M.P.
by Paul Diaz
by Paul Diaz
Chapter 3: Ang Tunay na Siga
Isang umaga hinarang si Leo ng mga kalalakehan sa gate, “Tol balita ko umaaligid ka sa girlfriend ko ha” sabi ng isang matangkad na estudyante. Takot na takot si Leo at paatras ang lakad niya pero tatlo ang kaharap niya. “Sino ba? Sino tinutukoy mo?” tanong ni Leo.
“Ah ganon? Nagmamaangmaangan ka pa ha” sabi ng matangkad na lalake. Biglang sumulpot si Jp at umakbay sa balikat ni Leo, “Tara pare late na tayo” sabi niya at biglang napaatras ang tatlong lalake. “Pare hinarang kasi ako ng mga ito e” sumbong ni Leo sabay ngumisi.
Tumaas ang kilay ni Jp, di nakikita ang mga mata niya sa madilim na shades niya. “Mga ito pare? Hinarang ka?!” tanong ng siga at lalong nagpapaatras ang tatlo. Tinuro ni Jp isa isa ang mga lalake, “Isa…dalawa…tatlo…sila lang ba? O siya madali lang to, pare dating gawi pigilan mo yung mga aawat ha” sabi ng siga. “O sige pre” sagot ni Leo na natatawa na pagkat takot na takot na yung tatlo.
“Wait, its just a misunderstanding. Sorry na Jayps” sabi ng matangkad. “Nyeta anong misunderstanding pinagsasabi mo? Kung misunderstanding bakit tatlo kayo? Siguro ikaw lang naman ang may problema dito sa kaibigan ko e bakit ka pa magtatawag ng alalay mo? E di say ko din misunderstanding din tong gagawin ko” sabi ng siga.
Nagstretching na si Jp, madami nang estudyante ang naglalakad palayo. “Jayps wait, pwede naman pag usapan to e” sabi ni tangkad. “Hala! Ngayon gusto mo mag usap e kanina halos gugulpihin mo na kaibigan ko e. May utak ka naman pala, alam mo naman pala pwede pag usapan e. Kilala na kita, akala niyo there is strength in numbers, kung lalake ka talaga pwede naman one on one, hala tama na ang satsat” sabi ni Jp.
“Tol naman sorry na. Okay na lahat, Leo sorry pare. O pare nagsorry na ako” sabi ng lalake. “Talk is cheap, baka pagtalikod ko haharangin niyo nanaman siya” sabi ni Jp. “Di na talaga pre, okay na talaga. Misunderstanding lang talaga lahat to” sabi ni tangkad. Inabot ni tangkad ang kamay niya kay Leo, nagkamayan sila at nagngitian. “Okay na talaga pare I swear” sabi ni tangkad.
“Nasayang ang warm up ko e, Leo gutom ka? Gutom ako e” sabi ni Jp sabay titig kay tangkad. Bigla nito nilabas wallet niya sabay abot ng five hundred kay siga. “Anong nangyari dito? Tara na late na tayo” sabi ng siga at biglang tumawa yung tatlo at nakahinga sila ng maayos. “Sige mga tol” sabi ni Leo sabay naglakad na ang magkaibigan palayo.
Napakamot nalang si tangkad pero bigla siya nilingon ni Jp, “Oist, pag may nangyari dito sa kaibigan ko ikaw una kong hahanapin tandaan mo yan” banta niya at wala nang magawa yung tatlo at naglakad nalang palayo.
Pumasok na sa campus ang magkaibigan at Masaya si Leo. “Oy wag kang tatawa tawa diyan loko ka. Di lahat ng gusot mo nandon ako, at nakakarami ka na pare” sabi ni Jp. “Sorry pre, di na mauulit yon” sagot ng kaibigan niya. “Next time pare alamin mo muna kasi kung may boyfriend na, pag meron respeto naman” payo ng siga. “Alam ko naman meron e, nagbakasakali lang ako” sagot ni Leo at bigla humarap ang siga sa kanya.
“Gago ka pala e! Kasalanan mo naman pala e. Dapat hinayaan na kita magulpi kanina!” sigaw ni Jp. “Hoy ano ba kayo ang aga aga nagiiskandalo kayo” sabi ni Jenna na kararating lang. “Ito kasing magaling na to e!” sigaw ni Jp. “E ano ba problema mo? Wala naman nangyari ha” sumbat ng bestfriend niya.
“Teka nga ano ba pinag aawayan niyo kasi?” tanong ni Jenna na pumagitna sa dalawa. “Yang magaling na yan nanligaw ng may boyfriend na!” sagot ni Jp. “E wala naman nangyari e! Alam mo naman ako lagi palpak pare e bakit mo pa pinapalaki ang issue?” bawi ni Leo. “Ogag ka pala e! Aantayin mo pa na may mangyari? Ganun ba? Porke nabasted ka abswelto ka na?” banat ng siga.
“Si Monique ba yon?” sabi bigla ni Jenna at napalingon si Leo. Si Jp tumalikod at naglakad palayo, “Sige late na ako” sabi niya at natawa ang dalaga. “Wala naman si Monique” sabi ni Leo sabay tingin sa dalaga. “Hay naku, wala talaga pero it’s the only way to make him stop” sabi ni Jenna. Natawa din si Leo at nakahinga ng maluwag, “Thanks ha” sabi niya. “Ngayon alam mo na weakness niya” sabi ni Jenna at nagtawanan sila.
“Ewan ko ba diyan bigla nalang ako pinag initan, di naman ganyan yan e” sabi ni Leo. “Sus bestfriend mo at di mo alam bakit siya nagalit?” tanong ni Jenna. “Hindi e, kahit sabihin mo bestfriend kami madami parin sikreto yan. Up to now nga di ko alam san nakatira yan e” sabi ni Leo. “Hello pati ako kaya. Last time kailangan naming ng help niya sa pc, tinawagan namin ng boyfriend ko sabi ko dadalhin nalang namin don sa kanila kasi gabi na nga at may kotse naman. Akalain mo ba naman ayaw niya, siya pa pumunta sa bahay” sabi ni Jenna.
“Baka nahihiya” sabi ni Leo. “Nahihiya? Bakit naman?” tanong ng dalaga. “Tignan mo pananamit niya, panay old. Baka nahihiya siya ipakita house nila. Pero di naman tayo mapanlait e diba?” sabi ng binata. Napaisip ang dalaga huminga ng malalim, “Pero if that is the case, pano siya nakakapag aral dito? Tapos diba sister niya sa exclusive high school din?” sabi ni Jenna.
“Ewan, baka gusto ng parents nila na magandang edukasyon sila magkapatid. Or may kamag anak silang nagpapaaral sa kanilang dalawa. Wag mo sabihin na scholar yan at talagang di ako maniniwala kasi never ko pa nakitang humawak ng libro o notebook yan” sabi ni Leo.
“Ows? Kahit nung highschool kayo?” tanong ni Jenna. “Ay di kami parehong school. Bale nung elementary kami nagkakilala sa isang camping ng Boy Scouts” kwento ni Leo. “Ows? Boy Scout kayo? Di ko maimagine ha” sabi ng dalaga sabay tawa. “Oo no pero di naman siga yan noon e, kalog oo pero siga hindi” dagdag ni Leo.
“So you mean to say up to high school Boy Scout kayo?” tanong ng dalaga. “Yup, kahit magkaiba school namin basta may camping don kami nagkakasama. Pero noon palang masekreto na siya e at di pa siga. Kaya gulat ako dito sa college siga pala siya. Well it figures kasi dati sanay ako nakikita yan naka uniform lang e” kwento pa ni Leo at nagtawanan sila.
“Teka, ikaw pano mo siya nakilala? Magkaklase ba kayo nung highschool?” tanong ni Leo. “Hello! Kung magkaklase kami e di sinabi ko na saan kami nag aaral dati. Nakilala ko lang siya last sem” sabi ng dalaga. “Weh, bakit close kayo. Uy siguro may nakaraan kayo no?” tukso ng binata. “Sus may boyfriend ako since highschool days kami na” sagot ni Jenna.
“Hmmm e bakit kayo close? Niligawan ka niya no?” hirit ni Leo at natawa ang dalaga. “Sira ka talaga. Bakit porke magkaibigan lalake at babae may nakaraan na ganon?” bawi ni Jenna. “E imposible naman na nagkakilala lang kayo dito. Magkaiba naman course niyo tapos at pag last sem lang talaga bakit nung first day of classes I remember pinakilala ka na niya agad sa akin? Hmmm meaning before pa kayo magkakilala” banat ni Leo.
“Enrollment noon nagkakilala kami” sabi ni Jenna at di kuntento si Leo. “Something fishy going on. Maganda ka e, dati akala ko wala siya hilig sa babae pero nabuking natin na type niya si Monique. Siguro niligawan ka niya tapos sabi mo hanggang friends lang kayo no!” sabi ni Leo at tawa ng tawa si Jenna.
“Hay naku ewan ko sa iyo. Sige na late na ako” sabi ni Jenna. “Kayo may tinatago kayong sekreto ha, malalaman ko din yan” sabi ng binata. “Good luck naman sa paghahanap, oy kinikilan ka na ba niya ng five pesos today?” tanong ni Jenna at natawa yung dalawa. “Pati ikaw pala hinihingian niya ng five pesos? Araw araw ba?” tanong ni Leo.
“Oo kaya, pero hayaan mo nalang baka kailangan niya talaga” sabi ni Jenna at napaisip yung dalawa. “Oo nga e. Dati naiinis na ako sa kanya pero ngayon ko lang narealize baka nga hirap sila. O sige pasok narin ako, oy malalaman ko din sekreto niyo” sabi ni Leo at dumilat lang ang dalaga sa kanya.
Pagsapit ng hapon ay nakatambay si Jp sa ilalim ng puno. Dumating si Leo at ilang saglit lang pati si Jenna napadaan. “Pare wala ka nung lunch, kakain tayo dapat diba?” sabi ng siga. “Ah oo pre sorry may inasikaso ako e. Itetext sana kita pero wala ka naman cellphone diba?” sagot ni Leo at inirapan siya ni Jenna kaya bigla siya natauhan.
“O tara na ikain na natin to, sama ka narin Jenna” alok ng siga. “Ah pare di na at may lakad ako e” sabi ni Leo. “Inaantay ko lang si Oli” sabi naman ni Jenna. “Ah sige bukas nalang” sabi ni Jp. “Di na pre, ilibre mo nalang sis mo” sabi ni Leo kaya tumayo si Jp at napakamot. “Fine, oh akin na collection” sabi niya. “Ha? Bakit pa e may five hundred ka na nga e” reklamo ng kaibigan niya pero siniko siya ni Jenna.
“Sabi mo ililibre ko kapatid ko, iba tong koleksyon, sige na labas na” sabi ng siga at naglabas ng tig limang piso ang dalawa. “Okay see you tomorrow” sabi ni Jp at naglakad na siya papunta sa building nila. “Oy dito ang daan ng main gate” sabi ni Leo. “Alam ko, don ako sa back gate dadaan. Hoy Leo, may boyfriend na yang si Jenna ha” sabi ng siga.
“Tsk ano ba problema niya? Akala ko okay na” bulong ni Leo. “Hayaan mo na siya, may pinaghuhugutan ang sinabi niya kaya let him be” sagot ni Jenna. “Ano ibig mo sabihin?” tanong ng binata. “Basta, sige nandito na si Oli” sabi ni Jenna. “Oy ano yon? Parang may alam ka ata. Share mo naman” sabi ni Leo. “Hay basta makinig ka sa sinasabi niya” sagot ng dalaga sabay umalis.
Sa loob ng engineering building binuksan ni Jp ang locker niya. Nilabas niya ang isang bag sabay sara sa locker. Mabilis siya naglakad palabas ng likod ng building, dito ang back gate ng campus at dito siya lagi dumadaan tuwing umaga at uwian sa hapon.
Sumakay ng jeep si Jp, at ilang minuto lang pumara na ito. Sa isang pribadong subdivision siya naglakad at pagkalipas ng limang minuto ay narating na niya ang kanilang bahay. Malaki ang bahay nila, at bago pa siya nakapasok sa gate ay may kotseng tumigil sa tapat. Agad na pumasok si Jp at tuluyan binuksan ang gate at pumasok ang sasakyan sa loob.
Pagkasara ng binata sa gate ay may lumabas na magandang dalaga mula sa kotse ay agad siya niyakap. “Kuya!! Maaga ka naman pala dismiss e, ikaw nalang kasi sumundo sa akin araw araw” lambing ng kapatid niyang si Trisha. “Oo nga anak, yung kotse mo nabubulok lang o. Sus pag di mo ginagamit masisira yan” sabi ng tatay niya na kalalabas ng kotse.
“Dad malapit lang naman ang school ko e, sayang lang ang gasolina” sagot ng binata. “Kuya naman sabi ko wag kang ganyang pumorma e. Look you look madungis” singit ni Trisha habang papasok sila sa bahay.
“Wag ka muna magbihis dad, mag grocery tayo” sabi ng nanay ni Jp. “O yan anak ikaw na magmaneho para sa mama mo” sabi ng tatay niya. “Yes dad, pasok ko lang gamit ko sa kwarto ko” sabi ng binata. “Wait sasama ako, bibihis lang ako” sigaw ni Trisha sabay takbo sa taas.
Pagpasok ni Jp sa kwarto ay agad ito nahiga sa kama at huminga ng malalim. Sumilip kapatid niya sa pinto at sabi “Kuya change of plans daw, kakain daw tayo ng dinner sa labas” sabi ni Trisha. “O sige, wake me up pag bihis na kayo lahat” aniya sabay pinikit ang mga mata niya.
Trenta minuto lumipas nagising si Jp dahil sa ingay ng boses ng kapatid niya. “Aalis na ba tayo?” tanong niya. “Oo pero wait, namimili pa ako pagbibihisan mo” sabi ni Trisha habang namimili siya ng damit ng kuya niya. “Wag na ganito nalang ako” sabi ni Jp. “No no, eto nalang tapos mag walking shorts ka nalang then hmmm ito moccasins nalang. Dali na bihis ka na kuya” pilit ni Trisha.
Napakamot nalang si Jp nang bumangon siya, nilabas niya mula sa bulsa niya ang dalawang coins na galing kina Leo at Jenna. Nilabas ni Jp ang baul sa ilalim ng kama niya, binuksan niya ito at sa loob may dalawang basyo na punong puno ng coins. “Hala bakit ka nag iipon ng coins?” tanong ni Trisha.
“Para sa kanila din lang to, itong isa kay Leo, ito kay Jenna. Mga kaibigan ko” sabi ng siga. “Pinag iipunan mo sila?” tanong ng dalaga. “Hindi, galing din lang sa kanila to e. Hahahaha para pag binigyan ko sila regalo sa Christmas or sa birthday nila o diba surprised sila. Ang di nila alam pera din lang nila” paliwanag ni Jp sabay tumawa.
“Kuripot ka talaga kuya” biro ng kapatid niya. “Hindi naman, kasi pansin ko waldas sila e. Parang tulong narin to sa kanila, pinapakiramdaman ko ano mga gusto nila ganon para alam ko bibilhin ko para sa kanila” sabi ni Jp. “E what if kulang yang koleksyon mo sa gusto nila?” tanong ni Trisha. “Dagdagan ko syempre” sagot ng siga.
Nagsimangot si Trisha at nagdabog, “Buti pa sila pinag iipunan mo” drama niya. Sa loob ng malaking baul may dalawa pang mini baul at isa doon may tatak na Trisha. Nilabas ni J pang limang daan mula sa bulsa niya at binuksan ang baul at nilagay ang pera doon. Nanlaki ang mga mata ni Trisha pagkat ang daming laman ng baul para sa kanya.
Agad niyakap ni Trisha ang kuya niya sabay hinalikan sa pisngi, “Wala na buking na ang surprise” sabi ni Jp. “Kuyaaaa gastusin na natin today yan may gusto ako bilhin” lambing ni Trisha. “Dadami pa to pag paabutin natin ng pasko. Ikaw gusto mo na ba?” tanong ni Jp. “Hmmm sige sa pasko nalang. Pero kuya bakit itong isang baul kailangan pa ng key? At sino si Tobe?” tanong ng kapatid niya.
Huminga ng malalim si Jp at ngumiti
“Hindi Tobe sis, its To Be”
Chapter 4: Monique
Sumandal si Monique sa upuan niya at napatingin sa labas ng bintana, “Pssst Nicka” narinig niya si Rose bumulong. Napalingon ang dalaga at dating gawi binigay niya ang quiz paper niya sa kaibigan niya. “Salamat, mabilis lang to” sabi ni Rose at nagsimula na siya kopyahin ang papel ng kaibigan niya.
Di pa natatapos si Rose ay inagaw na ng iba ang papel ni Monique, nakita ng dalaga na pinagpapasahan na ang kanyang quiz paper pero tumingin nalang siya sa labas at nagsimangot.
Lunch break, napadaan ang magkaibigan sa hardin, pasimpleng tumingin si Monqiue pero agad siya binara ng kaibigan niya. “Wala siya” sabi ni Rose. “Sino?” tanong ng dalaga. “Sus, kunwari ka pa” sumbat ni Rose. “Ano ba pinagsasabi mo?” tanong ni Monique. “Wala tara na sa canteen o gusto mo sa labas nalang tayo maglunch?” sagot ng kaibigan niya.
“Alam mo ba may masarap na kainan daw sa back gate” sabi ni Monique. “Ah talaga? Di ba panay engineering students karamihan kumakain don?” sagot ni Rose. “So? Di naman exclusive for them yon ha” banat ni Monique. “Engineering student si Tim diba?” tanong ni Rose. “Yup, industrial engineering” sagot ng dalaga.
“O sige tara na don” masayang sabi ni Rose at napansin niya ang tuwa sa mukha ng kaibigan niya. Nang malapit na sila sa back exit ay tumigil si Rose at ngumisi. “Alam mo balita ko yung siga engineering din siya” landi niya. “Bwisit! Wag na nga! Tara na don sa canteen” pagalit na sinabi ni Monique at natawa ang kaibigan niya.
“Uy grabe to joke lang naman e” bawi ni Rose at hinabol ang galit na kaibigan niya. “Bakit mo kasi pinagpipilitan yon?” tanong ni Monique. “Oo na di na, sorry na sis. Tara na try na natin don” sabi ni Rose. Napasimangot si Monique at tinignan ang kaibigan niya, huminga siya ng malalim at ngumiti.
Sa Aling Nilda’s restaurant kumain ang dalawa, sikat si Monique sa buong campus kaya halos lahat ng kalalakihan nakatingin sa kanya. Madami na order si Monique at nahihiya tuloy si Rose, “Sis grabe ka ang dami nakatingin sa atin tapos mabubuking na matakaw ka” bulong niya.
“E totoo naman e” sagot ni Monique. Ilang minuto lang dumating na ang pagkain nila, agad kumain ang dalawa pero napansin ni Rose na palingon lingon sa paligid ang kaibigan niya. “In fairness totoo ngang masarap ha, mura pa” sabi niya. “Told you, nakakasawa na kasi ang manok no” banat ni Monique. “Sorry naman kung yun lagi lunch natin pero paiba iba naming fast food ha” bawi ni Rose sabay tawa.
“Ay by the way sis, si Evil ay working student na pala” sabi ni Rose at tumaas ang kilay ng kaibigan niya. “Si Evilyn? Geez wag mo nga babanggitin pangalan ng babaeng yan sa akin, badtrip yan” sabi ni Monique. “Sorry, I was just saying. Actually bagay niya don sa student affairs office, diba don tinatapon ang mga bad students” dagdag ni Rose sabay tawa.
“Student affairs?” tanong ni Monique at nagliwanag ang mukha niya. “Oo sis bakit?” sagot ni Rose. “Ah wala lang kasi talagang bagay siya don! Sigurado mo nagwowork siya don or nakakulong siya don?” banat ni Monique at tawa sila ng tawa peo tuwang tuwa si ganda sa balitang yon.
“Alam mo I think I can forgive her, sayang din naman friendship natin e” sabi ni Monique sabay pinagmasdan reaksyon ng kaibigan niya. “Oo pero sis mapagkakatiwalaan pa natin siya after what she did?” tanong ni Rose. Napasimangot si Monique at napabuntong hininga, “Di natin malalaman if we don’t forgive her and give her a chance” bulong niya.
“Ikaw sis bahala, ako naman kampi ako sa iyo e. Pero we should be careful. Ikaw kasi sis masyado kang trusting eh. Tapos matuto ka naman kasi mag no for a change. Yes girl ka e” sermon ni Rose at napangiti ang kaibigan niya. “E sis ganito na talaga ako e. Kahit gusto ko mag no e parang nakakahiya naman tumanggi, lalo na sa friend diba? Pero oo ingatan natin siya” sabi ni Monique.
Pagkatapos kumain ay naglakad na ang dalawa pabalik ng campus, napansin ni Rose na malungkot ang kaibigan niya. “Huy ano problema? Ang dami mo nga nakain tapos parang Biyernes Santo mukha mo” sabi ni Rose. “Wala sis, naalala ko lang si Evil, pero oo ready to forgive na ako” sabi ni Monique sabay ngiti. “Ah akala ko naman kung naimpatso ka na” sabi ni Rose sabay tawa. Nakitawa konti si Monique pero pasimple siya lumingon sa engineering building.
Dismissal, nagmamadali lumabas ng campus sina Monique at Rose pagkat pilit nila tinatakbuhan ang isang lalake. Paglabas ng gate minalas na wala agad masakyan kaya dumikit si Rose sa kaibigan niya. “Sis ayan na isang stalker mo” bulong niya.
“Hi Monique” sabi ng isang matangkad na lalake. “Uy Victor” sagot lang ng dalaga. “At si Monique lang talaga ang nakita niya” banat ni Rose. “Hi din Rose” sabi ng binata. “Shet wala masakyan” bulong ni Monique. “Di ka naman nanood ng game namin last Saturday” sabi ni Victor.
“Ha? Di kasi ako into basketball e, nanalo ba school team?” sagot ni ganda. “Talo e wala ka kasi kaya di ako inspired maglaro” banat ng binata. “At kung nanonood siya gagaling ka bigla at mananalo ang team ganon?” sabat ni Rose.
“Maybe, pero magaling talaga yung kalaban e nandon kasi si Pipoy” sagot ni Victor at biglang nagliwanag ang mga mukha ng dalawang dalaga. “Si Pipoy? Di nga?” tanong ni Monique. “Sus may Annika na yon no” banat ni Rose. “Alam ko, bilib lang ako sa skills niya sa paglaro that’s all” sabi ni Monique sabay simangot.
“Akala ko ba you are not into basketball?” tanong ni Victor. “Well im not pero I know how to appreciate good players” banat ni Monique. “O ayan sis jeep niyo” sabi ni Rose. “Hatid na kita” alok ni Victor. “Wag na kaya ko naman” sabi ni ganda. “Hatid na kita para sure safe ka” sabi ng binata at di nakatanggi ang dalaga.
Sa loob ng jeep nagdadaldal si Victor pero si Monique busy sa cellphone niya at katext niya si Rose. Sampung minuto lang pumara na si Monique, “dito na ako” sabi niya. “Hatid na kita hanggang sa inyo” pilit ni Victor. “Di na malapit naman na e” sagot ng dalaga pero wala na siya nagawa pagkat nakababa narin ng jeep ang binata. “Buti nga today na timingan kita e. Kasi lagi nalang kita nakikita hinahatid nung nakakotse” sabi ni Victor pero tahimik lang si ganda.
“Boyfriend mo ba yon?” tanong ng basketbolista. “Ah si Tim? Kaibigan ko lang yon pero may boyfriend na ako” sagot ni Monique. “Wala pa daw sabi ng iba e” banat ng binata. “Meron na talaga pero bihira kami magsama kasi sa ibang school siya” sabi ni ganda at natawa si tangkad. “Yeah right pero sabi ng source ko wala talaga” sabi niya.
Pag abot ng abot nina Monique nandon sa labas ang nanay niya at galit itong lumapit sa dalawa. “Bakit mo hinatid anak ko? Marunong umuwi mag isa anak ko! Independent si Monique!” sigaw ng nanay niya at biglang natakot at napakamot si Victor. Pasimple nalang siya umalis at pagkalayo at natawa si ganda at niyakap ang mommy niya. “Thanks ma” sabi niya sabay halik sa pisngi.
“Oy Nicka, wag ka muna magbihis at pupunta tayo sa mall” sabi ng mommy niya. “O sige ma, patakan ko lang mata ko at nangangati. Nairita ata sa contact lens” sabi ng dalaga at madaling pumasok sa bahay.
Pagpasok ni Monique sa kwarto niya agad siya nahiga sa kama niya. Sa palibot ng kama ang daming mga stuff toys doon, lahat regalo sa kanya ng mga manliligaw. Napalingon ang dalaga sa may study desk niya, napansin niya na matamlay na ang mga rosas doon, minalas ata siya ngayong araw pagkat wala nagbigay sa kanya ng bulaklak.
Tumayo si ganda at inalis ang mga rosas mula vase, tinapon niya ito sa maliit na garbage can. Sa kanyang study desk napansin ni Monique ang isang kwintas na regalo ni Tim sa kanya, napangiti siya saglit pero agad niya ito tinago sa maliit na baul niya. Sa lahat ng manliligaw niya si Timothy ang nangingibabaw, matagal nang nanliligaw ang binata sa kanya pero di pa ito sinasagot ng dalaga.
Muling napalingon sa kanyang kama si Monique, bawat regalo don naalala niya kanino galing. Mula pa nung dose anyos siya madami nang nanliligaw sa kanya. Madami na ang sumuko ngunit madami parin ang nagpupursige. Di na mabilang kung ilang ngunit bawat araw nadadagdagan. Wala pang napipili si Monique, kahit minsan gusto na niya sagutin si Tim pero sa loob loob niya parang meron pa siyang hinahanap.
Trenta minutos nakalipas ay nasa mall na yung mag ina. Shopping ang kanilang paboritong gawin, mahilig sa damit si Monique at meron siyang napakalaking walk in closet.
Dalawang oras lumipas at madami na silang nabili, nagyaya ang mommy niya para kumain pero may nakakuha sa atensyon ng dalaga. “Ma tingin tayo ng shades dali” sabi niya at hinila niya ang kanyang mommy papasok ng isang optical store.
“Oo nga kailangan ko din pala ng ganito. Kunan ko na din ata daddy mo” sabi ng mommy niya at nagsimula mamili. Sa pang lalakeng seksyon nagtingin si Monique, sa bawat nakikita niyang madilim na shades ay napapangiti siya.
May nakita si Monique na shades, agad niya ito pinalabas at tuwang tuwa siya. “Parang pag sinuot to lalong sisiga no ate?” tanong niya. “Sobrang nakakatakot” biro ng saleslady at napangiti ang dalaga. “Bakit mahilig ba shades si Tim?” tanong ng mommy niya. Sinoli ni Monique ang shades at naglakad na palabas ng store.
“Akala ko ba bibili ka?” tanong ng nanay niya. “Saka na ma, di ko pa siya kilala e” sagot ng dalaga. “Ano sabi mo?” tanong ng mommy niya. “Wala po ma, halika na at baka gutom na kayo” banat ng dalaga.
Pagkatapos kumain ay pauwi na sana ang mag ina pero may nakita si Monique kaya agad niya hinila nanay niya. “Bakit nanaman?” tanong ng mommy niya. “Tshirt ma, bili tayo shirt” sabi ng dalaga. “E pang lalake tong store na to e” sumbat ng nakakatanda.
Alam agad ni Monique ang gusto niya, yung shirt na nakadisplay sa glass window agad niya pinakuha. “Kanino mo nanaman ireregalo yan?” tanong ng nanay niya. “Akin to ma, pantulog ko to” sabi ng dalaga. “Pantulog? Bakit itim pa?” hirit ng nanay niya. “Tsk basta ma type ko to e” sabi ng dalaga.
Binuklat ng saleboy ang shirt, itim ito at may sigang smiley na yellow na naka shades sa harapan. Sa likod nakatatak “BAD ASS” ang nakasulat na malalaking titik. “Yung biggest size kukunin ko” sabi ng dalaga. “Bakit anak punkista ka na din?” tanong ng nanay niya at natawa si Monique. “Ma, basta type ko lang yung design” sagot niya.
“Bakit uso ba yan?” tanong ng mommy niya. “Hmmm pwede, for a change” sabi ni Monique. “Ay kunan mo din ako ng isa iho yung malaki din” hirit ng matanda. Natawa si Monique at pati saleboy nakitawa. “Bago ko din kaya yung tattered jeans?” hirit ng mommy niya at halos mamatay na sa tawa ang dalaga. “Ma, wag na. Tama na to okay” sabi ni Monique.
Masayang lumabas ng store ang mag ina, nagtatawanan sila dahil sa nabili nilang shirts. Habang naglalakad bigla nalang nanigas si ganda at ang puso niya lumukso nang may dumaan na pamilya sa harapan nila. “Nicka bakit anak?” tanong ng mommy niya at sinundan ni Monique ng tingin ang binatang nakashorts. Di niya nakita masyado ang itsura, tangin likod nalang nakikita niya.
Natawa nalang mag isa si Monique at sinabi sa sarili na imposibleng si siga yon. Iba ang porma nung lalake, desente at iba din ang lakad. “Nicka! Whats wrong?” tanong ng nanay niya at natauhan bigla ang dalaga. “Wala po ma, imposible na siya yon” sagot niya. “Sinong siya?” hirit ng nanay niya. “Wala po, tara na uwi na tayo baka gutom na sina daddy” palusot ng dalaga.
Kinabukasan sa school napadaan si Monique sa Student Affairs Office. Sumilip siya sa loob at nakita ang kaibigan niya doon. Agad tumayo si Evilyn at lumabas ng opisina, nahihiya pa siya tignan si Monique. “Hi sis” mahinang bati niya. “Uy Evi, kumusta ka na? I heard you are a working student here. Musta na?” sabi ni Monique.
Nakayuko si Evi at nahihiya talaga, “Sis sorry…” sabi niya. “Shhh…wag tama na. Tapos na yon at okay na. Namiss kita friend” sabi ni Monique at doon napangiti si Evi at napayakap sa kaibigan niya.
“Eto, had to work here para sa scholarship, alam mo naman na sa bahay” sabi ni Evi. “O sige na baka you need to work” sabi ni ganda. “Di ah, pwede ako mag break, tara don sa bench tsika tayo saglit” sabi ni Evi at nagtungo ang dalawa sa malapit na bangko at doon nagkwentuhan.
“Sis kumusta na kayo ni Tim, kayo na ba?” tanong ni Evi. “Nope, pero still friends” sagot ni ganda. “Ha? Bakit kasi di mo pa sagutin e bagay naman kayo at ang tagal na niyang nanliligaw” sabi ng kaibigan niya. “Hmmm ewan ko ba, baka gusto ko lang sila lahat pahirapan” biro ni Monique at nagtawanan sila.
“Malapit na Christmas malamang dadagsain ka ulet ng mga regalo” sabi ni Evi. “Kaya nga e, ewan ko e. Ayaw ko naman manakit kaya tahimik nalang ako. Sana yung pag show ko ng disinterest e umayaw naman sana sila” kwento ni Monique. “Bakit sa dami ng manliligaw mo di ka parin makapili?” tanong ng kaibigan niya. “Kung pare pareho nalang ikaw kaya mo pa mamili? Anyway kumusta naman ang pag work mo dito pala? Araw araw mo siguro nakikita mga bad students of campus” sagot ni Monique.
“Hay naku sinabi mo. Nung first day ko grabe takot na takot ako sa sigaw ni Dean Floresca, pag nagsermon yon oh my God talaga sa galit” kwento ni Evi. “Ows? Araw araw ganon dito?” tanong ni ganda. “Oo kaya nasanay na kami lahat sa boses niya” banat ni Evi at nagtawanan sila.
“Ano ano naman mga kaso nila?” tanong ni Monique. “Hmmm lahat meron. Yung mga laging late, not wearing ID, yung mga vandal, oy sis kaya mag ingat ka baka makita kita dito one day” sabi ni Evi at natawa si Monique. “Then mga cases of sapakan, awayan, murahan, threats, basta madaming kaso sis e” kwento ni Evi.
“Oh so lagi mo nakikita dito yung…ah…sino na ba yon sabi nilang siga?” kunwari ni Monique. “Sino sis? Madaming repeat offenders e” sagot ni Evi. “Ewan ko si ano na ba name non? Yung tambay ng garden, ah Japs ata yon e” banat ni ganda.
“Ah si Jayps yon hindi Japs. Oo si Juan Pablo lagi dito yon sis” sabi ni Evi at nanliwanag ang mukha ni ganda. “Ows? Siga daw yon e. Sus malamang madami nang kaso yon dito no? Bakit kaya di pa maexpell yon?” tanong ni Monique.
“Hmmm dunno, bakit sis binastos ka ba niya?” tanong ni Evi. “Di ah, subukan lang niya. Huh! Wala lang curious lang ako kasi lagi ko naririnig about him. So malamang masamang damo yon pag lagi dito diba?” sabi ni Monique. “Siguro nga, gusto mo check ko file niya para malaman natin mga kaso niya?” pabulong na sabi ni Evi.
“Ows? Kaya mo gawin yon?” game na game na tanong ni Monique. “Oo naman, pero queit ha. Not now kasi nandon yung secretary e. Pero pag nag break yan sige check ko mga kaso niya” sabi ni Evi.
“Evi, paki ayos yung mga files nung mga freshmen” biglang may nagsabi at agad tumayo si Evi at nagpaalam. Masayang nagpunta si Monique sa klase niya. Agad naglabas ng ballpen at nagsulat sa kanyang arm chair.
“Hoy ano nanaman yang sinusulat mo?” tanong ni Rose. “Wala naman, by the way nakausap ko na si Evil” sabi ng dalaga. “O ano sabi?” tanong ni Rose. “Wala naman” sabi ni Monique at patuloy na nagsusulat sa arm chair. Kahit may professor na tuloy ang pagsulat ng dalaga sa upuan niya.
Pagkatapos ng klase mabilis lumabas si Monique ng classroom, tumayo si Rose at tinignan ang upuan ng kaibigan niya at binasa ang kanyang sinulat.
“Juan Pablo”