Twinkle Twinkle 2: Bagong Delubyo
by Paul Diaz
by Paul Diaz
Chapter 7: Mga Libro ng Kapangyarihan
Kinabukasan habang abala ang reyna na tumatanggap ng mga bisita, si Aneth nagkulong sa kwarto niya at nagsasaya. “Ikaryo bilib ako sa iyo. Nanumbalik ang lakas ko at masigla nanaman ang katawan ko” sabi ni Aneth sa galak. “Masyado maliwanag! Wala ka bang magagawa para dumilim konti dito?” sagot ng lalake na nakahiga sa ilalim ng kama.
“Yan ang problema sa inyong mga taong dilim, sa gabi lang kayo malakas. Bueno, sisimulan ko na ang pag aral ng nilalaman ng mga libro” sabi ng diwata sabay lumuhod siya sa sahig at hinarap ang mga nagkalat na libro. “Nagpapatawa ka ba? Kalansay ka na bago mo matutunan lahat yan” sabi ni Ikaryo sabay tawa.
“Kawawa kang nilalang ka, hindi mo alam gaano ako kalakas. Manood ka maigi” sabi ng diwata sabay kinuha ang libro ng mga diwata. Binuklat ni Aneth ang libro sabay pinatong ang kamay niya sa isang pahina. Pinikit niya ang kanyang mga mata at nagdasal. May dilaw na ilaw na lumabas sa kamay ng diwata at ilang sandal nagliwanag ang libro.
Mga nakasulat sa libro tila nabuhay at dahan dahan gumagapang papunta sa kamay ng diwata. Hindi makapaniwala si Ikaryo sa nakikita niya kaya lumapit siya. “Aneth, hindi ba mabubura ang laman…” sabi ng lalake pero nakita niyang nandon parin ang mga nakasulat kahit na nakikita niyang patuloy ang pagdaloy ng mga sulat sa kamay ng diwata.
Muling nagtago si Ikaryo sa ilalim ng kama pagkat nag iiba ang anyo ni Aneth. Lumipas ang trenta minutos tumigil na ang pagdaloy ng mga nakasulat. Nakita ni Ikaryo na minulat ni Aneth ang mga mata niya pero nagmistulang estatwa ang diwata. Ilang minute na di gugagalaw si Aneth kaya, dahan dahan inabot ni Ikaryo ang isang libro pero nanigas ang kamay niya at unti unti nagiging bato.
“Sinabi ko sa iyo na hindi mo pwede galawin ang mga libro” bigkas ni Aneth at napasigaw si Ikaryo sa sakit. “Nararamdaman ko na ang buong lakas ng mga sinaunang mga diwata. Hindi ko akalain na madami pala ako kayang gawin” sabi ng diwata at nagmamakaawa na ang lalake. “Tama na Aneth!!! Ang kamay ko!!!” sigaw niya at natawa ang diwata. Dahan dahan bumabalik sa dating anyo ang kamay ni Ikaryo, tumayo si Aneth pero bigla itong bumagsak sa sahig.
Napahawak ang diwata sa kanyang ulo at sumubok tumayo ulit. “Ikaryo! Kung nakikita mo lang ang laman ng utak ko mabibighani ka din. Agad siya humarap sa bintana at tinaas ang dalawang kamay niya. Nagliwanag ang buong katawan ni Aneth, ang liwanag ng araw biglang nawala sabay bumuhos ang malakas na ulan. Ilang sandal tumigil ang ulan pero malakas na ihip ng hangin naman ang naramdaman ng buong kaharian. Tawa ng tawa ang diwata nang nakagawa siya ng limang bahag hari na magkakatabi.
Tuwang tuwa si Aneth sa mga bagong natutunan niya pero muli siyang bumagsak sa sahig. “Masyado madaming kaalaman ang pumapasok sa utak ko. Kailangan ko magpahinga muna” sabi niya. “Aneth, yung pangako mo sa akin. Baka pwede mo din gawin yan para sa akin” sabi ni Ikaryo.
Natawa si Aneth at sa isang iglap unti unti nagbabago ang katawan ng lalake. Ang balat ni Ikaryo nagiging balat ng puno at may mga dahon na lumalabas sa kanyang mga tenga. “Aneth!!! Tama na ang pagpapasikat mo! Oo na malakas ka na!!” reklamo ni Ikaryo at napalakas ang halakhak ng diwata.
Tuluyan naging taong puno si Ikaryo at bilib sa sarili si Aneth. “Bwisit ka bakit ganito?!!” tanong ni Ikaryo. “Tado! Subukan mo lumabas diyan sa ilalim” sagot ng diwata. “Sira ulo ka ba? Maliwanag masyado!” sumbat ng lalake. “Sinabi ko lumabas ka diyan!!” sigaw ni Aneth at biglang tumaob ang kama at nagtakip agad si Ikaryo.
“Bakit ka pa nagtatakip? Tumayo ka!!!” sigaw ng diwata at biglang napatayo si Ikaryo. Napansin ng lalake na wala na ang epekto ng liwanag sa kanya at hindi na siya nanghihina. Minulat ni Ikaryo ang mga mata niya at agad ito tumakbo papunta sa bintana. “Ngayon ko lang muling nasilayan ang araw! Ngayon ko lang ulit nasilayan ang kapaligiran pag may liwanag!” sabi ni Ikaryo sa tuwa.
“Sabi sa iyo di ako masamang diwata” bulong ni Aneth. “Pero Aneth, wala ka ba magagawa dito sa balat ko? Isa na akong taong puno? Di ba pwede normal na balat?” tanong ni Ikaryo. “Hindi! Sa umaga ganyan ka, pag gabi balik sa dating anyo. May reklamo?” tanong ng diwata at napaisip si Ikaryo. “Mas maganda na ganito kesa sa wala. Pero gusto ko din sana lumabas at sariwain ang kapaligiran” drama niya.
“Tanga! E di lumabas ka, madami ka naman kauri na mga buhay na puno. Pero ikaw pinakamaliit, punong bulilit!!!” sabi ni Aneth sabay humalakhak. “Wag na! Bwisit ka! Mapapahiya lang ako” sabi ni Ikaryo. “Ipapasok ko lahat ng nilalaman ng libro ng anino sa utak mo sa isang kundisyon” sabi ng diwata.
“Maninilbihan ka sa akin. Kailangan ko ng kakampi na mapagkakatiwalaan ko” dagdag ni Aneth at napaisip si Ikaryo. “Ikaw din lang magiging pinakamalakas e di sa iyo na ako kakampi, sige” sagot ng lalake at natawa si Aneth. Bukas sabay natin aaralin, wag na ngayon at medyo pagod ang utak ko” sabi ng diwata.
Kinabukasan masigla na ulit si Aneth, kinuha niya ang libro ng mga anino sabay tinawag si Ikaryo. “Ilagay mo kamay mo sa isang pahina” utos niya at nilagay naman kamay niya sa kabila. Nagliwanag ang libro at tulad ng naganap kahapon at nagsimula pumasok sa katawan ng dalawa ang lahat ng nakasulat sa libro.
Trenta minutos lumipas at bagsak sa sahig ang dalawa. Si Aneth nakahawak ang dalawang kamay sa ulo niya at nagpapagulong habang si Ikaryo tulala lang at nakangiti. Agad tumayo si Ikaryo at inutusan niya ang kanyang anino na buklatin ang isang libro. Nagawa niya ito kaya napatingin si Aneth at gamit ang anino niya sinakal niya Ikaryo. “Sabi ko sa iyo bawal mo galawin ang mga libro!!!” sigaw niya pero muling napahawak sa kanyang ulo.
“Sinusubukan ko lang!!!” reklamo ng lalake na ginamit ang anino niya para alisin ang anino ng diwata. “Tulungan mo ako bumangon” sabi ni Aneth kaya binangon siya ni Ikaryo at naupo sila sa kama. “Anong nangyayari sa iyo?” tanong ng lalake. “Masaki tang ulo ko, ayos lang. Masasanay din ako. Siguro nabigla lang sa dami ng impormasyon na pumasok” sagot ng diwata.
“Pero Aneth, may napansin ako. Dito sa isip ko parang may isang dasal na kulang o di ko maitugma ano ibig sabihin” sabi ni Ikaryo at nagulat si Aneth. “Ako nga din e, parang kulang” sagot ng diwata sabay gamit anino niya kinuha ang libro ng mga anino.
Nahanap nila ang pahina na pinag uusapan nila, “Tignan mo parang naisingit lang tong pahinang ito” sabi ni Aneth. “Sigurado ka ba walang karugtong yan?” tanong ni Ikaryo at biglang napaisip ang diwata. “Alam mo pati kahapon may di tumutugma sa libro ng diwata” sabi ni Aneth sabay kuya sa isang libro.
Nahanap ni Aneth ay pahina, napansin ng dalawa na iba ang pagkasulat ng pahinang yon kumpara sa ibang laman ng libro. Ganon din ang pahinang nahanap nila sa libro ng mga anino. Pinunit ni Aneth ang dalawang pahina, binuklat niya ang ibang libro at napansin nila na sa parehong pahina nakasingit ang mga inaakala nilang walang kwentang mga sulat.
Pinagpupunit ni Aneth ang mga walang kwentang pahina sabay nilatag sa sahib. “Lahat ng libro may walang kwentang pahina, pero ano ibig sabihin nito?” tanong ni Aneth. Tumayo si Ikaryo sa likod ng diwata at may napansin siya. “Tumayo ka sa tabi ko dali” sabi niya. “Bakit?” tanong ni Aneth. “Basta tumayo ka dito sa tabi ko para makita mo” ulit ni Ikaryo.
Tumayo si Aneth sa tabi ni Ikaryo at nagulat siya sa nakita niya. “Mapa? Pag malapit isang normal na sulatin pero pag malayo mapa” bigkas niya. “Oo pero hindi sila nakaayos, teka ayusin natin pero kailangan ko permiso mo” sabi ni Ikaryo. “Sige ayusin mo” sagot ng diwata.
Gamit ang anino inayos ni Ikaryo ang mga pahina. Lumipas ang ilang minuto ay nabuo na niya pero may dalawang pahina na kulang sa gitna. “Mapa ng kaharian ng Plurklandia. Nawawala talaga ang dalawang libro, tignan mo kulang ang mapa” sabi ni Ikaryo. “Para saan ang mapang ito?” tanong ni Aneth.
“Mahusay yung gumawa nito. Bilib ako kung pano niya tinago ang mapa bilang sulatin. Pero tama ka, para saan ito? Pansinin mo ito Aneth, may limang marka sa palibot ng kaharian, ano mga yan?” tanong ni Ikaryo.
“Kailangan natin mapuntahan yan. Sigurado ko hindi gagawa ng ganito ang mga ninuno pag hindi ito importante. Pero kailangan natin yung dalawang libro para makumpleto ang mapa. Alamin mo saan yang limang lokasyon na yan at pupuntahan natin agad pagkatapos ko aralin lahat ng libro” utos ni Aneth.
“Sayang ang oras Aneth, puntahan na natin dapat mga yan” sabi ni Ikaryo. “Mga ninuno ang gumawa niyan. Hindi natin alam kung ano ang pwede natin makaharap kaya mas mabuti nang handa tayo” paliwanag ng diwata.
Biglang gumawalaw ng kusa ang anino ni Ikaryo at napansin ni Aneth yon. “Ano ginawa mo?” tanong niya. “Hindi ko alam, kusang gumalaw pero may naramdaman akong multo na umaaligid dito sa kwarto” sagot ng lalake. “Multo lang pala, ayos lang ang multo basta wag lang ibang nilalang. Multo ng tao sabi mo diba? Kaya wala tayo problema” sagot ng diwata.
Kinagabihan, nakakulong si Ikaryo sa bola ng liwanag habang si Aneth ay mahimbing na natutulog. Sa labas ng palasyo kalmado ang hangin at ang buwan natatakpan ng makakapal na ulap.
Isang pulang espiritu ang nagpaikot ikot sa palasyo ilang saglit bago ito nagtungo sa likuran. Sa isang pwesto sa lupa nagpaikot ikot ang espiritu ang ilang saglit ay pumasok ito sa lupa.
Biglang nagising si Aneth at napasigaw, napahawak sya sa leeg niya at ininda ang sakit. “Aneth ano nangyari?” tanong ni Ikaryo. “Biglang kumirot e. Dibale wala na” sagot ng diwata at muli siyang nahiga. “Aneth alisin mo na ako dito. Gusto ko din matulog” sabi ni Ikaryo.
“Wala ako tiwala sa iyo” sabi ng diwata. “Pwede mo naman ako ikulong sa bola ng anino” sabi ni Ikaryo kaya napabangon ang diwata. “Oo nga, sige” sabi ni Aneth at sa isang iglap napalitan ang bola ng liwanag sa bola ng anino at doon nakulong ang lalake.
“Grabe ka Aneth, ano bang naisip mo na ikulong ako sa liwanag. Sabi mo kailangan mo ako bilang kakampi, gusto mo ata ako patayin” sabi ni Ikaryo. “Pasensya na magulo lang isip ko kaya di ko agad naisip yan” sagot ng diwata sabay nahiga sa kama. Pinikit ng diwata ang mata niya pero muling napahawak sa kumikirot na leeg niya.
Isang lingo ang lumipas, pagsapit ng dilim nagtipon ang mga pekeng disipulo sa kwarto ni Aneth. “Isasama natin sila?” tanong ni Ikaryo. “Oo, mas maganda na ang sigurado” sagot ng diwata. “Pero makapangyarihan ka na masyado Aneth” hirit ng lalake. “Alam ko pero gusto ko manigurado. Tama na ang satsat at pumasok na kayo sa bilog” utos ng diwata.
May inukit na bilog sa sahig si Aneth at doon pumasok ang mga disipulo. Si Ikaryo natatakot kaya ayaw pa pumasok. “Ano ba to Aneth? Sigurado ka ba dito?” tanong niya. “Ikaw nagsabing makapangyarihan na ako tapos ngayon magdududa ka? Pasok!” sigaw ng diwata.
“Mas madali natin mapupuntahan ang lugar pag ganito” sabi ni Aneth sabay pumasok narin siya. Mula sa sahig may nagpataas na liwanag at nasakot ang lahat. Paghupa ng liwanag ay wala na sila sa kwarto.
Mahimbing ang tulog ng reyna sa kabilang kwarto. Mula sa kadiliman may lumabas na multo at lumapit sa kama ng reyna. “Nella” bigkas ng multo sabay kinalbit ang dalaga. “Nella gising ka” ulit ng multo.
Namulat ang mata ng dalaga at napasigaw ito ng malakas. “Nella huminahon ka ako ito” sabi ng multo at sa takot napatakbo si Nella papunta sa pinto. “Nella ako ito! Ako si Berto yung multong tagabantay sa templo!” sabi ng multo at napatigil si Nella at humarap.
“Berto? Templo?” tanong ng dalaga. “Oo Nella, ako ito” sabi ni Berto. “Bakit ka nandito? Akala ko sa templo ka lang nakakulong?” tanong ng dalaga. “Oo pero tumakas ako, bahala na. Kailangan kasi pagkat di rin lang ako matatahimik pag natuloy ni Aneth ang binabalak niya” sagot ng multo.
“Berto! Wag! Sabi mo gusto mo na manahimik. Wag ka na magsasalita pa” sabi ni Nella. “Alam mo di maganda ang mga nabasa ko sa libro ng mga pinuno. Sinundan kita pabalik dito at nagmasid ako sa mga balak ni Nella. Naaral na ni Nella ang lahat ng libro at masyado na siya makapangyarihan” kwento ni Berto.
“Ano ibig mo sabihin?” tanong ni Nella. “Iha, niloko ka lang niya. Walang sakit ang mga nilalang. Ginamit ka lang niya para makuha ang mga libro para palakasin ang sarili niya. Ngayon nahanap nila ang nakatagong mapa sa mga libro. Delikado tayo pag nahanap nila yung anim na diyamante ng mga ninuno” sabi ni Berto.
“Ano?! Ano ba pinagsasabi mo?” tanong ni Nella. “Makinig ka sa akin!!! Sinasabi ko na sa iyo ang katotohanan kaya makinig kang maigi! Kailangan natin kumilos habang wala sina Aneth!” sigaw ng multo at natakot si Nella.
“Sasabihin ko sa iyo ang lahat at wala na akong pakialam kung ano man ang mangyari sa akin kaya makinig ka na maigi. Bahala ka na kung maniniwala o hindi pero hiling ko makinig ka” sabi ni Berto at napaupo si Nella sa sahig.
(Leave comments at our Facebook page, CLICK HERE )