lalong nagulat si Tim nang binigyan ng professor ng thumbs up sign si Raymond, “Oh yes pare, you see he acknowledges me now, oh I can feel my IQ going up already” bulong ni Raymond at sabay natawa si Tim at katabi nyang babae. “Pero pare, I can feel so many deadly auras, pare markado na ako ng batch na ito. Alam na nila ang man to beat, pustahan tayo pare paglingon mo e madami nakatingin sa akin” bulong ni Raymond at sabay pa napalingon si Tim at yung babae sa paligid at nakita nila na pinagtitignan nga si Raymond.

“Oh pare I feel so intelligent right now pare. Di nila alam panay pasang awa grades ko ahaha pero o ha right now feel nila lahat line of 9 pare” banat ni Raymond sabay pasimple nyang tinuro ang propesor at nag nod ulet. Nakita muli siya ng propesor at nag nod din sabay ngiti kaya napangisi si Raymond. Bigla nalang sumabog sa tawa ang katabi nyang babae at nagtakip agad ng bibig. Niyuko nya ulo nya pero napatingin na sa kanya ang propesor at ibang estudyante.

“Is there something funny miss?!” sigaw ng propesor pero mabilis na hinaplos ni Raymond ang likod ng babae. “Ah sir, she is crying actually, she told me that they have a family problem and she just remembered it now. Uy tahan na wag ka na iiyak” sabi ni Raymond sabay abot ng panyo sa katabi nya. Lalong natawa yung babae pero pilit nya niyuyuko sarili nya at tuloy ang paghaplos ni Raymond sa likod nya. “Oh I am sorry, does she need to attend to it, she can be excused” sabi ng propesor. “Sir samahan ko na ho siya” hirit ni Raymond at pumayag ang propesor.

Tumayo ang dalawa at nagtakip ng mukha ang babae, inakbayan naman siya ni Raymond at lumabas sila ng auditorium. Paglalabas ng pinto sumabog sa tawa yung babae at pulang pula ang mukha niya, hinila siya palayo ni Raymond at di parin makapagpigil ang dalaga. Napaupo sila sa isang bench sa campus at nang akala ay tumila na ang tawa ng dalaga bigla ulit siya natawa nang tignan niya ang binata.

“Wag kasi!” sabi ng dalaga sabay tawa at napakamot si Raymond na natatawa narin sa kanya. “Wala naman ako ginagawa na ha” sagot ni Raymond at lalo pang tumawa ang dalawa. “Eeeh tama na kasi masakit na tyan ko” sabi ng dalaga at tumigil si Raymond sa katatawa at huminga ng malalim. “O ayan tumigil na ako kaya tumigil ka narin” sabi nya at tumigil ang dalaga pero nang magkatitigan ulit sila sabay ulit sila napatawa.

Naglayo sila ng upo sa bench at pagkalipas ng limang minuto pareho na sila nahimasmasan. “Ano okay ka na?” tanong ni Raymond at huminga ng malalim ang dalaga at nginitian siya. “Oo okay na ako” sagot niya. “O sige, iwan na kita diyan” sabi ni Raymond at nagsimula maglakad palayo. “Uy saan ka pupunta?” pahabol ng dalaga at mabilis na hinabol si Raymond. “Babalik na sa loob, tara na” sagot nya.

“Wag na, diba nga I have a family problem at sinasamahan mo ako” sabi ng dalaga at natawa muli si Raymond. “Libot nalang tayo ng campus” hirit nya at biglang nanigas ang binata at pumayag. Naglakad sila sa campus, ang binata parang estatwa na naglalakad pagkat ito ang kauna unahan niyang pagkakataon na makasama ang isang babae na maglilibot libot.

“Ako pala si Margaret” sabi ng dalaga at napangiti si Raymond at sabi “Bruno”. Tumigil si Margaret at muling nagbungisngis, “Totoo ka Bruno ang name mo?” tanong nya at napakamot si Raymond at tumawa. “Biro lang, nagpapatawa lang ako, ako si Raymond” sagot nya at tinitigan siya ng dalaga, “Raymond…Bruno na itatawag ko sa iyo kasalanan mo yan” sabi ni Margaret sabay tumawa. “Okay lang, pero kailangan ko na matutong tumahol kasi parang pangalan ng aso yon e” banat ni Raymond at muling natawa ang dalaga.

Isang oras naglibot ang dalawa at bigla nila nakita si Timothy. Pinakilala ni Raymond si Margaret at panay ang siko ni Tim sa kaibigan nya. “Tara kain na tayo, part two mamaya daw e” sabi ni Timothy at biglang hinila ni Margaret ang braso ni Raymond, “Doon ang canteen, tara subukan na natin” sabi ng dalaga at nagkatinginan ang magkaibigan at napakalaki ng ngisi ni Tim. “Pare, ang bilis mo ata” bulong ni Tim at nanginginig si Raymond, “Pare help” sagot niya at tinulak siya ng kaibigan nya hanggang sa magbangga ang katawan nila ni Margaret. “Tara dali baka maubusan tayo ng upuan” sabi ng dalaga.

Nakahanap sila ng lamesa at agad sila nakakuha ng pagkain nila. Masaya ang kwentuhan nila pero si Raymond halos di nya nagagalaw ang pagkain niya. “Ay sana magkaklase tayo Bruno” bigkas bigla ni Margaret at muntik nang mabulunan si Timothy nang narinig nya ang tawag sa kaibigan nya. Nagkatinginan ang magkaibigan at napangisi muli si Tim, “Ah patingin nga schedule mo baka pareho tayo” sabi ni Raymond at nilabas ni Margaret ang isang papel mula sa bag nya at inabot sa kanya.

“Wow! Pareho tayo ng lahat ng subjects!” masayang sinabi ni Raymond kaya napatingin si Timothy sa papel. Magsasalita sana si Tim pero lalo nilapit ni Raymond sa mukha ng kaibigan nya ang papel, “O diba pare pareho, diba? Lahat ng subject diba?” pilit ni Raymond sabay siko sa kaibigan nya. “Ay oo nga” sabi ni Tim habang iniinda ang natanggap na siko.

“Ow talaga? As in lahat ng subjects?” tanong ni Margaret. “Yup as in lahat” sagot ni Raymond at tuwang tuwa ang dalaga. Nagpunta sa comfort room saglit si Margaret at doon na bumanat si Tim, “Pare lahat ng subjects di kaya pareho, bakit ka nagsinungaling sa kanya?” tanong ni Tim. “Pare di ako nagsinungaling sa kanya, pareho naman talaga mga subjects natin” sagot ni Raymond. “Duh! OO pareho subjects pero iba schedule” sumbat ni Tim. “Kaya nga magpapalit tayo ng sched mamaya e” banat ni Raymond at natawa si Tim.

“Sira ka ba? Memorized mo ba yung sched nya?” sabi ni Timothy at tumawa si Raymond. “Pare, isa sa mga hidden talent ko ay photographic memory, ang schedule nya ay nandito sa utak ko kaya pahiram ng papel at isusulat ko at isang talent ko din ay memory gap” sabi ni Raymond at nagtawanan ang magkaibigan.

Pagkatapos nila mananghalian nakita ni Margaret ang mga babaeng kaibigan nya. “Uy sama muna ako sa kanila ha, see you at the first day of classes nalang” sabi ng dalaga sa dalawa. “Ah sige ingat kayo, see you sa first day” sagot ni Raymond at ngumiti lang si Tim. “Bruno wag kang magpapalate ha” hirit ni Margaret at umalis na ito.

“Pare ngayon mo lang nakilala may nickname na siya para sa iyo? Bruno?” sabi ni Tim habang tulala lang si Raymond na pinapanood lumayo ang dalaga. “Shhhh pare wag kang maingay” sabi ni Raymond at natawa tuloy si Tim. “Wow pare you like her” banat ni Tim pero di gumagalaw si Raymond at sinusundan lang ng tingin si Margaret. “Anong pinagsasabi mo dyan, sus” sumbat ni Raymond pero lalo natawa si Tim.

“Don’t be shy, pupunta tayo magpapalit ng schedule remember? Kasi gusto mo siya kaklase lagi” bulong ni Tim sabay napangiti si Raymond. “So what? Gusto ko lang maging kaklase, ano big deal don?” sumbat ni Raymond. “Hmmm ako pare pumapayag ako magpalit para sa sake mo, kasi gusto ko din panoorin ang first ever love life mo” hirit ni Tim at lalo lumaki ang ngiti sa mukha ni Raymond.

“Pare siya na” sabi ni Raymond at natawa si Tim. “Teka, akala ko ba its not about the physical appearance pare? Akala ko ba may standards ka?” sagot ni Tim. “Oo pare, di ako naattract sa itsura nya, pare she laughed at my jokes. Kaya nya sakyan ang ugali ko pare, shit pare ano tong nararamdaman ko?” sabi ni Raymond at umakbay si Tim sa balikat nya. “Pare you like her, wag kang mag alala pare guide kita para maligawan mo siya ng tama” payo ni Tim. “Pare like palang to diba? Diba? Di pa naman love to no pare?” tanong ni Raymond at natawa si Tim. “Oo pare ganyan talaga, it starts just like that and hopefully it ends with love” banat ni Tim at bigla siya siniko ni Raymond.

“Di pa ako nagsisimula minamalas mo na ako. Bakit may hopefully pa, parang wala ka naman tiwala sa akin e” sabi ni Raymond at nagtawanan sila. “Hoy anong tinatawanan niyong dalawa? Para kayong mga bulateng di mapakale!” biglang sigaw ni Stephanie at napatigil ang dalawa. “Shit pare, diba pareho tayong tatlo ng sched? Pag magpalit tayo dapat pati siya magpalit” bulong ni Tim. Napayuko si Raymond at humawak sa ulo niya, “Shit, oo nga pala” bulong din nya at lalo sila nilapitan ni Stephanie. “Hoy! Ano ba problema niyo?” sabi ni Steph at biglang bumulong si Tim sa kaibigan niya. “Pare papayag yan basta sundin mo sasabihin ko, hold her hand and tell her you want to change the sched” sabi nya at nagulat si Raymond.

“Ano?” tanong ni Raymond at nagkatitigan sila ng bestfriend nya. “Ikaw bahala” banat ni Tim at pareho sila piningot ni Stephanie. “Ano yang sinisekreto niyo sa akin? HA?” sabi ng dalaga at sinensyasan ni Tim ang kaibigan niya at biglang hinawakan ni Raymond ang kamay ni Stephanie at nagkatitigan sila. “Steph” simula ni Raymond at nanigas bigla ang dalaga kaya sa likod nya nag thumbs up si Tim.

“Steph kasi gusto ko magpalit ng schedule, pumayag na si Tim pero diba kailangan pareho kayo ng pinsan mo so favor sana…” sabi ni Raymond at napa oo agad si Steph na ikinagulat ni Raymond. “Talaga?” tanong ni Raymond at bumitaw si Steph sabay naglakad at nilingon ang dalawa. “Ano pa inaantay niyo dyan? Tara na magpalit na tayo ng schedule” sabi ni Stephanie.

Sumunod ang dalawa at gulat na gulat parin si Raymond. “Pare yon ba ang weakness ng insan mo?” pabulong na tanong ni Raymond at ngumiti lang si Tim. “Hindi pare, wag ka na matanong basta it worked. Tara na bilisan mo baka magalit nanaman yan” sagot ni Tim kaya hinabol nila ang dalaga.

Pagkatapos ng isang oras humiwalay si Raymond pagkat may pinapabili ang nanay niya kaya ang magpinsan nauna na umuwi. Habang naglalakad binabasa ni Stephanie ang bagong schedule nya pero bigla siyang napatingin sa pinsan niya. “Tim, ano ba nakain ni Monching at nagpalit siya ng schedule?” tanong ni Steph pero tahimik lang ang pinsan niya.

“Oy sumagot ka naman” hirit ng dalaga at huminga ng malalim si Tim. “He met a girl and it happens same course, and yes he like her” sabi ni Tim at biglang napunit ni Stephanie ang schedule nya at napatigil sa paglalakad. Di maipinta ang mukha ng dalaga at nanginginig ang mga labi nya.

“Like as in like?” pabulong na tanong Steph at napayuko nalang ng ulo si Tim. “He said, she laughed at his jokes and kaya niya sakyan ugali niya” sabi ng pinsan niya at napasimangot ang dalaga at naglakad muli. “Buti naman at he likes a girl, akala ko bakla na yang bestfriend mo!” sabi ni Steph at bumilis ang lakad niya.

“Okay ka lang?” tanong ni Tim at ngumiti lang si Steph. “At bakit naman di ako magiging okay?” sumbat ng dalaga. “Alam mo ang hirap ngumiti pag pilit” sabi ni Tim at tumingin sa malayo si Steph. “Insan alam ko kahit na ang taray mo sa kanya, lagi mo siya inaasar at inaalaska I know you like him” banat ni Tim at nagsimangot na muli si Stephanie.

“Sana sinabi mo agad na ganon ang rason niya para magpalit. Oo masakit pero alam mo ang mas masakit? Pag uwi natin tatlo araw araw tapos kinukwento niya mga nangyari sa kanila. Sana sinabi mo nalang sa akin insan, wala na, don’t worry masasanay ko din ang ngiting ganito” sabi ng dalaga sabay pumasok sa pinto.

(whew. Sensya na pag matagalan sa updates. My fingers are not fully healed but I am extremely inspired)