Twinkle Twinkle 2: Bagong Delubyo
by Paul Diaz
by Paul Diaz
Chapter 5: Pagbabago
Isang gabi sa kweba, natulog na ang maglolo habang ang dalawang bampira ay pagising palang. Bumangon si Monica at ginising si Paulito, “Gumising ka na gutom ako” bulong niya. “Sabi ko kasi wag mo ako tatabihan matulog, nanghihina ako. Ikaw manghuli ng sarili mong kakainin” sagot ng binata.
“Bahala ka, pag di ka babangon may dalawang pagkain naman dito…hmmm sino kaya unahin ko sa kanila. Yung matanda o yung kalbo?” biglang banat ni Monica kaya napabangon si Paulito. “Sabi ko sa iyo wag kang kakain ng tao” paalala niya at natawa ang dalaga. “O ayan nakabangon ka na, halika na kuha tayo pagkain. Gutom na talaga ako” lambing ng dalagang bambira.
Lumabas ang dalawa sa kweba at tumayo sa tuktok ng isang puno. “Bakit naman tayo nandito ang taas taas, nakakatakot” reklamo ni Monica sabay kapit sa binata. “Bampira ka nga e, kailangan natin dito para nakikita natin ang mga hayop sa baba. At wag kang maingay kasi tatakutin mo yung mga hayop” sagot ni Paulito.
“Hello! Anong alam ko sa pagiging bampira e diwata ako dati. Ginawa mo akong ganito kaya turuan mo ako” sabi ni Monica at biglang nalungkot ang binata. “Oh bakit? May nasabi ba akong mali?” hirit ng dalaga. “Naalala ko lang si Tuti. Tinuruan ko siya maging bampira” drama ni Paulito.
“Tanggapin mo na patay na siya okay? Kung gusto mo hingi tayo ng tulong sa mga bruha para buhayin siya” sabi ni Monica at napangisi si Paulito. “Hindi na kailangan yon” sabi niya. “O tanggap mo naman na palang patay siya e” sagot ng dalaga. “Hindi rin” sabi ng binata. “Ano ba talaga? Ang gulo mong kausap” sabat ng dalaga. “Ikaw bruha ka naman diba?” biro ni Paulito. “Hindi ako bruha! Bakit niyo ba pinipilit na bruha ako? Diwata ako tapos nagpunta ako sa mga bruha, tapos di ko na maalala. Pag gising ko kayakap na kita at bampira na ako!” sigaw ng dalaga pero tinakpan ni Paulito ang bibig niya.
“Shhhh wag kang maingay” bulong ng binata. Mabilis na nag dive pababa ang binata, agad niyang nayakap ang malaking baboy damo. Binaon ni Paulito ang mga pangil niya sa leeg ng baboy kaya ilang saglit lang patay na ito.
“Halika na dito para kumain” sabi ng binata. “Huy, sunduin mo ako dito. Di ako makababa e” sagot ni Monica. “Kaya mo yan, sige ka ako na uubos ng dugo nito” sabi ni Paulito at galit na galit ang dalaga. “Malalaglag ako! Sige na kasi! Dinala mo ako dito tapos di iiwanan mo ako” hirit ni Monica at natawa ang binata at nagsimula kumain. “Hmmm sarap ng dugo, naamoy mo naman diba? Halika na bago maubos ko to” biro ni Paulito.
Yumakap si Monica sa puno at dahan dahan nagpababa. “Sunduin mo na kasi ako dito!” sigaw niya. “Ganyan din si Tuti nung una. Kaya mo yan, bilisan mo. Tumalon ka na kasi wag kang matakot” sabi ni Paulito. “Bwisit ka! Ikaw matagal ka nang bampira ako nagsisimula palang! Sunduin mo ako dito!” reklamo ng dalaga. “Bilang amo mo sundin mo ako! Bumaba ka dyan mag isa!” bawi ni Paulito.
Nakababa din si Monica pero ubos na ang dugo ng baboy. “Di mo pa ako tinirhan” drama ng dalaga. “Monica bampira ka na, matuto kang mabuhay bilang isang bampira. Tama na ang drama halika na at hanap tayo ng makakain mo” sabi ni Paulito sabay tumayo.
Sa loob ng gubat yumuko ang dalawa at nag antay. Ilang sandal at may malaking usa, tinuro ito ni Paulito sabay nagbulong. “O ayan sige na atakehin mo na” sabi niya. “Di ko alam pano” bulong ni Monica. “Mabilis ka na gumalaw, lapitan mo agad at yakapin. Ibaon mo agad pangil mo sa leeg niya at wag mo siya bibitawan habang gumagalaw pa” utos ng bampira. “Di ko alam e” sagot ng dalaga. “E di mamatay ka sa gutom” sumbat ng binata.
“Sungit naman nito” bulong ni Monica at naghanda siya para atakehin ang usa. Narinig ng hayop ang tapak niya kaya napatigil ito sa paglalakad, agad sumugod si Monica pero nakaunang nakatakbo ang usa. Di nakuha ng dalaga ang hayop, lumingon siya kay Paulito na tinitignan lang siya. “Pag nakauwi yon sa kanila, mababalitaan ng ibang hayop na may bampira dito. Hindi na sila papasyal sa parteng ito” sabi lang ng binata. “Oo na oo na alam ko hahabulin ko” sagot ni Monica sabay mabilis na gumalaw para habulin ang usa. Di pa sanay ng dalaga ang bilis at kakayahan niya kaya nauutakan siya ng usa. Limang minuto ng paghahabol ay nabwisit si Monica at dilaw na apoy mula sa kamay niya ay lumabas at natamaan ang usa.
“Tignan mo so easy!” sabi ni Monica sabay tawa. Paglapit niya sa usa ay tostado na ito. Tahimik lang si Paulito na umakyat sa isang sanga ng puno at doon nahiga. “Sige tawanan mo ako” sabi ng dalaga pero di siya pinapansin ng binata. “Gutom na talaga ako. Tulungan mo na kasi ako” hirit niya pero pinikit lang ni Paulito ang kanyang mga mata.
Niyuko ni Monica ang ulo niya, naglakad lakad siya sa gubat at sa isang tabi naupo. Talang gutom na siya kaya sinubukan niya pakinggan kung may papalapit na hayop. Ilang sandali lang may naamoy siya at bigla siyang nanggigil. Sinubukan niya kumalma hanggang sa nakita niya ang isa pang usa kaya bigla siyang tumakbo pero nahalata siya ng usa.
Di nanaman niya naabutan ang hayop pero biglang may malakas na hangin dumaan sa harapan niya. Sa isang iglap hawak na ni Paulito ang usa at kitang kita ni Monica ang paglabas ng mga pangil niya. Bumaon ang mga ngipin ng bampira sa leeg ng usa, pumiglas pa ang hayop pero ilang sandali lang di na ito gumagalaw.
Maglabas si Paulito ng kalahating niyog at kinargahan ito ng dugo sabay inabot kay Monica. Nahiya pa ang dalaga kunin yon pero gutom na talaga siya kaya naupo siya sa lupa at kinuha ang baso. “Salamat” bulong ng dalaga. “Alam mo di mo dapat pinandidirihan ang ganito. Mas maganda pag sinipsip mo ang dugo mula sa ugat mismo ng hayop” paliwanag ng binata. “Pano na kung magkahiwalay tayo? Sino na magpapakain sa iyo? Kailangan mo tanggapin ang pagbabago mo” dagdag ni Paulito.
“Oo alam ko pero bigyan mo naman ako ng panahon. Matututunan ko din ito magtiwala ka pero sa ngayon turuan mo ako dahan dahan” lambing ng dalaga. “At wag mo naman sana sabihin na magkakahiwalay tayo” bulong niya. “Bakit?” tanong ni Paulito. Di sumagot ang dalaga pero inabot niya ang baso para makargahan ulit.
Kinabukasan ng gabi naglakbay ang dalawa sa may batis. Mabilis naghubad ang dalaga kaya si Paulito nahiga lang sa ilalim ng isang puno. “Tara langoy tayo” alok ng dalaga pero di siya pinapansin ng binata. Lumangoy si Monica sa batis, naalala niya tuloy nung bata siya at ito ang paborito niyang ginagawa.
“Paulito, ang layo mo. Dito ka nalang sa bato o, malaki naman pwede ka mahiga dito” sabi ng dalaga. Sa isang iglap nakahiga na si Paulito sa bato at nakatingin sa langit. “Alam mo ang tahimik mo talaga, nung sanggol ka iyak ka ng iyak. Pati nung medyo tumanda ka na tuwing gabi naririnig ko parin ang iyak mo kahit nasa kweba na kami” kwento ni Monica.
“Wala ako maalala talaga. Oo naalala ko nung bata ako pero di kita matandaan” sabi ng binata. “Kaya nga, pinagbawal nga kami lapitan ka. Pero nung sanggol ka lagi ako sa kubo mo tuwing gabi. Minsan nakakatulog na ako don tapos gigisingin nila ako para umuwi baka mapagalitan ako ng mommy ko” sabi ni Monica.
“Alam ko di ka nagsisinungaling pero pasensya na di ko talaga maalala” sabi ni Paulito. “Paano mo alam di ako nagsisinungaling?” tanong ng dalaga. “Isang abilidad natin mga bampira. Kasi ang nagsisinungaling bumibilis ang tibok ng puso nila at nagbabago ang hininga” paliwanag ng binata.
Biglang natawa si Monica at lumangoy ng malayo. “Bakit ka natawa?” tanong ni Paulito. “Tama ka matalas nga ang pakiramdam ng bampira” sabi ng dalaga sabay lalong natawa. “Oo nga e bakit ka tumatawa?” tanong ng binata. “E kasi naramdaman ko saan nagtitipon yung dugo mo” landi ni Monica at lalong napahalakhak. Napahiya ang binata, natawa narin siya at mabilis na umakyat sa malapit na puno.
“Hoy, bakit ka lumayo? Normal lang naman yan diba?” tukso ni Monica sabay tumawa pa. “Bilisan mo maligo at madami pa ako ituturo sa iyo” sagot ng binata. “Ano naman ituturo mo? Lumapit ka kasi ang hirap tumingala, di mo naman pwede itago yan kasi nasesense ko” banat ni Monica at nagtawanan silang dalawa.
Dalawang araw ang lumipas at gumaling na si Monica. Kayang kaya na niyang manghuli ng hayop pero maarte parin siya sa paginom ng dugo. “Marunong ka na manghuli ng pagkain mo, susunod tanggalin natin ang takot mo sa matataas na lugar” sabi ni Paulito habang kumakain sila.
“Kailangan pa ba yon?” tanong ng dalaga. “Oo naman. May adbantahe ang nasa mataas na lugar. Karamihan ng kalaban natin sa lupa lang. Minsan may mga lumilipad din” paliwanag ni Paulito. “Kalaban, hmp! Ano suntukan? Tignan mo naman ako masyado ako maganda para sa suntukan” sabi ng dalaga. “Monica, sa laban wala pinipili ang kalaban. Di porke maganda ka di ka na nila sasaktan. Kailangan mo din matuto depensahan sarili mo” sabi ng binata.
“E nandyan ka naman diba? O wag mo sasabihin na maghihiwalay nanaman tayo!” reklamo ng dalaga. “Hay naku, hindi natin masasabi na lagi tayo magkasama. E pano kung may nangyari sa akin. O alangan na antayin mo pa espiritu ko bumalik para ipagtanggol ka” sabi ni Paulito.
“Tumahimik ka nga. Basta di tayo maghihiwalay at pwede ko pa naman gamitin kapangyarihan ko bilang diwata e” sabi ni Monica. “At kapangyarihan ng bruha” dagdag ni Paulito at napasimangot ang dalaga. “Oo na, alam ko totoo sinasabi niyo. Pero di ko talaga maalala. Sigurado naman ako nasesense mo na di ako nagsisinungaling”
“Napapansin ko na ikinamumuhi ako nina Wookie at lolo niya parang napakasama ko. Pero di ko talaga maalala ano nagawa ko. Gusto kita tanungin, ganon ba talaga ako kasama? Ano ba nagawa ko?” sabi ni Monica.
Huminga ng malalim si Paulito at sumandal sa puno. “Naniniwala ako sa iyo. Pero sasagutin ko tanong mo. Oo napakasama mo nung bruha ka” sabi ng binata at nalungkot si Monica. “Di ko talaga maalala” bulong niya. “Kahit ano pa nakaraan mo, yakapin mo nalang ang pagbabago. Sa ngayon nakikita ka nila bilang bruha parin dahil sa mga nagawa mo at di sila maniniwala nagbago ka na”
“Mahirap ang pagdadaanan mo para maniwala sila lahat na nagbago ka na. Yakapin mo ang pagbabago mo saka mo patunayan sa kanila na di na ikaw yung kilala nilang masamang bruha. Bampira ka na ngayon at magpakilala kang bilang isang bampirang kakampi ng lahat” sermon ni Paulito.
“Kailangan ko pala lumayo sa inyo. Kasi pag makikita nila na kasama niyo ako baka isipin nila na pati kayo masama narin” drama ng dalaga. “Yan ba ang gusto mong tingin ng tao at ibang nilalang sa iyo habang buhay? Bilang isang masamang bruha?” tanong ni Paulito.
“Hindi, pero sa ngayon pag nakita nila magkasama tayo, kilala pa nila ako bilang masama kaya pati kayo mapapasama” paliwanag ng dalaga. “Ako bumuhay sa iyo bilang bampira, isipin na nila ang gusto nila isipin. Kung magagalit sila sa akin e di magalit sila” sabi ni Paulito.
“Hindi mo ako iiwanan?” tanong ni Monica. “Gusto mo ba iwanan kita?” sumbat ng binata. “Hindi” sabi ng dalaga. “O di hindi kita iiwanan” sabi ni Paulito. “Parang napipilitan ka lang. Binabase mo sagot mo sa sagot ko. Pano kung sinabi kong iwanan mo ako?” hirit ni Monica. Tumayo si Paulito at tumingin sa langit, “Hindi parin kita iiwanan” sabi niya. Napangiti si Monica sabay dahan dahan siya tinignan ng binata.
“Tayo ka na at tara sa taas ng puno” utos ni Paulito at hinila ang kamay niya. Sumakay sa likod ni Paulito ang dalaga, imbes na makaabot sila sa taas ay bigla sila nalaglag pababa. Sa lupa napahiga ang dalawa, “Asul na bato” bigkas ni Paulito. “Ay oo nga sorry” sagot ni Monica at bigla nalang sila nagtawanan.
Kinabukasan ay nagising si Paulito na masakit ang dibdib niya. Nagulat siya nang makita yung tatlo na gising at pinagmamasdan siya. “Ano meron? Ang sakit ng dibdib ko, Monica ano ginawa mo?” tanong niya. Tinuro ng dalaga ang matanda pero ngumiti lang si Wakiz.
Napansin ni Paulito na wala siyang saplot na pangtaas at pagtingin sa dibdib niya wala naman marka doon. “Ano ginawa niyo sa akin?” tanong ng bampira. “Wala naman, sige matutulog na kami” sabi ni Wakiz.
Lumabas ang mga pangil ni Paulito at agad nahawakan sina Wookie at Wakiz sa leeg. “Ano ginawa niyo sa akin?” ulit niya. “Tinatakan ka nila sa likod” sumbong ni Monica at nagalit ang bampira. “Bakit niyo ako tinatakan sa likod at bakit masakit ang dibdib ko at hindi likod?” tanong ni Paulito.
Agad na niyakap ni Monica ang bampira kaya nanghina ito. Nabitawan niya ang maglolo at mabilis sila nakalayo. “Wag ka na magagalit sa kanila, bagay naman e. Ang ganda nga e” bulong ng dalaga. “Hindi ko tinatanong kung maganda, ang tanong ko bakit? Para saan?” hirit ni Paulito.
“Magtiwala ka sa akin, mas maganda na di mo alam for now” sabi ni Monica. Masama ang tingin ni Paulito sa maglolo pero tumayo ito at pinipilit tignan ang likod niya. “Makakabuti ba ito o pinagtripan niyo lang ako?” tanong niya. “Makakabuti pero mas maganda pag di mo alam ano yan sa ngayon” paliwanag ni Wakiz.
“Bakit di ba pwede itatak nalang sa likod ni Wookie ito? Bakit sa akin pa?” tanong ni Paulito. “Sa iyo lang nababagay yan. Hindi kaya ni Wookie yan kaya magtiwala ka sa ngayon. Ikaw lang makakakaya diyan” sabi ng matanda. Di alam ng bampira kung ano ginawa nung dalawa pero mabilis siya nagtiwala.
“Ano ba tinatak nila?” tanong ni Paulito. “Sisiw” sabi ni Monica. “Sisiw!!! Sa lahat ng itatatak niyo sisiw?!!!” sigaw ng bampira at nagtawanan yung tatlo. “Biro lang ito naman, basta tulad din ng kayo Wookie pero basta maganda siya tignan” sabi ni Monica at nagbago ang asta ng bampira.
“Sabagay naiinggit ako sa tattoo mo pare e. Magpakalbo din kaya ako?” tanong ni Paulito. “Wag!!! Mas maganda ganyan mahaba buhok mo” sabi ni Monica. “Bakit naman?” tanong ng binata. “Basta wag kang magpapagupit” sagot ng dalaga. “Hmmm bilang amo mo, susundin mo lahat ng utos ko sa ayaw mo o sa gusto. Bagay mo ata ang kalbo, ano sa tingin mo Wookie?” biro ni Paulito.
“Tama ka pre, bagay niya ang kalbo” sabi ni Wookie. “Uy wag naman kasi! Wag mo iuutos kasi mapipilitan talaga ako gawin yon! Please wag naman Pau” hiling ng dalaga at nagtawanan ang tatlong lalake.
“Utos ko…mag…” biro ni Paulito at nagdadabog na ang dalaga. “Wag kasi!!! Wag yon! Ito naman e. Wag kalbo!” sigaw ni Monica. “Utos ko…” biro pa ni Paulito at nagsimangot na si Monica at naupo.
“Utos ko umakyat ka sa tuktok ng puno!” sigaw ni Paulito at nagulat ang dalaga at nakahinga. “Hay bakit din yan? Alam mo naman na takot ako sa matataas na lugar e” sabi ni Monica pero wala siyang magawa at naglakad na palabas ng kweba.
“Pare lahat ng iutos mo kailangan niya gawin?” tanong ni Wookie. “Oo bilang nagpabuhay sa kanya di siya pwede tumanggi. Kailangan niya gawin sa ayaw niya o gusto” paliwanag ni Paulito. “Bakit pa kasi yon? Pwede namang iba” reklamo ni Monica.
“Anong iba?” tanong ni Paulito. “Alam mo na, yung dalawa lang tayo dito tapos yang dalawang yan siguro pwede naman matulog sa may gubat ngayong gabi” landi ni Monica at nagtawanan ang maglolo. “Tama siya pwede naman kami magbonding ng apo ko sa gubat ngayong gabi” hirit ni Wakiz.
“Kayong dalawa! Ginagatungan niyo pa! Tara na Monica!” sigaw ni Paulito at natakot ang tatlo sa binatang bampira.
Sa gubat nagtungo ang dalawang bampira, mabilis na kumilos si Monica at masaya silang nag uunahan. “Kung gutom ka pwede tayo kumain muna” sabi ni Paulito. “Mamaya na, markado ko naman na lugar nila e. Dinig ko ang mga tibok ng puso nila at amoy ko sila” sabi ni Monica at natuwa ang binata sa mabilis niyang pagbago.
Tumigil si Paulito at napahawak sa puno. Napili niya ang pinakamataas na puno sa buong gubat. “Ang taas niyan masyado” sabi ni Monica. “Pag nakaakyat tayo di ka magsisisi, tara na” sagot ng binata.
Di gumalaw si Monica at tinignan lang si Paulito. “Okay, una talon ka at abutin mo yung pinakamalapit na sanga. At mula doon abutin mo yung susunod, ganon lang paulit ulit hanggang sa maabot mo ang pinakamataas na sanga” sabi ni Paulito.
“E pano kung nahulog ako?” tanong ng dalaga. “Nandito naman ako e, sige na mauna ka na” sabi ni Paulito at napangiti ang dalaga.. Nakaakyat si Monica unang sanga. “Sa ngayon wag ka muna titingin sa baba, nandito ako wag kang mag alala” dinig niyang sinabi ng binata kaya tumuloy na siya sa susunod.
Medyo nagkakumpiyansa ang dalaga kaya sunod sunod na ang akyat niya ng sanga. “Dalawa nalang maabot ko na pinakamataas!” sigaw niya sa tuwa. “Sige lang sugod!” sabi ng binata.
Nagmadali na si Monica at dalawang sanga ang nilagtawan niya. Nagulat siya nung makita niya don si Paulito kaya pinagsusuntok niya ito sa dibdib. “Sabi mo sinusundan mo lang ako! E pano kung nahulog ako?! Sinungaling ka!” sigaw niya pero pinakalma siya ng binata at tinuro ang kapaligiran.
Tanaw na tawan ang buhong kaharian mula sa sangang yon at nabighani si Monica sa nakikita niya. “Wow…ang ganda pala dito” sabi niya. Naupo ang dalawa sa sanga at masayang pinagmasdan ang kaharian.
Napatingin si Monica sa baba at natawa siya. “Hindi na ako takot” sabi niya. “Sigurado ka?” tanong ni Paulito at inuga niya ang sanga. “Hindi na, kasi alam ko pag nahulog ako bagsak ko sa kamay mo. Kaya di na ako takot” sagot ng dalaga sabay ngumiti.
“Mahirap kung yun lagi mong iisipin. Makikigera tayo at di lagi nandon ako” sabi ni Paulito. “Alam ko nandon ka lagi. At kahit wala iisipin ko parin na ganun para mas madali” sagot ni Monica at napakamot nalang ang binata.
“Ilang araw palang nagbago ka na, si Tuti natagalan noon. Dalawang buwan bago siya gumaling. Ikaw ilang araw palang bampira ka na talaga pero madami parin kailangan matutunan” sabi ni Paulito.
“Pagbabago…kahit sabihin mo nagbago na ako…pano kung di parin maniwala yung iba na nagbago na ako?” tanong ng dalaga.
“Sabi ko sa iyo sadyang mahirap pero wag ka nang malungkot. Hindi man sila maniwala nagbago ka na…nandito naman akong naniniwala at langing ipagtatanggol ka”
HAPPY NEW YEAR TO EVERYONE!!!
I WILL BE OUT FOR A FEW DAYS…BE BACK SOON!
JOIN OUR FACEBOOK DISCUSSION, CLICK HERE
I WILL BE OUT FOR A FEW DAYS…BE BACK SOON!
JOIN OUR FACEBOOK DISCUSSION, CLICK HERE