sk6

Saturday, May 30, 2009

Chapter 4: Mainland

TWINKLE TWINKLE
BY PAULITO


Chapter 4: Mainland


Nagtago na ang araw at lumabas na ang malaking buwan, lalong lumalakas ang dalawang vampira, bumilis sila at nahihirapan na humabol ang diwata. “Paulito, siguro kailangan na natin magpagabi dito” sabi ni Bobbyno. “Di tayo pwede mag aksaya ng oras” sagot ng vampira. “Oo pero tignan mo si Paula at yung reyna” sagot ng dwende. Napatigil ang vampira at napalingon, tulog na si Nella sa likod nya at si Paula mukhang nanghihina na. “Konti nalang, doon sa may mga puno tayo” sabi ni Paulito at nagtungo sila lahat sa ilalim ng malaking puno.

Pinahiga ni Paulito si Nella sa lupa, bumaba ang mga dwende sa balikat ni Tuti at lumaki ulit sila. Sa isang iglap may dala nang mga kahoy si Paulito at sinindihan ni Paula ang mga ito para meron silang init. “Tuti, may ngipin ka naman na baka gusto mo kumuha ng pwede nila makain” sabi ni Paulito at tuwang tuwa ang payat na vampira. “Paulito sigurado ka okay tayo dito?” tanong ni Darwino. “Oo, hindi tayo nag iisa dito pero ayos lang, may tatlong tiyanak sa malayong kaliwa at limang manananggal sa malayong kanan” sagot ng vampira.

Nakabalik si Tuti na may dalang malaking baboy damo at tuwang tuwa ang dalawang dwende. “Tuti tuti tuti tuti!! We love you na talaga pwamis!” landi ni Darwino at todo ngiti ang vampira pero napansin nila wala ang pustiso nya. “Nasan na ngipin mo?” tanong ni Bobbyno at nagulat si Tuti, “Ay eto di ko natanggal sa piggy damo, loose kasi siya” sabi ni Tuti at nagtawanan ang lahat. Nagising si Nella dahil sa ingay at agad siya tumayo at tinabihah si Paulito. “Di ka nga pala kumakain ng karne sandali maghahanap ako ng pwede mong kainin” sabi ng vampira. “Hindi na, kumakain din naman ako kung meron, ayaw ko lang kasi pumatay ng hayos kaya gulay lang kinakain ko, pero pag may karne kumakain naman ako e” sabi ni Nella.

“Tamad” biro ng vampira at tumawa si Nella. “Hindi ako tamad, ayaw ko lang pumatay ng hayop” sumbat ni Nella. “Oh sige antayin mo nalang maluto yung piggy” sabi ni Paulito at mabilis siyang umakyat sa pinakatuktok ng puno at doon tumayo. “Ano gagawin niya doon sa taas?” tanong ni Nella. “Baka magpapaulan nyahahah wiwiwiwiwiwi” biro ni Darwino at nagtawanan ang dalawang dwende, pati si Tuti natawa pero muling nalaglag ang pustiso niya kaya lalo pang silang nagtawanan.

“Nagbabantay lang yan, diba sabi sa alamat e sigurista yan, hayaan mo na at magpahinga ka. Antayin mo nalang maluto ang pagkain” bulong ni Paula. “Yung sinasabi mo kanina pala tungkol kay Felicia” sabi ni Nella at napatingin sa taas si Paula at niyuko niya ulo niya at lumayo. Tumingala si Nella at nakita niya si Paulito nakatitig sa kanya, ramdam ng dalawa ang dinadalang sakit sa puso ng vampira kaya naupo nalang siya at inantay maluto ang karne.

Pagkatapos nila kumain nilapag ni Paulito ang cloak niya para mahigaan ni Nella, mabilis siyang bumalik sa tuktok ng puno at doon tumayo. Gumaya si Tuti at binigay ang cloak niya kay Paula, umaakyat din sya sa tuktok ng kabilang puno at nagbantay din.

“Hindi ba sila matutulog?” tanong ni Nella. “Sa umaga sila nagpapahinga, ganitong gabi malakas sila kaya babantayan nila tayo” sagot ni Paula. “Ganyan talaga yan si Paulito, pati nung kami siya lagi yung nagbabantay sa gabi” paliwanag ni Bobbyno. “E si Tuti, isa ba siya sa mga disipulo?” tanong ni Nella. “Hindi, pero kasa kasama na namin yan mula noon pa. Masaya na yan basta kasama si Paulito, kasi nung bata yan si Paulito nagligtas sa kanya, muntik nang napugutan yan ng ulo e. Kaya mula noon dumikit na yan sa idol nya. Ang taba nyan dati kasi spoiled yan kay Paulito, kahit nung nabungi mataba parin pero noong nakulong si Pau wala nang nagpapakain diyan” kwento ni Darwino.

“Pero ano ba nangyari kay Felicia?” tanong ni Nella at agad nahiga ang mga dwende at di sumagot. Pati si Paula nahiga na at pinikit ang mata kaya napatingin si Nella kay Paulito, “Alam ko naririnig mo ako, bakit ba ayaw mo ipakwento nila sa akin?” bulong ni Nella at napatingin sa kanya si Paulito pero agad din niya nilayo tingin niya. Nahiga si Nella at pinagmasdan si Paulito, pagtingin niya kay Tuti napangiti nalang siya kaya pinikit na niya mata niya at natulog.

Sa ikatlong araw ay malapit na sila sa paanan ng bundok, nagpasya si Nella na tumigil sila muna para makapagpahinga ang dalawang vampira. Nananghalian sila at pagkatapos binurol nila ang dalawang vampira para di matamaan ng sinag ng araw, unang naburol si Tuti at lumuhod sa lupa ang dalawang dwende at kunwari nag iiyak. “Bakit mo kami iniwan?!” drama ni Darwino kaya tawa ng tawa si Nella. “Hoy kayong dalawa, kayo muna bahala dito” paalala ni Paulito at nagpaburol narin siya.

Nagtago na ang araw pero nagpasya si Nella na wag muna gisingin ang dalawa para makapagpahinga pa sila. “Hayaan muna natin, tatlong araw din silang gising e…kaya niyo naman siguro maghanap ng pagkain diba?” sabi ni Nella sa mga dwende. “Ano ba gusto niyo elephant?” biro ni Darwino. “Kahit ano basta makain, sige na. Nandito naman si Paula kaya okay lang kami” sabi ni Nella at umalis na ang dalawang dwende para maghanap ng pagkain.

Naupo ang dalawang babae sa tapat ng bonfire at pinagmasdan ang dalawang mga nakaburol. “Siguro pag tinanong ko di mo parin sasabihin sa akin” sabi ni Nella at ngumiti lang si Paula. “Gusto ko lang naman malaman ano nangyari pero okay lang, siguro siya na mismo magsasabi sa akin balang araw” hirit ni Nella pero pagtingin niya kay Paula nakita niya ang takot sa mukha ng diwata. Kinabahan si Nella at paglingon niya may malaking tikbalang na naglalakad papalapit sa kanila.
Napasigaw si Nella at at kumapit kay Paula, di makagalaw ang diwata at tila nanigas at tulala. “Paula! Hoy gumalaw ka naman!” sigaw ni Nella at tumawa ng malakas ang tikbalang. “Swerte ko naman, isang diwata at isang tao…unahin ko yung…tao!” sabi ng tikbalang at tinitigan si Nella at muling napasigaw si Nella sa takot.

Humakbang papalapit ang tikbalang, pulang pula ang mga mata niya at naglalaway siya, inabot niya ang kamay niya para mahawakan si Nella, napapikit nalang ang dalaga pero narinig niya ang sigaw ng tikbalang. Pagbukas ng mata ni Nella may puting lobo na kumagat sa kamay ng tikbalang.

Napalo ng tikbalang sa ulo ang lobo kaya bumitaw ito, sa takot binuhat ni Nella ang espada ni Paula at tinutok ito sa tikbalang. “Wag kang lalapit!” sigaw ng dalaga, si Paula naninigas at tulala parin sa lupa. “Nene ni hindi mo nga mabuhat yan e…wag ka na papalag kasi” sabi ng tikbalang pero muling tumalon ang lobo sa likod nya at kinagat sya sa balikat. Nahawakan ng tikbalang ang ulo ng lobo at naihagis ito sa malayo.

Ininda ng tikbalang ang sugat niya saglit pero napangiti sabay tinignan si Nella. Winasiwas ni Nella ang espada pero sa bigat napaupo siya sa lupa at natawa ang itim na tikbalang. Lumapit ang tikbalang at nanigas na si Nella sa takot, inabot ng nilalang ang isang paa ni Nella pero mula sa lupa may kamay na lumabas at nahawak sa leeg ang itim na nilalang.

Napaluhod ang tikbalang at di makahinga, lumabas mula sa lupa si Paulito at tinignan si Nella. “Sinaktan ka ba niya?” tanong ng vampira at di makasagot si Nella at lumuluha. Hinarap ni Paulito ang tikbalang at pinakawalan ito, napaatras ang tikbalang at humawak sa leeg nya, “Vampira ka! Alam mo naman na bawal ang mga tulad mo dito…pag nalaman ito ng hari tiyak ipapaubos niya kayo!” sigaw ng tikbalang.

“Sino ba nagsabi makakapagsumbong ka pa?” sagot ni Paulito at tumayo ang tikbalang at pumorma sa laban, “Nell! Tumalikod ka muna” utos ng vampira pero di gumagalaw ang dalaga, “Nella!” sigaw ni Paulito at dahan dahan tumalikod si Nella at pinikit ang kanyang mga mata.

Narinig ni Nella ang sigaw ni Paulito kaya tinakpan niya mga tenga niya, tagos parin ang mga sigaw ng tikbalang kaya lalo niya diniin ang mga kamay nya sa tenga niya. Naririnig parin ni Nella kaya napapasigaw na siya, ilang sandali lang may humawak sa kanyang balikat kaya nanginig siya pero may yumakap sa kanya kaya napalingon siya. “Wag ka na matakot, okay na” sabi ni Paulito at napayakap si Nella sa kanya.

Napalingon si Nella sa paligid at di na niya mahanap ang tikbalang, nakita niya ang burol ni Tuti na at wala don ang isa pang vampira. “Nasan na yung tikbalang?” tanong ni Nella at tumayo si Paulito. “Niligpit na ni Tuti” sagot ng vampira at tinignan nito ang nanginginig pang diwata. Muling lumuhod si Paulito at pinunasan ang mga luha ni Paula, “Bata ka pa, pero tatapang ka din wag kang mag alala” sabi ni Paulito.

Narinig nila ang mga tinig ng dalawang dwendeng nagkakantahan, ilang saglit may dala silang piglet at tuwang tuwa pa sila. Masama na titig ni Paulito ang sumalubong sa kanila kaya tumalikod sila agad, “Galit si boss, nanliit ata sa piglet” sabi ni Bobbyno pero agad sila nahawakan ni Paulito. “Bakit niyo sila hinayaan? At bakit niyo hindi kami ginising?” tanong ni Paulito. “Sabi ng reyna e hanap kami food” reklamo ni Darwino. “Kahit na! Muntik na sila namatay!” sigaw ni Paulito pero hinawakan ni Nella ang balikat niya. “Inutos ko sa kanila na maghanap ng pagkain at wag kayo gisingin” sabi ni Nella at huminga ng malalim ang vampira at binitawan ang mga kaibigan niya.

“Scared si Paulito kay Nella…uy uy” tukso ni Darwino at napangiti ang vampira. Mula sa kagubatan lumabas si Tuti na may dalang malaking baboy at natuwa ang mga dwende. “Buti pa si Tuti malaki ang dala, kayo piglet lang” sabi ni Nella. “Oy sa liit namin ang piglet parang dinosaur na no!” sabi ni Bobbyno at biglang natawa si Paula. “O you see, napatawa namin siya, oy Tuti dali na litsunin na yan!” sigaw ni Darwino at pinakawalan na nila ang piglet.

Habang kumakain sila napatigil ang dalawang vampira kaya lahat nanahimik, lumapit ang puting lobo at naupo sa paanan ni Paulito. Nagkatinginan si Paulito at yung dalawang dwende saglit at hinaplos ni Paulito ang ulo ng lobo. “Ay yan ang unang lumaban sa tikbalang kanina, pakainin niyo siya, baka may pilay kasi tinapon siya palayo” sabi ni Nella at lumapit siya at pinakain ng karne ang lobo.

Isang oras lumipas at nakaupo si Nella at Paula sa harap ng bonfire hinihimas ang likod ng lobo. Gumamit ng mahika si Paula at naglabas ng pink na ribbon at tinali niya ito sa leeg ng lobo. Nagkatinginan ang mga dwende at mga vampira at bigla sila nagtawanan, “Oy Paula lalake yan look it has a bird” sabi ni Darwino at lalo pa nagtawanan ang mga magkaibigan.

“Okay lang naman e, wala naman isip itong lobo tulad natin. So okay lang kahit na lagyan namin siya ng pink na ribbon, bagay nga nya e o” sabi ni Nella at halos mamatay sa tawa ang mga dwende at vampira. “Hayaan mo lang sila na tumawa at baliw mga yan” sabi ni Nella sabay haplos sa lobo.

Ilang minuto pa nakatulog na sina Nella at Paula, ang mga dwende nakahiga narin. Nakaupo sa malayo si Paulito at nilapitan siya ng lobo, “Long time no see my friend” sabi ng vampira at nagpalit ng anyo bigla ang lobo at naging tao. Naupo sa tabi ni Paulito ang lobo at nakipagkamay ito sa vampira.

“Sinusundan ko kayo mula nung tumawid kayo sa hanging bridge. Nung una di ako makapaniwala na ikaw yan” sabi ng taong lobo. “Oo alam ko Sarryno, naamoy kita pero akala ko galit karin tulad ng iba kaya di kita hinarap” sagot ni Paulito. “Hindi naipaliwanag na lahat ni Aneth, agad kita hinanap di ko alam sinundo mo pa pala yung dalawang bulilit” sagot ni Sarryno.

“Hoy bakla sinong bulilit?” sabi ng maliit na tinig at paglingon nila nandon ang dalawang dwende. Nagharap ang apat at nagngitian, “Wala ka nang praktis Sarryno, yung tikbalang lang di mo na nakayanan” sabi ni Bobbyno at napasimangot ang taong lobo. “Oo nga e, pero ilang araw lang na practice okay na” sabi ni Sarryno.

“Paulito, ano binabalak mo kay Virgous? Alam mo naman mainitin ulo non, baka di ka pa nakapag explain e aatakehin ka niya” sabi ni Bobbyno. “Tostadong vampira ka” biro ni Darwino at nagtawanan sila. “Siguro nga ako ang pinakamahina sa inyo pero ako lang nakakaalam ng kahinaan niyo lahat” sabi ni Paulito at nanahimik yung tatlo at si Paulito naman ang tumawa.

“Siguro pag apat tayo kaya natin siya” sabi ni Sarryno. “Hindi, ako lang haharap sa kanya, kung may mangyari sa akin at least meron pa kayo magpapatuloy ng laban na to” sagot ni Paulito. “Oy wag kang ganyan, alam mo naman na di kami makakapasok sa Vampire Town, ikaw lang makakahanap don sa iba. Kung wala ka na tapos na tong laban na to” sabi ni Darwino.

“E di magsamba kayo na walang mangyayari sa akin” sabi ni Paulito sabay tawa. “Tumatawa ka nanaman, may plano ka na ano?” tanong ni Bobbyno at ngumiti lang si Paulito. Tumayo ang vampira at tinuro ang bulkan, “Alam niya paparating tayo, sigurado ko hindi maidadaan sa magandang usapan ito. Kaya kung pwede maiwan kayo dito at bantayan niyo ang reyna, ako nalang ang haharap kay Virgous” sabi ni Paulito.

“Hoy, wag kang magpapakabida. Ikaw nga ang pinakamahina diba? Kaya ka punong disipulo kasi ikaw ang mautak, kailangan mo kami” sabi ni Darwino at tumawa si Paulito. “E di uutakan ko nalang siya” biro ng vampira at nainis ang mga kaibigan niya.

“Basta mga pare, wag kayong mag alala, makukumbinsi ko si Virgous. Bukas ng umaga pagbalik ko kasama na natin siya” sabi ng vampira at nagulat sila. “Pupunta ka na ngayon?” tanong ni Sarryno. “Oo nag aantay na si Virgous, kailangan ko kayo maiwan dito protektahan niyo ang reyna. Wag kayong mag alala…kailan ba ako ba kayo binigo?” sabi ng vampira.

Wala magawa ang tatlong disipulo, si Paulito ang napili na punong disipulo at ni minsan wala pa siyang salitang nabibitawan na di nagkakatotoo. “Sige pare, be safe. Kami na bahala dito” sabi ni Darwino.

“Ay oo nga pala Sarryno…” sabi ni Paulito at tumayo ang taong lobo at tinignan ang kaibigan niya. “Ano yon pare?” tanong ni Sarryno.

“Bagay na bagay mo ang fenk” sabi ng vampira at nagtawanan silang lahat.