Em En Kay
by Paul Diaz
by Paul Diaz
Chapter 7: Ikaw
Kinabukasan walang pasok at nag uusap ang magpinsan sa loob ng kwarto ni Tim. “Doon ka nga mag emo sa kwarto mo. Pag nandito ka nawawalan ako ng kama, gusto ko pa matulog sana” reklamo ni Tim habang nakaupo siya sa sahig. “E wala ako makausap don sa kwarto ko at di naman kayo pumapasok don e” sumbat ni Steph at paikot siya ng paikot sa kama at di mapakali.
“Bakit bothered ka ba?” tukso ni Tim. “Bothered ka dyan” sabi ni Steph at nahiga siya ng maayos at tinignan ang kisame. “Aray aray nakuuuu kay sakit naman ng ginawa mo” kanta ni Tim at biglang binato ni Steph ang unan sa pinsan niya. “Shut up!!! Alam mo na nga e tapos gagatungan mo pa” sermon ng dalaga at tumayo si Tim at nagtungo sa pinto. “Ewan ko sa iyo, accept the truth nalang Steph kasalanan mo din e” sabi ni Tim.
Nagalit si Steph at tumayo at nagtungo sa pinto, “Oo na oo na kasalanan ko na! Parang napakadali naman kasi sabihin na gusto ko siya. Kung ganon lang kadali ginawa ko na!!! Eeesh porke may girlfriend ka akala mo kung sino ka na!” sigaw ni Steph at binuksan niya ang pinto para mag walk out pero nandon si Raymond na nakangiti sa kanilang dalawa.
“Ano pinagaawayan niyo?” tanong ni Raymond at natulala si Steph at niyuko ang ulo. “Wala pare, family stuff” palusot ni Tim. “Ah good, pare!!! Pare!!! Ahahaha di pa ako makaget over e!” sigaw ni Raymond sa tuwa at yayakapin na sana nya si Tim pero si Stephanie ang mahigpit niyang niyakap. “Monching!!! Bakit mo ako niyayakap!!!” sigaw ni Steph. “Si Tim sana e pero lalake siya kaya ikaw nalang” sabi ni Raymond at talagang nanggigil siya sa pagyakap. Sigaw ng sigaw si Steph at pumipiglas, pero nakangiti naman siya kaya tinatawanan siya ng pinsan niya.
“I still cant believe we kissed!!!” masayang sigaw ni Raymond at binuhat buhat niya si Steph na tawa naman na ng tawa. Binaba niya si Steph sabay nanggigil muli, nilapit ni Raymond ang mukha niya sa mukha ng dalaga at akala ni Steph hahalikan na siya ng binata sa labi. Pati si Tim nagulat pero biglang napatigil si Raymond at tumawa ng malakas, napasimangot konti si Steph at tumawa si Tim pero biglang hinalikan ni Raymond ang dalaga sa pisngi ilang beses bago binitawan.
Naglakad si Raymond sa kwarto habang ang magpinsan ay tulala. Nakahawak si Steph sa pisngi niya at napangiti, dinilatan niya si Tim at bumalik siya sa kama at nahiga. Naupo si Raymond sa may sahig katabi ng kama, sinandal niya ang likod nya sa kama at tumingin sa kisame. Naupo si Tim sa tapat niya at lumapit si Steph sa dulo ng kama at pinagmamasdana ng ulo ni Raymond.
“Pare parang maganda gising mo, wala tayong pasok pero bihis na bihis ka. San ka ba pupunta?” tanong ni Tim. “Ah wala, kakauwi ko lang, maaga ako lumabas at may binili ako” sabi ni Raymond na parang naglalakbay ang isipan sa langit. “Pare alam mo ba mali yung ginawa mo kahapon” sabi bigla ni Tim. “Oo pare hindi ako tanga, alam ko mali yon pero pare promise ko di ako nagsimula non” sabi ni Raymond.
“Still you kissed her back” sermon ni Tim at sa taas ng kama nag aagree si Steph at binigyan niya ng thumbs up ang pinsan niya. “Pare we were hiding, then we talked, then parang may magnet at palapit ng palapit kami sa isat isa. Pare pumalag ako konti, di naman ako kaladkarin no, pero di lang nahalata na pumalag ako” paliwanag ni Raymond sabay tumawa ng napakalakas.
“Oo alam ko you think I am a bad person sa nagawa ko pero it just happened e. Alam ko saan ako nakalugar, I even told you friends lang. Di ko naexpect talaga mangyayari yon, ayaw ko din magrason o maghugas kamay. Oo I kissed her back, what else would have I done pare? Parang dream situation yon e, getting the chance to kiss the one you like, who wouldn’t? Still I know mali ako talaga, siguro di niyo lang nakikita yung pagsisisi kasi nanaig ang happiness. Oo alam ko mali ako so di niyo na kailangan idikdik sa utak ko na mali ako” drama bigla ni Raymond at bigla siyang tumayo at naglakad papunta sa pinto.
“Oy pare aalis ka na? Wag naman sasama ang loob mo, concerned lang kami sa iyo” sabi ni Tim at muling humarap si Raymond at tumakbo papunta sa kama at nagdive. Muli niyang niyakap si Steph at nanggigil. Salikod ni Steph siya pumwesto at niyakap niya ang dalaga. Super ngiti si Steph kaya nagpipigil lang ng tawa si Tim.
“Hay naku Steph for sure ganito din mararamdaman mo pag naranasan mo first kiss mo. Sige at that time payag din ako ang panggigilan mo” sabi ni Raymond. “Ikaw” sabi ni Steph pero di narinig ng binata pero si Tim di na napigilan ang sarili sa pagtawa.
“Ay shet!!” biglang sigaw ni Raymond at bigla siyang naupo sa kama, may nilabas siya sa bulsa nya na nakaplastic. “Hay thank God di nabali” sabi nya at pagharap ni Steph sa kanya inabot ng binata sa kanya nilabas ni Raymond ang isang bagong biling charcoal pencil. “O eto, nabali pencil mo kahapon, I want to see your drawings again” sabi nya at natulala si Steph at di nya alam ang gagawin nya.
Kinuha ni Steph ang charcoal pencil at pinagmasdan ito. “Ay oo pala eto pa, blade pen, para di ka na gumamit ng knife magsharpen niyan” sabi ni Raymond at inabot ang blade pen sa dalaga. Di na makapagsalita si Steph at pinagmasdan nalang ang dalawang bagay na hawak nya, “Steph matalim yang blade ingat ka” paalala ni Raymond at napangiti nalang ang dalaga.
Naglabas si Steph ng papel at sinimulan isharpen ang lapis, nahiga si Raymond sa tabi nya at si Tim di napigilan ang pagngiti at pag asar sa pinsan niya. May sinulat si Steph sa isang maliit na papel sabay tinignan si Raymond, “Ayan Margaret” sabi nya sabay tiniklop ang papel at siniksik sa medyan ni Raymond. Dinukot nya muli ang papel mula sa medyas at binuklat, “Margaret! Aha! Si Raymond!!!” asar nya at tawa siya ng tawa. Paulit ulit niya ginawa ito na parang loka loka at sumabay sa kanya si Tim sa katatawa habang si Raymond ay nakangiti sa dalawa.
Kumuha din ng papel si Raymond at hiniram ang lapis at nagsulat. Tiniklop niya ang papel at tinignan si Steph pero di nya alam saan niya isasaksak ang papel. “Oops saka na pag nakamedyas ka” sabi ni Raymond kaya binulsa niya ang papel. “Hoy ano sinulat mo dyan?” tanong ni Steph pero lumayo si Raymond at nakitabi kay Tim. “Hoy alam ko ano sinulat mo diyan, Eric ano?” sabi ni Steph pero nakangiti lang si Raymond. Naintriga si Steph kaya lumapit siya kay Raymond at pilit kinukuha ang papel. Di alam ng dalaga pasimple na niya naipasa kay Tim ang papel kaya kahit ano pagbubungkal ni Steph sa bulsa ni Raymond ay wala siya nahanap.
Binuklat ni Tim ang papel at binasa ang pangalan, napatingin siya kay Raymond na tawa ng tawa habang pinagsusuntok na siya ni Steph. “Nasan na kasi yon? Akin na kasi! Ano sinulat mo don?” sigaw ni Steph. “Secret, akala mo di namin alam sino sino mga suitors mo ha. Ninja kami ni Timots no” sabi ni Raymond at sinabunutan sya ng dalaga. “Akin na kasi yon!!! Isa!!!” banta ni Steph at nagtulog tulugan lang si Raymond sa sahig.
“Eesh bwisit ka. Manigas ka dyan. I don’t care kung sino man sinulat mo basta mali ka. Mali sigurado mali yan” sabi ni Steph sabay nagtungo sa pinto. “E pano kung tama ako?” tanong ni Raymond sabay ngisi sa dalaga. “Imposible!!! You will never get it right!!” sigaw niya sabay walk out. Naiwan ang magkaibigan sa kwarto at inabot ni Tim kay Raymond ang papel. “Sira ulo ka wala naman nakasulat” sabi ni Tim at ngumiti si Raymond. “Gumawa ka lang ng pag aawayan niyo” sabi ni Tim.
“Siyempre pare para may rason na kausapin ako ng pinsan mo. Di mo ba pansin pag wala kami pinag aawayan di nya ako kinakausap masyado. Pero pag may pinag aawayan kami mas matagal ang usapan namin. Kahit inaasar nya ako o sinersermonan at least kinakausap niya ako. Sumbatan man kami pero at least matagal pre” drama bigla ni Raymond at gulong gulo ang isipan ni Tim.
“Teka pre nalilito ako, are you saying na…” pabitin na sinabi ni Tim at tumawa lang si Raymond. “Ha? Akala ko ba si Margaret pare?” tanong ni Tim. “Pare, si Margaret…oo I like her pero di naman siya ang lagi kong iniisip. Gets mo ba? Tao lang tayo and oo we tend to like many, di maiwasan yan kasi iba iba ang tao e. May different traits and characteristics. Im sure pati ikaw kahit sabihin mo loyal ka kay Karen di mo din maiwasan magkagusto sa iba but you love Karen so much and you want to be with her. Ganyan tayong tao, I like Margaret, but she isn’t the one who I always think of everytime I close my eyes” paliwanag ni Raymond.
Biglang pumasok sa kwarto si Steph at nagpunta sa kama. “Excuse me po! Kukunin ko lang tong pencil at blade” sabi nya. “Steph teka, pwede pahiram muna ng pencil” sabi ni Raymond. Padabog na lumapit si Steph at inabot ang lapis, pinakita ni Raymond ang blankong papel sa dalaga pero palihim nagsulat. Mabilis nya tiniklop ang papel at binalik ang lapis. “Ipapabasa mo ba sa akin yan?” tanong ni Steph pero agad binulsa ni Raymond ang papel. “Che! Bwisit ka” sabi ni Steph at muling lumabas ng kwarto.
“Pre anong sinulat mo?” tanong ni Tim at tumawa si Raymond at tumayo. “Don’t tell me pag di ko sinabi pati ikaw magtantrum at mag walkout?” banat ni Raymond at tumayo si Tim at ginaya si Steph na nagdadabog at nagtatantrum. Pinaghahampas nya na parang bakla si Raymond at ginaya ang mga linya ni Steph kanina. Tawa ng tawa ang magkaibigan at tumigil narin nang sumilip si Steph sa kwarto. “May araw din kayo tandaan niyo!” banta ng dalaga at lalo pang nagtawanan ang magkaibigan.
“Sige pare alis na ako, uwi muna ako baka hinahanap na ako ni mommy” sabi ni Raymond. “Teka pre, gusto ko lang matanong, kung hindi si Margaret…then are you saying that…” pabitin ulit na sinabi ni Tim. “Si Pipay pare, si Pipay” sagot ni Raymond. “Ha? Totoong tao ba talaga yang Pipay na yan?” tanong ni Tim at tumawa si Raymond. “Oo naman pare” sabi ng kaibigan niya. “Potek nalilito ako sa iyo, ano ba talaga, kanina kung magdrama ka akala ko pinsan ko ang iniisip mo” sabi ni Tim at tahimik lang si Raymond. “Pare you think too much, relax and see a movie” sabi ni Raymond saka umalis na.
Kinabukasan sa klase di namamansin si Margaret, pagsapit ng lunch di siya sumama sa grupo. Library work ang last subject kaya pagkadismiss tumambay si Raymond sa tapat ng isang building at sumandal sa pader. Napadaan si Stephanie at nagulat na nakita si Raymond. “Oy, di ka parin niya pinapansin?” tanong ng dalaga. “Yup” sagot ni Raymond. “And you think na aabangan mo siya nalang para makausap mo siya?” hirit ni Steph. “Maybe” sagot ng binata.
“And what makes you think naman na dito siya dadaan e doon ang building niyo? Hello!” banat ni Steph at tumawa si Raymond. “Oo nga no, ewan ko ba ano ginagawa ko dito” sabi ng binata at kinurot siya ni Steph. “Hay naku Monching magi sip ka naman kasi minsan no. Tara na nga, nasan ba si Tim?” tanong ng dalaga. “Ah sabi nya magkikita sila ni Karen kaya dalawa lang tayo sabay uuwi” sagot ni Raymond. “Ano aabangan mo pa ba siya?” tanong ni Steph. “Hindi, kanina pa kami nadismiss” sagot ni Raymond at naguluhan si Steph.
“Ano? E kanina pa kayo pala nadismiss e. Ang gulo gulo mo talaga. E ano pang ginagawa mo dito?” sabi ni Stephanie. “Ikaw” sagot ng binata. “Hello I can manage to go home alone. Matanda na ako. Maaga pala kayo nadismiss e di sana nagtext nalang kayo na uuwi na kayo. Hay naku” sabi ni Steph at nagsimula na silang maglakad palabas ng campus.
Tahimik lang sila naglalakad nang biglang natauhan si Steph. Naisip niya na baka sadya siya sinundo ni Raymond kaya bigla nalang siya napangiti. “Hmmm Monching, you stayed not to wait for Margaret right?” tanong ni Steph. “Yep” sagot ng binata at napatingin sa malayo si Steph at ngumiti. “So in short sinundo mo ako right?” hirit ni Steph at biglang bumilis ang lakad ni Raymond papunta sa isang store sa labas ng campus. “Steph gusto mo ng softdrinks?” tanong ng binata. “Burger” sabi ni Steph kaya bumalik agad si Raymond sa tabi nya at nagtuloy ang lakad.
“Ito naman sabi lang burger di na bumili, sige na bumili ka lang. Di ako uhaw” sabi ng dalaga. “Wag na” sabi ni Raymond at nagalit nanaman si Steph. “Ano ka ba? If you want to drink sige na no, para kang bata” sabi ng dalaga pero pabilis ng pabilis ang lakad nila. “O tapos tatahimik ka, eeesh lagi kang ganyan. Naghahanap ka ng rason para mag away tayo. Lagi nalang merong pag aawayan” sabi ni Steph at biglang tumigil si Raymond.
“Dito tayo, tara burger tayo” sabi ni Raymond at nagulat si Steph at nasa labas na sila ng isang fastfood resto. “Ha? Bakit dito?” tanong ng dalaga. “Ikaw…sabi mo burger e so eto masarap ang burger dito diba? Favorite mo to diba? So tara na kain tayo” sabi ni Raymond at tinulak niya papasok si Stephanie na tila nahihiya pa.
Nang nakaupo na sila at nakaorder ay biglang may inabot si Raymond na papel. “Eto o, sorry na” sabi ng binata. Kinuha ni Steph at bubksan na sana ang papel pero tumigil siya. “Ano nakasulat dito?” tanong ng dalaga. “Well if you open it now then may chance na 100 percent mali ako kasi siyempre susuwayin mo yung nakasulat diyan. But if you open that after you had your first kiss, then may chance na tama ako. So ikaw buksan mo kung gusto mo” sabi ni Raymond at tinignan ni Steph ang papel.
Agad binuksan ni Steph ang papel at walang nakasulat, magagalit na sana siya pero agad hinawakan ni Raymond ang kamay niya at may isa pang papel na nilagay sa kamay ng dalaga. “I knew you would do that. So eto yung tunay na may sulat. Please give me a chance to be right. But if you cant its okay open it” hiling ni Raymond at biglang naantig si Steph sa sinabi ng binata.
Gusto na talaga buksan ni Steph ang papel pero tinitigan niya si Raymond. “Okay” sabi nya kaya nilagay nya sa loob ng bag nya ang papel at nginitian ang binata. “Pero ano ba nakasulat don?” tanong bigla ni Steph at natawa agad si Raymond. “Eto naman o, okay na e” sabi nya at nagtawanan sila.
“E alam mo na ako ayaw ko ng surprises e. Sige na sabihin mo nalang” hiling ng dalaga. “I wont tell you kahit na kulitin mo pa ako. If you want to know then buksan mo na. Nasa sa iyo naman na e” sagot ng binata at napasimangot ang dalaga. “Eeeh nagpromise ako e. Pero teka what if buksan ko sa bahay then I wont tell you. O sige nga” hirit ni Steph.
“I know you wont do that, I trust you so much. Lahat ng promises mo sa akin lagi mo tinutupad” sabi ni Raymond at nabigla si Steph at natahimik. Di maintindihan ni Step hang nararamdaman niya. Gusto nyang ngumiti ng sobra pero nagpipigil siya. Naparami ang kain nila kaya nang pauwi na halos di na makapaglakad si Steph kaya kumapit siya kay Raymond.
“Grabe busog ako. Teka okay lang ba ganito baka naman nahihiya ka na ganito hawak ko sa iyo baka makita mo si Margaret” banat ni Steph. “Di naman, e ikaw?” sumbat ng binata. “Sino naman magagalit? Ang tanong e ikaw?” bawi ni Steph. “Di nga, e ikaw?” kulit ni Raymond at nagtatawanan na sila.
Pagkadating nila sa kanila nakasalubong nila sina Tim at Karen. Di makapaniwala ang magsyota sa nakikita nila. “Ano ibig sabihin nito?” tanong ni Tim at tinignan niya ang dalawa. “Ikaw? Ano ibig sabihin nito” banat ni Raymond sabay tingin kay Steph. “E ikaw?” bawi ni Steph at tawa ng tawa yung dalaga habang si Tim at Karen naguguluhan sa dalawa.
“Hoy nakainom ba kayo o naka drugs?” tanong ni Tim. “Ikaw naka inom ka ba?” tanong ni Raymond kay Steph. “Ikaw naka drugs ka ba?” bawi ng dalaga at lalo pa sila nagtawanan. Sa inis naglakad nalang palayo ang magsyota habang nagbawian ng ikaw ang dalawa. “Ano nangyari sa dalawang yon?” tanong ni Karen at di narin mapigilan ni Tim ang tumawa. “Di ko alam, ikaw alam mo?” sagot ni Tim. “Ogag isa ka pa, ikaw gusto mo mag away tayo?” banat ni Karen at tawa narin ng tawa ang dalawa.