sk6

Monday, August 31, 2009

Bertwal Chapter 7: Palipad Hangin

Bertwal

by Paul Diaz



Chapter 7: Palipad Hangin

Isang linggo nalang at pasukan na, tapos na mag enroll sina Marco at Joanna ngunit isang linggo narin may prinoproblema ang dalaga.

Paolo: Ano is he still harassing you sa chat at email?

Hanna: Yeah, nakakainis nga e. Alam kasi niya email ko e ayaw ko naman na magpalit ng email sana. Kahit ignore ko e lagi naman siya nakakagawa ng new nickname. Ok na sana sana sa chat kasi madali ignore pero sa email lagi meron

Paolo: Wag ka muna kasi magchat at sa email report as spam mo nalang kasi. Better yet Wag ka na mag online muna, okay naman tayo sa text diba?

Hanna: Ano?

Paolo: Hahaha ah sorry, wala sige lang pala

Hanna: Ah, yeah sige di na ako muna mag online

Paolo: Okay. Ei, samahan ko lang sis ko saglit ha. Text kita mamaya.

Hanna: Okay, Ingat ka

Parang baliw na niyakap ni Joanna ang phone niya, tinitigan niya ito at binasa ng malakas ang sinabi ni Paolo. “Okay naman tayo sa text diba? Diba? Diba? Oo! Oo! Oo!” sigaw niya sabay tumawa mag isa. “Hmmm para ka nanamang bulateng binudburan ng asin” sabi bigla ng mommy niya na pumasok sa kanyang kwarto. Tumigil si Joanna saglit pero muli siyang natawa mag isa. “Si Paolo nanaman siguro yang katext mo” sabi ng mommy niya.

“The one and only” sumbat ni Joanna. “Hay naku Paola, mas kinikilig ka pa sa kanya kesa kay Ferdy” sabi ng nanay niya habang binubuksan ang mga kurtina ng kwarto. “Ma! Don’t say bad words! Paolo is such a nice guy, I can tell kahit sa text lang” sabi ng dalaga. “A nice guy that you will never meet kasi yan deal deal niyo. Kaya hinay hinay lang” paalala ng nanay niya. Nalungkot bigla si Joanna at tinitigan ang phone niya, nahiga siya sa kama at huminga ng malalim.

“Ma, sa tingin mo ba papayag siyang bawiin namin yung deal namin?” tanong ng dalaga at lalabas na sana ng kwarto ang mommy niya pero tumigil. “Hmmm siguro if it goes two way, pero malay mo baka one sided lang, do you think he likes you too?” sabi ng mommy nya sabay lumabas na ng kwarto. Napaisip si Joanna at napatingin sa kisame, di maipinta ang mukha niya kaya muli niyang binasa ang mga lumang mensahe ni Paolo. “Maybe…he is just being nice” bulong niya sa sarili niya.

Samantala naglalakad sina Marco, Lianne at Angelo sa isang lugar na ngayon lang nila narating. “My God naman pare ano ba iniisip mo kasi? Yang Hanna na yan chatmate mo lang bakit ka masyado apektado sa problema niya? Delikado tong ginagawa natin e” reklamo ni Angelo. “She is not just a textmate or chatmate, kaibigan ko na siya, at pag ikaw din naman may problemang ganito alam mo naman gagawa at gagawa ako ng paraan diba?” sagot ni Marco. “Pero pare kabaliwan na ito e, yang stalker niya or nambabastos sa kanya sa net that is her problem, ignore nalang niya. Pero grabe ka makikipagkita tayo sa stalker niya?” sabi ni Angelo.

“Kung ayaw mo sumama umalis ka na pare, thank you nalang” sabi ni Marco. “Di sa ganon pare. Alam mo naman na walang iwanan pero…okay okay fine so pano niyo na set up tong stalker na to?” tanong ni Angelo. “Pinain ako ni Kuya” sabi ni Lianne bigla at lalo nagulat si Angelo. “What the…pare sarili mong kapatid? Siraulo ka ba?” tanong ng kaibigan niya. “Pumayag ako kasi sira PSP ko, kapalit nito PSP niya so why not” sabi ni Lianne at napakamot si Angelo.

“Pare kung ako makikichat sa kanya sa tingin mo papansinin niya ako? Pwede ako magpanggap na babae pero bakit pa? And I wont let my sister get into trouble, oo na bad na kasi I used her to draw out this stalker, di ko naman hahayaan masaktan kapatid ko. At pag si Lianne sigurado mabibighani yung animal na yon kasi maganda kapatid ko” sabi ni Marco at napangiti si Lianne saglit. “Oy wag ka nang magpapalakas bibilhan mo parin ako ng bagong memory card” sabi ng bunso at natawa nalang si Marco.

“Relax pare kakausapin lang natin siya, lahat nadadaan sa magandang usapan” sabi ni Marco at nakahinga ng maluwag si Angelo. “So bakit mo pa ako sinama?” tanong ng kaibigan niya. “Kasi you know kung-fu” sagot ni Marco at muling napakamot si Angelo. “Ang gulo mo! Sabi mo kausap lang, e marunong ka din naman ng kungfu ah” sabi ng kaibigan niya at natawa si Marco. “Oo pare kausapin lang pero malay mo may kasama siya tapos mag init ulo niya so we have to defend ourselves diba? Marunong ako pero ano to action film na isa bida tapos one million kalaban tapos mananalo pa siya? Be real pare, this is real life so just be a friend for now” sabi ng binata at napabuntong hininga si Angelo sabay kinasa ang mga kamao niya, “Okay fine, lets do this!” sabi niya.

Sa isang computer shop sila pumasok pero napasilip si Lianne sa kabilang store, “Kuya wait treat mo muna ako diyan o” sabi ng bunso. “Mamaya na Lianne okay?” sabi ni Marco at nagsimangot ang bunso. “Pare sure kayo dito? E wala naman tao sa loob pa o” sabi ni Angelo. “Oo pare, at maaga pa naman kaya pwesto na tayo, dito sila mag eyeball” sabi ni Marco kaya pumasok na sila at si Lianne sa malayong terminal nagrenta habang ang dalawa nagshare sa isang sa malayo. “Pare wag masyado close sa akin baka pagkamalan tayong magjowa” sabi ni Marco at natawa si Angelo. “Ogag magandang cover yon, tara magbading badingan tayo” sabi niya kaya game na game silang nag inarteng magcomputer.

Tinitron: Sis relax ka lang nandito lang kami

LilyAnne: Sus kayo nga ang mas kabado e. Kayo mag relax

Tinitron: Hahaha fine.

LilyAnne: Wag kayo lingon ng lingon sa akin obvious no

Tinitron: Okay sige basta steady lang


Dumami ang tao sa shop at nakatitig lang ang dalawang binata sa entrance. May isang lalakeng pumasok at nagrenta ng computer at tatayo na sana si Marco pero pinigilan siya ni Angelo. “Pare chill, di tayo sure siya yan” sabi ng kaibigan niya. “May hinala ako siya yan” sabi ni Marco. “Pare mahirap na magkamali at ano ba? Kakausapin diba?” paalala ni Angelo kaya kumalma si Marco.

LilyAnne: Kuya siya na to. Nagmessage siya sa akin.

Tinitron: Sige, sabihin mo kakawayan mo, wag kang tatayo!

Sumilip si Lianne sabay may kinawayan na lalake, tatayo na sana yung lalake pero sa likod niya sumandal si Marco at inakbayan siya. “Wag kang tatayo kupal ka, wag kang mag eeskandalo kung ayaw mo masaktan” bulong ng binata at nagnerbyos yung lalake. “Tol ano problema mo?” tanong nung lalake. Napatingin si Marco sa screen at nakita niya ang nick na gamit ng lalake, “JhongXxX, ikaw nga…o nagpapadala ka pa ng message kay Bettyfly” bulong ni Marco at halatang kabado na yung lalake.

“Eto ang gusto kong mangyari, titigilan mo na si Bettyfly at kapatid ko naintindihan mo ba ako?” bulong ni Marco sabay diin ng siko sa balikat ng lalake. “Oo pare” sagot niya. “Tandaan mo pare kilala na kita, makarinig lang ako kay Bettyfly na ginugulo mo pa siya makakatikim ka sa akin. Hahanapin talaga kita” banta ni Marco at di na nakasagot ang lalake. Tumayo ng tuwid si Marco at nagyabang pa yung lakake, nagdikit ang mga kilay ni Marco sabay sabunot sa ulo ng lalake. “Marco!” sigaw ni Angelo at napatigil ang binata. “Wag sa keyboard!” sigaw ng kaibigan niya. “Ay oo nga” sabi ni Marco kaya inumpog ni Marco ang ulo ng lalake sa lamesa dalawang beses at dumugo agad ang ilong nito.

“Ano? May angal ka?” tanong ni Marco pero napahawak lang yung lalake sa ilong niya. “Sis tara na!” sabi ni Marco at nagmadali lumapit ang bunso sa kuya niya. Nanggigil si Lianne at sinabunutan din yung lalake sabay nagisisgaw, “Jhong Manyakis ka! Pervert ka!” sigaw ng bunso sabay umpog ng ulo sa mesa. Lahat ng nasa shop nakatingin sa kanila kaya inawat na ni Marco si Lianne. Binayaran na ni Angelo ang rental nila at nagmadali sila lumabas.

Humabol yung may ari ng shop sa kanila at medyo kinabahan sina Marco. “Salamat sa ginawa niyo, madami na nagrereklamo diyan e. Siga siga kasi yan dito. Taga diyan lang yan sa isang kanto. Dibale iban ko narin yan dito pero salamat talaga” sabi ng babae at nakahinga ang grupo ng maluwag. Yumakap si Lianne sa kuya niya at naglakad sila papunta sa katabing store. “Uy tama na Lianne, eto na o ano gusto mo treat na kita” sabi ni Marco at agad sumaya ang bunso. “Ayan o ensaymada” sabi ng bunso at pati si Angelo nagturo. “Ako din kuya napagod din ako, madaya kayong dalawa nakabanat kayo ako wala” reklamo ni Angelo at tumawa si Marco. “Ikaw nga yung scared kanina e tapos sasabihin mo sayang?” sagot ni Marco at tawa sila ng tawa.

Naglakad na sila palayo habang kumakain, nasarapan si Marco sa ensaymada kaya napalingon siya sa pangalan ng store. “Oh shet!” sabi niya bigla sabay labas ng phone. “Bakit pare?” tanong ni Angelo. “Malamang ibabalita nanaman niya sa loves nya etong kinakain niya, ganyan naman yan e. Bawat kinakain namin nirereport niya kay Hanna!” sabi ni Lianne. Di nakikinig si Marco at nagtuloy sa pagtext, napangiti siya at napatingin ulit sa pangalan ng store.

Paolo: Ei! Guess what? Tama ka! Grabe sarap nga ng ensaymada dito sa Big Vinz’s Store. Oh so yummy. My sis even bought cheese rolls. Hmmm be jealous!

Pagkabasa ni Joanna sa text nanlaki ang mga mata niya at napasigaw ng malakas. “Oh my God!!!” sigaw niya at nagmadaling magbihis. Napatakbo ang nanay niya sa kwarto at ninenerbyos. “Bakit ano nangyari?” tanong ng mommy niya. “Ma! Oh my God! Nasa store siya sa kanto!” sabi ni Joanna. “Ano? Si Paolo?” tanong ng ina niya.

“Opo ma, as in OMG! OMG! Teka teka teka kunwari bibili ako teka” sabi ni Joanna sa kaba. “Teka akala ko ba may deal kayo?” sabi ng nanay niya. “Oo nga pero as in coincidence. Di ko sinabi na dito tayo nakatira. Siguro napadaan lang sila kasi he texted me saying yung ensaymada, wait ma wait bibili ako” sabi ni Joanna at nagmadali siyang tumakbo palabas ng kwarto. “Joanna! Ano ka ba? Bilhan mo din ako ng cheese roll!!!” sigaw ng nanay niya.

Nakarating si Joanna sa store pero wala nang tao na bumibili, huminga siya ng malalim at napasimangot. “Shet sayang” bulong niya pero napansin niya na may nagsisigawan sa may katabing computer shop. Lumapit ang dalaga at sa pinto palang patakbo palabas ang lalake na dumudugo ang ilong. Napatigil silang dalawa at nagulat si Joanna, “Ian? Napano ka?” tanong ng dalaga pero napayuko ulo ni Ian. “Sorry Joanna, basta sorry” sabi niya at tumakbo palayo.

Pumasok si Joanna sa loob at huminahon na ang mga tao doon. “Ate bakit yon?” tanong ni Joanna at bumalik na sa counter ang may ari. “Kilala mo ba yon si Ian? Siya pala yung nambabastos sa chat e. Ano yon Jhong ata gamit niya at madami siya nabastos na babae” paliwanag ng may ari at nagulat si Joanna. “Ha?!! Si Ian si Jhong? Shet yon ah!” sigaw ng dalaga. “O pati pala ikaw nabiktima niya” sabi ng shop owner.

“Gago yon ah!” sabi ni Joanna. “Hayaan mo na, nakatikim na siya kanina sa isang customer. Ayon pinadugo nila ilong niya, ilang beses inumpog mukha niya sa lamesa” sabi ng may ari at napatigil si Joanna at napaisip. “Ah ate yung lalake ba may kasamang kapatid na babae?” tanong ni Joanna. “Kapatid? Siguro kasi sis ang tawag niya, pero may kasama pa silang isang lalake” sabi ng may ari at napangiti si Joanna at agad nilabas ang phone niya.

Nagpunta siya sa katabing store at namili at nagsimula magtext.

Hanna: Thank you!

Paolo: Thank you for what? Sarcasm ba yan dahil iniinggit kita?

Hanna: No. Basta thank you.

Paolo: Uy ano yan? Sorry na kung ininggit kita. Sorry na.

Hanna: Hahaha lagi kang worried. Masama ba mag thank you?
Paolo: Para saan nga?

Hanna: Para sa lahat. For being you. Thank you.

Paolo: Hanna naka drugs ka ba?

Hanna: Nope. Sige text you later. Mwah!

Super ngiti si Marco at natisod pa siya. Pagkatayo niya tinatawanan pa siya nina Lianne at Angelo. “O pare ano nanaman yan kasi?” sabi ni Angelo. “Pare ano isasagot mo sa text pag MWAH ang sinabi niya?” tanong ni Marco sabay tumawa. “Why binida mo bas a kanya yung ginawa mo?” tanong ni Lianne. “Hindi ah, never ko sasabihin sa kanya no” sagot ni Marco. “So expression lang yan don’t mind it” sabi ni Lianne. “Pero thank you siya ng thank you e di ko naman alam ano nagawa ko” sabi ni Marco. “Sigurado ka di ka nagpabida?” tanong ng bunso. “Di nga talaga, di ako ganon” sagot ng kuya niya. “O di she likes you” sabi ni Lianne at super ngiti ang kuya niya.

Pagkauwi ni Joanna agad niya niyakap ng mahigpit ang mommy niya. “Pinagtanggol niya ako” sabi nya at nanlaki ang mga mata ng nanay niya. “Nagkita ba kayo?” tanong ng mommy niya. “Nope, pero pinagtanggol niya ako ma, pinagtanggol niya ako dun sa nambabastos sa akin sa net” kwento ni Joanna. “Oh di okay, he likes you” sabi ng ina niya. “Now I know!” banat ni Joanna sabay takbo sa hagdanan. “Oy di ka ba kakain nitong binili mo?” tanong ng mommy niya. Napalingon si Joanna at napangiti, “Di na ako depressed ma, I am…happy!” sabi ni Joanna sabay akyat sa kwarto niya.

Sumapit na ang gabi at di nagawang itext ni Joanna si Marco. Sa bawat pagpindot niya sa phone niya di niya makayanan ituloy ang pagpadala ng mesahe. Di siya mapakali kaya humarap sa PC at hinanap kung naka on ang kachat niya. Di niya ito makita kaya kahit offline nagpadala siya ng mensahe dito para mabasa nalang pagka online siya.

Bettyfly: Where were you when I needed you?

Napangiti si Joanna at huminga ng malalim sabay tinuro ang pangalan ni Tinitron. “Badtrip ka di mo ako tinext maghapon! Pero okay lang” sabi niya sabay patay na sa computer at nahiga sa kama. Pinikit niya ang mga mata pero biglang tumunog ang phone niya at singbilis ng kidlat niya ito nakuha at agad binasa ang mensahe.

Paolo: I was standing beside you but you were looking the other

Hanna: No matter where I looked no one was there

Paolo: I was but you were not just looking hard enough. But I was beside you all the time

Hanna: Shet! Teka! Online ka kanina?

Paolo: Hindi. Mga offline messages ko diretso sa CP

Hanna: Hahaha sorry naman. So musta? Busy ka ata maghapon

Paolo: Di ah. I was waiting for your text. Akala ko ikaw ang busy

Hanna: Hahaha di kaya. Anyway musta? Ano gawa mo?

Paolo: Eto nakahiga, nakatitig sa bintana nakikita ang buwan

Hanna: Uy Emo siya

Paolo: Di naman. If you look at the moon, it looks so small. Move your hand forward, it looks as if my hands are bigger but no matter how much I try to capture the moon I cant. It is just so far away

Hanna: Its not as far as you think. You can do it

Paolo: Its impossible, I wish I had bigger hands

Hanna: You don’t need bigger hands. Just be yourself and reach for it.

Paolo: Anyway late na ah matutulog ka na?

Hanna: Medyo sleepy na

Paolo: Ah okay tara tulog na tayo. Bukas nalang

Hanna: Okay. Goodnight Pao. Sleepwell

Paolo: Goodnight Hanna. Sleepwell.

“Di pa ako inaantok!!! Eesssh nakakainis ka!!!” sigaw ni Joanna pero bigla siyang ngumiti at napatili konti. Lumingon lingon siya sa paligid at tila may hinahanap, “O wala ka naman e” sabi niya sabay tawa. Pagtingin niya sa phone niya, “Ayon pala e” sabi nya at pagtingin sa PC, “O nandyan ka din pala” bigkas nya sabay tumawa ng malakas. Nahiga siya sa kama at ngumiti, napatingin sa bintana at tinuro ang buwan, “Kaya mo Pao” bulong niya sabay pinikit ang kanyang mga mata.

Si Marco bumangon at nagpunta sa bintana, huminga ng malalim at tinitigan ang phone niya. “Bakit wala ng mwah?” bulong niya sa sarili. Scroll down sa mga mensahe at binuksan ang natanggap na text mula kay Hanna nung umaga, “Ayan o meron e” sabi niya at tumawa siya mag isa. Tinignan niya yung buwan at tinuro ito, binuklat ang mga kamay niya at sinubukan hawakan.

“Kahit may hadlang aabutin kita”