Twinkle Twinkle 2: Bagong Delubyo
by Paul Diaz
by Paul Diaz
Chapter 14: Pagtuos
Nagsipagtaguan ang kampon ng kadiliman, ang mga bruha nagtipon sa likod ng isang malaking puno at nagdasal. Ang maglolong mambabarang sa ilalim ng katabing puno nagtago habang si Aneth ramdam niya ang pagbago ng simoy ng hangin.
“Bakit sumusuko na ba kayo?!!! Lumabas kayo para makatikim kayo! Matandang mambabarang nasan ka? Lumabas ka dito! Akin na ang diyamante!” sigaw ng diwata habang nakasteady lang siya sa ere at naghahanap ng makakalaban.
“Ako haharap sa iyo” sabi ng isang bulong na dinig sa buong gubat. Kinabahan si Aneth at hinanap kung saan nanggagaling ang boses. “Nasan ka?! Magpakita ka sugo!” sagot ng diwata at nahampas siya ng malakas na hangin. Natawa ang diwata pero di talaga niya mahanap kung nasan ang sugo.
“Akala ko ba makapangyarihan ka? Bakit di mo ako mahanap?” muling sabi ng boses at nagsisimula nang mainis si Aneth. “Pag nahanap kita ibubuhos ko ang buong kapangyarihan ko!” sagot ni Aneth at muling may humampas sa kanyang hangin at napasigaw siya sa sakit pagkat nakalmot ang mukha niya. Duguan ang mukha ni Aneth at lalo pa siyang nagalit.
“Yan ang gusto mo, sige eto sa iyo!” sigaw ng diwata at nagpasbog siya ng malaking apoy para sunugin muli ang buong gubat. Lumitaw sa harapan niya si Paulito, lahat ng pinapalabas niyang apoy sinususop ng sugo sa katawan niya. Lalong nagpalabas ng apoy si Aneth pero sa katawan lang ng sugo pumapasok ito kaya muling siyang naglabas ng dilaw na espada at sinugod ang sugo.
Papasok na sana ang espada sa katawan ng bampira pero biglang naging mga paniki ang buong katawan ng sugo. Nagsiliparan paalis ang mga paniki at napalingon si Aneth at saktong nandon si Paulito at binuntal siya sa mukha gamit ang nagbabagang kamao.
Talsik si Aneth at bumagsak sa lupa, pagbangon niya di niya ulet makita ang sugo. Magpapalabas palang sana siya ng dilaw na ilaw mula sa mga kamay pero sumulpot bigla ang bampira sa tabi niya at sumigaw ng malakas gamit ang kapangyarihan ni Bombayno. Napasigaw ng malakas si Aneth at biglang nanigas ang buong katawan niya. May dugo na lumabas sa tenga niya at bigla ito nagwala.
Nanlisik ang mga mata ng bruha at dali dali siyang nagpasabog ng dilaw na ilaw kahit saan. Mabilis nakaiwas ang sugo pero sumulpot siya sa kabila naman at muling sumigaw. Nagtakip ng tenga si Aneth at napaluhod, sa harap naman sumulpot si Paulito at binigyan ang diwata ng isang malakas na upper cut. Lumipad pataas ang diwata, lumipad ang sugo para habulin siya.
Pabagsak na sana si Aneth pero muli siyang tinira ng sugo ng isa pang upper cut kaya lalo sila nagpataas sa ere. Sa lupa walang magawa ang ibang nilalang kundi mamangha sa kapangyarihan ng sugo. “Lolo, mas malakas ba talaga ang sugo kesa kay Aneth?” tanong ni Wookie. “Hindi apo ko. Mas malakas si Aneth pero hindi pa niya gamay ang kapangyarihan niya. Ang sugo makapangyarihan din pero mas mahina ito kesa sa diyosa. Ang diperensya lang ng dalawa ay kontrolado ni Paulito ang kapangyarihan niya. Nagagamitan niya ng utak, habang si Aneth hindi niya alam pano bumawi sa dami ng kapangyarihan niya” paliwanag ni Wakiz.
“Pero lolo ano ba ang ginagawa ng mga bruha? Ano ang dinadasal nila?” bulong ni Wookie. “Hindi ko alam, siguro gumagawa sila ng dasal pangontra sa kapangyarihan ni Aneth. Sana ganon nga” sagot ng matanda.
Narinig ng lahat ang sigaw ng diwata kaya muli sila napatingin sa langit. Kitang kita nila na hawak ni Paulito ang diwata sa kanyang leeg at mabilis sila lumilipad pababa sa lupa.
Mabilis nagpapaba ang dalawa, ilang sandali pa ay pagtama ng katawan ng diwata sa lupa nagkaroon ng malakas na pagsabog. Naging maalikabok ang buong gubat kaya wala makita ang lahat. Paghupa ng alikabok ay kitang kita nilang nakaluhod ang sugo, nanlilisik ang kanyang mga mata at hawak parin sa leeg si Aneth.
Tinaas ni Paulito ang isang kamay niya, nagbagang pula ito at mga kuko niya humahaba. Mabilis niya ito sinaksak at binaon sa dibdib ni Aneth at napasigaw ng malakas ang diwata. Nakahinga ng maluwag ang lahat pagkat inakala nila na tapos na ang banta ng diwata.
Ang sigaw ng diwata biglang napalitan ng tawa at kitang kita ng lahat ang katawan niya biglang naglaho at sumama sa lupa. Napalingon si Paulito sa paligid, tatayo na sana siya pero may mga kamay na lumabas mula sa lupa at hinawakan ang mga kamay at paa ng bampira.
“May natutunan din ako sa iyo Sugo…diyosa ako! Kapangyarihan ko nanggagaling sa kalikasan. Ikaw ang nagpaalala sa akin” sabi ng isang bulong na dinig sa buong gubat. Di makapiglas si Paulito, sinubukan lumapit ni Wookie pero sinigawan siya ng sugo na wag ituloy ang balak niya.
Sinubukan kumalas ng sugo pero may isa pang kamay mula sa lupa na lumabas at inaabot naman ang leeg niya. Isang malaking kamao na gawa sa lupa ang lumabas sa malapit at pinagbubugbog ang likod ng bampira. Bagsak ang katawan ni Paulito sa lupa at nahawakan na tuloy ang leeg niya. Tuloy ang pambugbog ng malaking kamao sa likod ng bampira pero mula sa langit may daan daan na paniki ang nagpababa sa lupa at itakae ang mga kamay na gawa sa lupa.
Nakawala si Paulito pero pagkatayo palang niya binugbog naman siya ng malalakas na hangin. Lumitaw si Aneth sa harapan niya at humawak ang diwata sa dibdib ng bampira. Malakas na dilaw na ilaw ang lumabas mula sa mga kamay at napatapis si Paulito sa malaking puno.
Mas malaking kamay na gawa sa lupa ang lumabas at hinugot ang isang puno sabay hinampas sa katawan ng bampira. Awang awa ang lahat ng nakakakita pero wala sila magawa kundi ipikit ang mga mata nila. Kukuha sana ng panibagong puno ang malaking kamay pero nakita ni Paulito na yun ang puno kung saan nakatago si Monica. Agad niya hinarap ang kamay at nilabanan, mas madami pang mga paniki ang dumating para tulungan siya.
Mula sa daliri ng diwata may mga matatalim na dilaw na blade ang lumabas at tinamaan si Paulito sa mga kamay. Bagsak ang sugo at nahawakan ng kamay ang puno. Mabilis tumayo si Paulito at pinigilan ang kamay kaya nagtataka na si Aneth.
“Bakit mahalaga ata masyado yang punong yan para sa iyo?” tanong niya at naglabas siya ng malaking espadang liwanag at sinugod ang puno. Winasiwas ng diwata ang espada para maputol sana ito, agad humarang si Paulito kaya siya ang nalaslas sa likod.
Nawala ang mga kamay na gawa sa lupa, hinang hina si Paulito na nakaluhod sa lupa sa harap ng puno. “Bakit ka magpapalaslas para sa punong yan? May nalalaman ka bang kakaiba para protektahan yan?” tanong ni Aneth at mabilis siya nagpalabas ng isang liwanag para tamaan ang puno pero muli tumalon si Paulito at hinarang ito.
Napasigaw ang sugo at galit na ang dalawang mambabarang. “Ano ang ginagawa niya? Sira ulo ba siya?” tanong ni Wookie na napahawak sa mga tattoo niya. “Protektahan niyo ang puno…nakatago sa taas si Monica” narinig nilang bulong. Pagtingin ng maglolo sa taas ng puno napansin nila ang nagtipon tipon na mga paniki. “Ubos ang lakas ko apo, ikaw na bahala magprotekta sa puno” bulong ni Wakiz.
Sinugod ni Paulito ang diwata, mabilis nagpalabas ng limang diablos si Wookie para palibutan ang puno. “Aba may tinatago talaga kayong sekreto sa puno. Dibale pagkatapos kitang karnehin peste ka sila naman isusunod ko!” sigaw ng diwata at hinawakan niya ang ulo ng bampira at mula sa isang kamay may lumabas na dilaw na liwanag na sinaksak niya sa dibdib ng sugo.
Tumamlay lalo ang katawan ng sugo pero nagawa din niya isaksak ang kamay niya sa dibdib ng diwata. Pareho sila napasigaw at nanghina, nagpataas ang dalawa sa ere at doon nagmamatigas pareho. Lalong lumiwanag ang katawa ng diwata kaya ilang sandal pa halos wala nang buhay ang katawan ng sugo. Bagsak sa lupa ang katawan ni Paulito, si Aneth tinaas ang dalawang kamay at mula sa gubat may mga liwanag ang nagtipon sa mga kamay niya.
Palaki ng palaki ang naiipon na liwanag, naghulma si Aneth mula sa liwanag ng isang napakalaking puting espada. “Paalam sugo!!!” sigaw niya at lumipad siya pababa para isaksak ang nagbabagang puting espada sa dibdib ng sugo.
Parang bumagal ang oras, si Wookie tumakbo papalapit sa sugo pero gamit ang huling lakas tinuro siya ng sugo kaya napatalsik siya paatras. Malapit na si Aneth sa katawan ng sugo, pinikit ni Paulito ang mga mata niya pero ngumiti.
Pagkasaksak ng espada ng diwata sa lupa, napakalakas na puting liwanag ang bumulag sa buong gubat. Dinig na dinig ang malakas na tawa ni Aneth habang dinig din ang mga sigaw ng maglolong mambabarang.
Paghupa ng liwanag at tumigil ang tawa ni Aneth, “Pano nangyari ito?!!! Imposibleng nakatakas ka!!!” sigaw niya.
Nang makakita na sina Wookie at Wakiz ay nagulat sila pagkat nasa tapat nila ang matamlay na katawan ni Paulito pero sa harapan nila may dalawang nilalang ang nakatayo.
“Wookie, kalbo…bigyan mo si bossing ng dugo” utos ng bampira. “Kami na ang bahala dito” sabi ng babae. “Tuti? Anhica? Kayo ba yan?” tanong ng binatang mambabarang. Hindi makapaniwala si Wookie sa nakikita niya, matipuno ang katawan ni Tuti at nagsasalita ito ng diretso. Mahaba din ang buhok ng bampira at kakaiba ang kapangyarihan na umaapaw sa katawan nito.
“Sinaktan mo bossing ko! Ikaw naman sasaktan ko!!!” sigaw ni Tuti at mabilis na sinugod si Aneth. Ang diwata gulat na gulat sa pagsulpot ng dalawang nilalang. Bago siya makagalaw nalaslas na siya ni Tuti sa dibdib gamit ang espada ni Paulito. Si Anhica lumipad sa ere at nagpakawala ng isang gintong espada at nakisali narin sa pagsugod kay Aneth.
Nilaslas ni Wookie ang kamay niya sabay sinubsob ito sa bibig ng kaibigan niya. “Wag” bulong ni Paulito. “Sira ulo, kailangan mo magpalakas. Wag ka na maarte at wala nang oras maghanap ng hayop. Sige inom ka lang ng kailangan mo” sabi ni Wookie.
Ilang sandali pa bumabalik ang lakas ni Paulito, dahan dahan naupo ito para panoorin ang dalawa na nakikipaglaban kay Aneth. “Gayang gaya niya mga galaw mo” sabi ng mambabarang at walang magawa si Paulito kundi mapangiti.
Ang bilis gumalaw ni Tuti, puno na ng laslas ang katawan ni Aneth. Bawat palabas na liwanag ng diwata kinokontra ito ni Anhica. Isang suntok ni Tuti at napalipad si Aneth sa ere. Sabay sila nagpalipad sa ere ni Anhica para isugod ang mga espada nila sa katawan ng diwata.
Nasaksak si Aneth ng dalawang espada sa katawan, nagwala siya at nagpasabog ng napakalakas na liwanag. Kinabahan si Wookie pero pinakalma siya ni Paulito, “Wag kang mag alala, ayos lang sila” bulong niya.
Paghupa ng liwanag, lahat ng dahon sa gubat naabo at sa harapan ng diwata may isang bolang itim. Nagsikalasan ang mga paniki at lumabas si Tuti at Anhica na muling inatake ang diwata. Nakailag si Aneth at lalong nagpataas sa ere. Mula sa lupa may dalawang kamay na umabot kina Tuti at Anhica at hinila sila pababa sa lupa.
Agad sumugod si Aneth gamit ang espada niya at sinugod si Tuti. Pagkalapit ng espada sa katawan ni Tuti biglang nanigas ang katawan ni Aneth at di niya magawang ibaong ang espada. “Bakit ganito?!!!” sigaw ng diwata at tumawa si Tuti. “Hindi mo ako pwede saktan!” sagot ng bampira na muling sinuntok ang diwata at napatapis.
Bumangon si Aneth at muling sinugod si Tuti, nagpakawala siya ng liwanag at tumayo lang ang bampira sa harapan niya. Ang mga liwanag naglaho bago pa umabot sa katawan ni Tuti, napaluhod si Aneth at di makapaniwala sa nangyayari. “Bakit hindi kita kaya saktan?” tanong niya.
Di sumagot si Tuti at sinipa ang mukha ni Aneth. Lalong nagalit ang diwata, tumayo ito at pinikit ang kanyang mga mata. “Mamatay nalang tayo lahat dito!!!” sigaw niya. Biglang yumanig ang lupa at ang hanging lumakas ng todo. May nabuong ipo ipo sa palibot ng katawan ng diwata at napansin ng iba na may kakaibang liwanag na namumuo sa katawan niya.
Sinubukan ni Anhica ang makalapit pero napapatapis siya sa lakas ng hangin. Lalong lumalaki ang bola ng liwanag na binubuo ni Aneth kaya sinubukan ni Wookie ilapit ang mga higante niya pero pati sila nalusaw nalang bigla.
“Delikado to, hindi maganda ang nararamdaman ko. Pigilan niyo siya agad bago niya maipasabog ang liwanag na yan!!!” sigaw ni Wakiz. Sinubukan ni Paulito lumapit pero talsik din siya. Malakas na tawa ni Aneth ang dumagundong sa buong gubat, “Magsama sama tayo sa impyerno!!!” sigaw ng diwata.
Sa likod ng diwata tumayo si Tuti at naglakad palapit. Nalasog lasog na ng hangin ang katawan niya pero patuloy parin niyang nilalapitan si Aneth na di namamalayan ng diwata. Nasunog na ang buhok ni Tuti pero nakatayo na siya mismo sa likod ng diwata, binuka niya ang bibig niya at lumabas ang matatalim niyang pangil. Agad niya kinagad sa leeg si Aneth at napasigaw ng napakalakas ang diwata.
Mabilis humupa ang liwanag at namatay ang ipo ipo. Napaluhod si Aneth sa lupa at mabilis nakalapit si Anhica para hawakan ang ulo ng diwata. Di bumitaw sa pagkagat si Tuti, si Anhica nagsimula nagdasal. Sa isang iglap Nakaluhod si Paulito sa harapan ni Aneth, nilapit niya ang ulo niya at nagbulong sa tenga ng diwata.
Kumalas na si Tuti habang patuloy ang bulong ni Paulito, si Anhica tuloy ang pagdadasal niya at si Aneth tuluyan nang nanghihina. Ilang sandali pa tumayo na si Paulito, pumikit ang mga mata ng diwata at bagsak ang katawan niya sa lupa.
Nagliyab ang kamay ni Anhica at doon naipon ang isang malaking bola ng kapangyarihan. Lahat ng lakas at kaalaman ni Aneth sa bola naipon, di makontrol ni Anhica ang kamay niya kaya mabilis lumapit si Tuti at Paulito para itaas ang kamay ng dalaga.
Patungo sa langit pinakawalan ni Anhica ang lahat ng naipon niya, bumagsak ang tatlong bida sa lupa at mabilis lumapit ang maglolong mambabarang.
“Patay na siya?” tanong ni Wookie. “Hindi, tinanggal ni Anhica ang lahat ng kapangyarihan niya. Ako naman binulungan ko lang para makatulog ang kaluluwa niya para di maisama maalis sa katawan niya” paliwanag ni Paulito.
“Hindi na babalik ang kapangyarihan niya?” tanong ni Wakiz. “Hindi na, kung bumalik man nandiyan si Tuti para paamuhin siya” sabi ni Anhica at biglang natawa ang lahat nang nagsilaglagan ang lahat ng ngipin ni Tuti. “Fusha naman e. Vakit ganitwo uleth?” sabi ng bungal na bampira pero niyakap siya ng bossing niya para magpasalamat.
Habang nagsasaya ang lahat at pinagkakaguluhan ang magiting na Tuti biglang nanigas si Paulito at napasigaw ng malakas. Napaluhod ang bampira sa lupa at may dugong lumabas sa kanyang bibig.
Sa likod ng bampira nakaluhod ang dalawang bruha, hawak nila ang isang matalim na kahoy na sinaksak nila sa likod ni Paulito.
“Yailda!!!”
(Join our Facebook page, CLICK HERE )