Twinkle Twinkle 2: Bagong Delubyo
by Paul Diaz
by Paul Diaz
Chapter 3: Punong Diwata
Sa loob ng bagong palasyo abala ang reyna sa pagtanggap ng mga bisita. Binuksan niya ang pinto ng palasyo para sa mga mamamayan na nais makapasok at makahingi ng tulong. Ngunit sa paligid ng kwarto nagbabantay ang ibang disipulo.
“Bagay talaga niya maging reyna ano? Tignan mo mahal na mahal siya ng mga tao” bulong ni Bashito sa mga dwendeng nakatayo sa balikat niya. “Mahal ko din siya” sagot ni Darwino. “Pero pare, bakit parang nag iiba itsura niya?” tanong ni Bobbyno at tinignan ng tatlo si Nella ng maigi.
“Baka stress lang” sabi ni Virgous na nakitabi sa kanila. “Stress? Pag ganon tatanda ang itsura, pero si Nella nag iiba itsura niya. Tawagin mo nga si Sarryno para amuyin baka naman hindi na siya yan” utos ni Bashito. “Ako nalang aamoy” landi ni Darwino at bigla siya binatukan ng kaibigan niyang dwende. “Seryosong usapan ito” sabi ni Bobbyno. “Seryoooosooo din akoooo” landi pa ni Darwino.
Pasimpleng lumapit si Sarryno sa reyna, kunwari bumulong siya para kumustahin. Bumalik si Sarryno sa mga disipulo at napakamot. “Siya parin naman mga pre” sabi niya kaya nagtaka nalang sila sa pagbabago ng itsura ng reyna.
Kinagabihan nang tulog na si Nella ay nagtipon ang lahat ng disipulo at pinuntahan si Aneth. “Ano mapaglilingkod ko sa inyo mga ginoong disipulo?” tanong ni Aneth nang pinapasok niya sila sa kanyang kwarto.
“Punong diwata, wala ka bang napapansin sa reyna?” tanong ni Bashito. Medyo nagulat si Aneth pero nagkunwari. “Wala naman, bakit ano nangyari kay Nella?” tanong ni Aneth. “Napapansin lang namin na nagbabago itsura niya. Hinala namin nung una na napalitan siya pero bineripa nina Sarryno at ng mga bampira na siya parin yon. Hindi kaya napalitan siya pero niloloko ang mga pang amoy namin?” tanong ni Virgous.
Napatayo si Aneth at naglakad lakad, napansin ni Louis na kakaiba ang kilos ng diwata kaya hinawakan niya agad si Vandolphous. “Bakit pare?” tanong ng duling na bampira. “Shhhh…maghanda ka lang” bulong ni Louis.
“Binabantayan naman natin maigi ang reyna, sigurado ko wala naman nakalapit na ibang nilalang sa kanya pagkat lagi ko siya kasama. Pag hindi ko kasama ay kayo naman ang kasama” sabi ni Aneth.
“Bakit tila bumilis ang tibok ng puso mo at nag iba ang hininga mo?” tanong ni Chado at napatigil ang diwata at napangiti. “Nakalimutan ko mga bampira pala kausap ko” sabi ng diwata at sa isang iglap mabilis kumilos si Louis at dala niya si Vandolphous, nakatayo agad ang duling na bampira sa harapan ni Aneth.
“Hindi ka pwede magsinungaling sa akin” sabi ni Vandolphous at biglang nanigas ang diwata. “Sasabihin mo ang gusto namin malaman. Bakit nag iba ang itsura ni Nella?” tanong ng bampira.
Tumatawa si Aneth at pilit nilalabanan ang kapangyarihan ng duling na bampira, kahit ayaw niyang magsalita ay wala siyang magawa. “Pinalitan ko anyo niya noong bata pa siya. Pag mga nilalang ang makakakita sa kanya magiging kamukha niya ang dating kasintahan ng pinuno niyo” biglang sabi ng diwata at nagulat ang mga bampira.
“Bakit mo ginawa yon?” tanong ni Chado at tumawa ng malakas ang diwata. “Kasi nakita ko ang mga magaganap at kinailangan ko palitan itsura niya para. Pag normal na tao titingin, nakikita nila ang tunay na anyo ni Nella. Pero pag tayo, at lalo na si Paulito ay makikita natin ang itsura ng namayapa niyang kasintahan”
“Bakit? Pagkat kailangan ko ang kapangyarihan ng sugo!” paliwanag ni Aneth. “Masamang diwata ka! Mapanlinlang! Ginamit mo lang kami!” sigaw ni Bobbyno at susugurin na sana niya si Aneth pero pinigilan siya ni Darwino, “Let her speak” sabi ng dwende.
“Tama kayo ginamit ko lang kayo. Pano ko pa matatalo ang kapatid ko pag wala kayo? Hindi ko naman kayo kaya tipunin, kaya kinailangan ko ang impluwensya ni Paulito at nagtagumpay naman ako!!” sagot ni Nella sabay tawa.
“Pero alam niyo di lang yon ang nagawa ko. Alam niyo ba sino ang nagpalakas kay Fredatoria noon? Ako!!! At mula noon nais ko makamtan ang kapangyarihan niya! Sumama ang loob ko nung nalaman ko naikalat ang mga kapangyarihan niya sa inyong mga disipulo kaya oo ginamit ko lang kayo at nakuha ko din ang matagal kong pinapangarap!!!” dagdag ng diwata.
“Hindi mo makukuha ang kapangyarihan namin!!!” sigaw ni Sarryno sabay di natiis at sumugod. Nasugatan niya si Aneth sa mukha gamit ang mga kuko niya, ang diwata nakawala sa kapangyarihan ng duling na bampira at nagpasabog ng dilaw na ilaw kung saan napatalsik ang mga disipulo.
Pagkabangon nila ay wala na si Aneth, “Dito naamoy ko siya!” sigaw ni Sarryno at sinundan siya ng iba. Sa likod ng palasyo nagulat ang mga disipulo pagkat nakatayo sa harapan nila ay mga kamukha nila.
“Eto nanaman tayo” sabi ni Bobbyno. “Nagkakamali kayo, napabilib ako sa ginawa ng kapatid ko kaya gumawa din ako ng sarili kong mga disipulo. Sayang kulang ng dalawa pero ayos narin ito. Alam niyo di ko na sana kailangan ng mga ito e, akala ko mapapaamo ko kayo at kayo mismo ang magiging alagad ko. Huli na ang lahat kaya sila nalang ang magiging alagad ko” sabi ni Aneth na lumulutang sa hangin.
“Pano lalaban mga yan e di nga sila ata buhay e?” tanong ni Bombayno nang napansin nila ang mga pekeng disipulo na nakatayo lang na parang estatwa.
“Tama ka kasi di pa sila buhay, sabi ko naman sa inyo gusto ko ang mga kapangyarihan niyo kaya kukunin ko sila! Tignan niyo kung saan kayo nakatayo!” sabi ni Aneth. Pagtingin ng mga disipulo sa lupang kinatatayuan nila ay nasa loob sila ng isang malaking bilog na nakaukit sa lupa.
Sinubukan nila makalabas sa marka pero parang may nagpipigil sa kanilang makalabas. Napatawa ng malakas si Aneth pero mabilis nagpaapoy si Virgous ngunit di umaabot ang lakas niya sa diwata.
“May humaharang!” sigaw ng taong apoy, “Baluuuuuuuutttttt!!!” sigaw ni Bombayno pero mga kapwa niyang disipulo lang ang nabibingi at lalo pang tumawa ng malakas ang diwata. “Kahit ano gawin niyo di niyo ako masasaktan. Wala na kayo magagawa at makukuha ko na ang mga kapangyarihan niyo” sabi ni Aneth.
Pinikit ng diwata ang mga mata niya at may dasal na binigkas. Mga disipulo sinubukan ang lahat para makawala pero biglang nagliyab ang bilog at nagsipagbagsakan sila sa lupa. Nanghihina ang mga disipulo at unti unti namang nabubuhayan ang mga kapareho nila.
Ilang sandali pa ay hinang hina na ang mga disipulo, nakakagalaw na ang mga alagad ni Aneth at lalo pang natawa ang diwata.
“Vakit vah dhi niyo ako vinivilang na dishipuloow!!!” sigaw ng isang bampira mula sa puno. Tumalon ito papunta kay Aneth, bago pa makalingon ang diwata ay naibaon na ni Tuti ang mga pustiso niya leeg ng diwata. Napasigaw ng malakas ang diwata at ang mga disipulo tila nabuhayan.
Kumapit ng husto si Tuti kay Aneth at pinagkakalmot pa nito ang katawan ng diwata. Nanghihina na si Aneth kaya sinira niya ang bilog na marka gamit dilaw na ilaw. Nakagalaw ang mga alagad niya at nagsitalunan para maabot si Tuti.
Sumigaw ang pekeng Bombayno at nabingi si Tuti kaya napabitaw sa diwata. Pareho sila bumagsak sa lupa at ang mga alagad ni Aneth agad inatake ang bungal na bampira. Sinubukan ng mga disipulo bumangon para matulungan ang kasama nila ngunit masama ang nangyari.
Wala sa kanila ang nakatayo at nakatulong, tanging nagawa nila ay panoorin ang mga pekeng disipulo na kawawain si Tuti. Kahit ano pang galit ang nararamdaman nila, ubos talaga ang mga lakas nila. Bumangon si Aneth at tumawa nang tumigil ang mga alagad niya. Wala nang buhay si Tuti na nakahiga sa lupa, napapikit nalang ang mga disipulo at nagmumura.
“Wala na kayong silbi sa akin, nakuha ko na ang kapangyarihan niyo. Hindi naman ako masamang diwata, kaya di ko kayo papatayin. Mga disipulo ko, kunin niyo sila at ikalat sa bawat sulok ng kaharian! Siguraduhin niyo na hindi sila makakatakas, dalian niyo!” utos ni Aneth at mga alagad niya kinuha ang kanilang kaparehang disipulo at mabilis na lumayo.
Kinabukasan ay pinatawag ni Aneth ang lahat ng punong nilalang mula sa lahat ng gubat sa kaharian. Lahat napansin ang sugat ni Aneth sa leeg pero nagpalusot lang ang diwata.
“Bakit mo kami pinatawag?” tanong ng punong dwende. “Meron tayong problema, matinding problema” sabi ni Aneth. “Ano ang problemang ito? Wala naman kaming nararamdaman na kakaiba sa kaharian” sagot ng punong mambabarang.
“Ang mga libro ng kapangyarihan, may gustong makakuha sa kanila” sabi ni Aneth at nagulat ang lahat. “Bakit mo binibigkas yan?!!! Alam mo naman na sekreto natin yan. Pinasa sa atin ng mga ninuno natin. Bakit mo binigkas yan sa harap ng mga disipulo?” tanong ng punong kapre.
“Mapagkakatiwalaan naman sila, sinisigurado ko yon. May nilalang na gusto makamit ang kapangyarihan ng mga libro” sabi ni Aneth. “Sino yan? Hindi magtatagumpay yan habang buhay tayo. Pipigilan natin siya!” sabi ng dwende.
“Ako!” sagot ng diwata at nagulat ang mga kasama niya. “Hindi magandang biro yan Aneth! Bilang punong diwata hindi ka pwede magbiro ng ganyan!” sigaw ng punong mambabarang.
“Hindi ako nagbibiro. Kaya ko kayo pinatawag ay itatanong ko sa inyo kung sino ang kontra sa balak ko. Yung kokontra ay magiging kalaban ng kaharian, at ang mga hindi kontra ay maninilbihan kasama ko” paliwanag ni Aneth at nagsitayuan ang ibang nilalang at pumorma.
“Maaring kayong mga diwata ang pinakamalakas pero pag nagsama sama kami kaya ka namin. Wala sa amin ang sasama sa iyo!” sigaw ng punong tikbalang pero tumawa lang si Aneth at sa isang kumpay ng kamay ay napaupo ang ibang nilalang.
“Sabi ko na kokontra kayo kaya napaghandaan ko ito. Dito sa kwartong ito wala kayong kapangyarihan. Tanging ako lang at mga alagad ko. Papasukin ang mga impostor!” sabi ng diwata at pinasok ng mga alagad niya ang mga patay na katawan ng ibang nilalang.
“Ano ang binabalak mo? Pakawalan mo kami dito Aneth!!!” sabi ng dwende. “Konting tiis nalang at mapapalitan na kayo. Wag kayong mag alala at sisiguraduhin kong kamukhang kamukha niyo ang kapalit niyo” sabi ng diwata.
Tulad ng ginawa niya sa mga disipulo, tinanggalan niya ng kapangyarihan ang mga punong nilalang at nilipat yon sa mga patay na katawan. Ilang minuto ang lumipas at patay na ang mga punong nilalang at mga dating patay ay buhay na.
“Bantayan niyo maigi ang pinto, wag kayo magpapalapit ng kahit sino” utos ni Aneth at nagsilabasan ang mga alagad niya. Pinagtabi ni Aneth ang katawan ng patay na punong dwende at yung muling nabuhay na dwende. Nagdasal siya at unti unting nagbago ang itsura ng nabuhay na dwende at gumagaya ito sa namayapang punong dwende.
Tatlong araw ang lumipas at binisita ni Aneth si Nella sa kwarto niya. “Mahal na reyna, may problema tayo” sabi ng diwata. “Aneth! Bakit parang nanghihina ka?” tanong ni Nella na agad bumangon mula sa kama.
“Hindi lang ako mahal na reyna ang nanghihina. Lahat kaming mga nilalang ang tila nawawalan ng lakas. Hindi maipaliwanag kung bakit ngunit parang may ibang nilalang ang gumagawa nito” kwento ng diwata na tinuloy ang pagkukunwari.
“Ha? Pano natin malulutasan ito? Pano mo nalaman na lahat ng nilalang ay nadali?” tanong ng reyna. “Mahal na reyna, nandito ang ibang punong nilalang para kausapin ka. May lunas ito pero kailangan ka namin makausap lahat” paliwanag ni Aneth at agad sumama ang reyna sa diwata.
Naupo si Nella sa trono at naupo sa harapan niya ang mga punong nilalang. “Mahal na reyna, kaming mga punong nilalang ay tinatagong sekreto. Tungkol ito sa mga libro ng kapangyarihan…” sabi ni Aneth at nakwento ng diwata ang lahat sa reyna.
“Sigurado ba maisasalba ang lahat ng nilalang pag nakuha natin ang mga libro?” tanong ni Nella. “Opo mahal na reyna. Pero tangin ang naghahari lang sa kaharian ang pwedeng pumasok sa templo. Yan ang napagpasyahan ng mga ninuno namin. Pagkat pag tao ang nakakuha ng libro ay di rin lang nila maiintidihan at magagamit. Ginawa yon para walang nilalang ang pwede magmalabis” paliwanag ni Aneth.
“Nasan ba yung templo? Kailangan natin magpunta doon agad” sabi ng reyna at napangisi ng konti ang diwata. “Samahan ko kayo mahal na reyna, isama narin natin ang mga disipulo para magbantay. Hindi natin alam kung sino ang gumagawa nito sa mga nilalang kaya dapat may gwardya tayo” hirit ni Aneth.
“Teka napansin kong nawawala si Tuti, nasan siya?” tanong ng reyna at kinabahan si Aneth. “Mahal na reyna mukhang nagluluksa pa ata siya sa pagkawala ni Paulito. Tulad ni Anhica mukhang lumayo muna sila” paliwanag ni Aneth at napabuntong hininga si Nella. “O siya, tara na. Ayaw ko may mamatay na nilalang” sabi ng reyna.
Ilang oras ang lumipas at narating nila ang sentro ng kaharian, desyerto ito at walang makitang templo si Nella. “Nasan ang templo?” tanong niya. “Mahal na reyna nasa ilalim ng lupa, atras muna kayo at ipahukay natin sa mga disipulo” sabi ni Aneth.
Mabilis nagtrabaho ang mga pekeng disipulo, nakatayo lang ang dalawang dwende sa tabi ng reyna kaya inayos ni Nella ang palda niya. “Parang nagbago na ata kayong dalawa” sabi niya. “Respeto lang mahal na reyna” sagot ni Darwino at nanibago talaga si Nella kaya natawa nalang.
Ilang metro ang nahukay at isang sementong bloke ang nakaharang sa papasok sa templo. “Tabi kayo” utos ni Bombayno at bigla siyang sumigaw at nabiyak ang semento. “Pati boses ni Bombayno nag iba” pansin ni Nella pero walang kumibo.
Nabuksan na nila ang papasok sa templo at agad bumaba si Nella. “Natatakot ako Aneth” sabi ng reyna. “Pasensya na mahal na reyna ngunit pag sinamahan ka namin mamatay kami” sagot ng diwata. “Teka bakit hindi nanghihina ang mga disipulo? Diba dapat sila nanghihina?” tanong ni Nella.
“Ah…kaya siguro nagbago ang boses ni Bombayno at nagbago ugali ng mga manyakis na dwende” sagot ng diwata at natawa si Nella. “Oo nga, sigurado ka wala ako makakaharap dito?” tanong ng dalaga. “Sigurado ko wala mahal na reyna” sagot ni Aneth na ngumiti.
Pumasok si Nella sa templo, madilim sa loob ngunit may kakaiba siyang naramdaman. Biglang nagliwanag ang templo kaya napaatras ang dalaga, isang multo ang nagpakita sa dalaga kaya napasigaw ito ng malakas. Kinabahan si Aneth pero wala siya magawa pagkat hindi sila pwede makalapit sa loob.
“Wag kang matakot Nella” sabi ng multo at napaupo ang reyna at nabalot ng takot. Hindi siya makasigaw nang lalong luminaw ang multo at nag anyong tao. “Wag kang matakot Nella, ako ang taga bantay ng templo” sabi ng multo at nanginig ng todo ang dalaga.
“Pano mo alam pangalan ko?” tanong ng dalaga. “Nakasaad ang iyong pagpunta dito. Matagal na kitang inaantay” sagot ng multo. “Nakasaad? Inaantay ako? Anong ibig mo sabihin?” tanong ni Nella.
“Oo, lahat ng nagaganap sa kaharian na ito ay nakasaad na. Lahat ng naganap at di pa nagaganap ay nakasulat sa libro ng mga ninuno. Wag kang matakot Nella, hindi kita pwedeng saktan. Gwardya lang ako dito sa templo” paliwanag ng multo.
Tumayo dahan dahan si Nella at naglakad pa papasok sa templo, “Ano pa ang nakasaad sa libro?” tanong ni Nella. “Patawad Nella hindi ko pwede sabihin, at kahit sabihin ko man ay wala ka rin magagawa pagkat ang nakasaad ay di na mababago. Mangyayari at mangyayari lahat” paliwanag ng multo.
“Bakit parang malagim ang tono ng boses mo? Nandito ako pagkat may problema ang mga nilalang. Nanghihina sila at nawawala ang kanilang kapangyarihan. Sabi sa akin makakatulong ang kapangyarihan na nakasaad sa mga libro dito” sabi ng dalaga.
“Yan ba talaga ang paniniwala mo?” tanong ng multo. “Bakit hindi ba? Sabihin mo sa akin kung ano nalalaman mo. Utos ko ito!” sigaw ni Nella at natawa ang multo. “Reyna ka nga pero patawag Nella, ang mga buhay lang ang nasasakupan mo. Kaming mga multo ay hindi kasama don. Naitanong ko lang kung yun talaga ang paniniwala mo” paliwanag ng multo.
“Yun ang sabi sa akin at nakita ko ang ebidensya” mariing sinabi ng dalaga. “Taga bantay lang ako dito sa templo, hindi kita pwede pigilan kunin ang mga libro Ikaw tunay na tagapamahala ng kaharian kaya di kita pwede pigilan. Halika samahan kita” sabi ng multo at pumasok ang dalawa sa templo.
May tatlong malalaking lamesa at sa ibabaw nila ang mga libro ng kapangyarihan. “Ang dami pala” sabi ni Nella. “Oo bawat nilalang ay may tanging libro. Nakalaad sa bawat libro kung paano nila makakamtan ang pinakamalakas na kapangyarihan nila” paliwanag ng multo.
“Libro ng diwata…pag binasa ito ng isang diwata matututunan niya pano lumakas ng todo?” tanong ni Nella. “Ganun na nga yon” sabi ng multo. “E sino ang mga gumawa nito?” tanong pa ng dalaga.
“Noong unang panahon nagpapalakasan ang mga bawat nilalang. Nais nila mangibabaw sa iba kaya nag aral sila pano lumakas. Nagkaroon ng matinding gera ng mga nilalang. Dahil sa nais maging pinakamagaling halos nasira na nila ang kaharian”
“Habang tumatagal ay napapansin nila na nanghihina sila, at doon nila nalaman na ang kapangyarihan nila nanggagaling din sa kapaligiran. Oo maaring malakas sila pero nakalimutan nila na mas makapangyarihan ang kapaligiran. Halos mamatay na ang kaharian at napansin nila pati sila nadadamay”
“Tumigil ang gera at nagtipon ang pinakamalakas na mga nilalang. Nagpasya sila na itigil na ang laban at dahil nasisira ang kaharian. Wala din lang kwenta mamuno pag wala kang kaharian diba?” kwento ng multo.
“Kaya yung mga pinakamalakas na nilalang ay siyang naging ng pinuno, pinunong diwata, pinunong dwende at madami pang iba. Lahat sila pinili ang kapayapaan pero may mga di sumang ayon sa kanila”
“Kaya nagkaroon ng pwersa ng liwanag, at pwersa ng kadiliman. Mga pwersa ng liwanag ay yung mga nilalang na ninanais ang kapayapaan at ang kapangyarihan nila galing sa kalikasan. Ang mga tumiwalag ay nakahanap ng panibagong kapangyarihan na mula sa kadiliman ng budhi”
“Nagpasya ang mga punong nilalang na itago ang mga libro dito sa templo at tanging makakapasok dito ay ang tao na walang kapangyarihan” sabi pa ng multo.
“E paano kung makuha ng isang nilalang ang lahat ng libro? Kaya ba niya aralin ang mga kapangyarihan ng ibang nilalang?” tanong ni Nella. “Maari yon ngunit mahihirapan siya. Kahit na ganon, may ibang gamit din ang mga librong ito. Malalaman din ng nilalang na yon ang kahinaan ng ibang nilalang at pwede niyang gamitin ang kahinaan na ito para matalo ang isa pang nilalang. Pero ang labis na nakakatakot ay pag nakamtan ng isang nilalang ang lahat ng kapangyarihan na ito. Pag nangyari yon isa na siyang diyos” paliwanag ng multo at natakot si Nella.
“Pero mahirap mangyari yon diba? Hindi naman siguro mangyayari yon. Nais ko lang tulungan ang mga nilalang kaya ako nagpunta dito” sabi ni Nella. “Yan ang paniniwala mo kaya wala ako pwede gawin kundi respetuhin yon” sagot ng multo at nagdududa na talaga si Nella.
“Nandito din ba ang libro ng ninuno? Gusto ko siya mabasa kasi ayaw mo naman sabihin ang alam mo. Nasan ang librong yon?” tanong ng dalaga. “Patawad Nella, nahati sa tatlo ang libro ng mga ninuno at naikalat. Kung saan hindi ko alam pero nabasa ko lahat ng laman nito. Dahil sa kasalanan na yon ako ang napiling magbantay dito, kinulong nila ako dito at nandoon ang aking kalansay” sabi ng multo at sa dulo ng templo nakita ni nela ang isang kalansay at kinilabutan siya.
“Dahil na nalalaman ko nagpasya ang mga punong nilalang na akoy ikulong dito para di ko maikalat ang nalalaman ko. Aminado ako binalak ko gamitin sa hindi maganda ang mga nalaman ko, kaya tanggap ko ang lahat. Hindi madali ang maging multo na taga bantay. Nais ko nang mamayapa sana pero napipigilan ako”
“Pero sabi nila antayin ko ang pagdating mo, pag nagawa kong panatiliin ang nalalaman ko sa akin lamang maari na ako mamayapa sa pagdating mo. Kaya matagal na kitang inaantay Nella. Patawag gusto ko man sabihin sa iyo ang nalalaman ko, hindi ko na kaya manatili pa dito. Gusto ko na mamayapa, sana maintindihan mo” sabi ng multo at huminga ng malalim ang dalaga.
“Masyado madami ito, matatagalan ako sa pagbuhat ng mga libro” sabi ni Nella. “Tutulungan kita, wag kang mag alala. Pero Nella payo ko lang sa iyo. Maging mapagmasid ka, sundin mo ang puso mo. Sigurado ka ba sa paniniwala mo? Yun lang masasabi ko, antayin ko nalang ang desisyon mo” sabi ng multo at matagal napaisip si Nella.
“Bahala na, di ko kaya na madaming nilalang ang mamatay” sabi ng dalaga at niyuko ng multo ang ulo at tinulungan na si Nella magbuhat ng mga libro.
(JOIN OUR FACEBOOK DISCUSSION, CLICK HERE )