sk6

Monday, January 25, 2010

Twinkle Twinkle 2: Bagong Delubyo Chapter 19: Bagong Pinuno

Twinkle Twinkle 2: Bagong Delubyo

by Paul Diaz


Chapter 19: Bagong Pinuno

Sa isang dulo ng kaharian sabay napatingin sa langit sina Monica at Paulito. “Pulang buwan” bigkas ng binata. “Ngayon lang ako nakakita ng ganyan” dagdag niya. “Hindi maganda ang nararamdaman ko. Parang may kakaiba sa buong paligid” sabi ng dalaga.

“Sa tingin mo napakawalan na nila yung hari ng kadiliman?” tanong ni Paulito at tinignan siya ng dalaga. “Sa tingin ko oo, may kakaibang pakiramdam ang buong kaharian na di ko maipaliwanag. Para napakadilim at nakakasakal na kapangyarihan” sagot ni Monica.

“Kailangan natin magmadali kung ganon, sana ayos lang ang mga kasama natin” sabi ng binata at saktong may napansin silang kakaiba sa malapit. Agad sila lumapit at nakakita sila ng malaking bloke ng yelo at sa loob isang nilalang na nanigas. “Virgous” bigkas ng binata.

“Kakaibang kulungan ito pero nararamdaman kong buhay pa siya” sabi ni Monica sabay haplos sa yelo. Napalingon si Paulito sa paligid at napansin niyang gumagalaw ang isang halaman. Agad niya nilapitan ang halaman at nakita niya ang dalawang dwendeng kaibigan niya. “Darwino! Bobbyno!” sigaw niya sa tuwa pero natakot ang dalawang dwende ang nagyakapan.

“Hoy, di niyo ba ako nakikilala? Alam ko na to nagpapatawa nanaman kayo no” sabi ni Paulito pero talagang nanginginig sa takot ang mga dwende. “Monica halika nga dito saglit” utos ng binata at agad lumapit ang dalaga. “Bakit? Mga disipulo din ba yan?” tanong niya.

“Oo pero di nila ako nakikilala, pakitaan mo nga sila ng legs mo” sabi ni Paulito at bigla siya binatukan ng dalaga. “Sila ba papakitaan ko o ikaw?” tanong niya at natawa ang binata. “Sila, manyakis mga to e. Sige na baka bumalik ang isip nila sa tama pag ginawa mo yon” paliwanag ni Paulito.

Nagsimangot si Monica pero nilabas niya ang legs niya at pinakita sa dalawang dwende. Nagulat si Paulito sa reaksyon nila pagkat nakatitig lang sila sa legs at takot na takot parin sila. “Ano ang ginawa ni Aneth sa kanila?” tanong ni Paulito. “Tinanggalan ng kapangyarihan at pati ata isipan” sagot ni Monica at napatingin ang binata sa kanya. “Kaya mo ba ibalik?” tanong niya.

“Kaya pero kailangan natin balikan ang katawan ng ate ko. Malamang nasa katawan pa niya ang pag iisip nila” sabi ni Monica. “Tinanggal na ni Anhica ang kapangyarihan ni Aneth, nandon pa kaya?” tanong ni Paulito. “Yan ang di ko sigurado, kailangan natin mapuntahan ang dalawa” sabi ng dalaga.

Nanghinayang si Paulito pagkat malayo narin ang nalakbay nila, gahol narin sila sa oras pero naawa siya sa mga kaibigan niya. “Kailangan pa natin mahanap yung iba, pero bago yon pakawalan muna natin si Virgous sa kulungan niya” sabi ni Paulito kaya bumalik sila sa bloke ng yelo.

Pinulot ni Monica ang dalawang dwende at nilagay sa balikat niya, tumayo sila sa malayo habang si Paulito nagliyab ang dalawang kamay at sinimulan ang pagtunaw sa bloke ng yelo. Nagpapalakpakan ang dalawang dwende habang pinapanood ang bampira, ilang sandali ay natunaw na ang yelo at bagsak ang katawan ni Virgous sa lupa.

Binuhat ni Paulito ang katawan ng kaibigan niya at lumapit kina Monica. Nagulat sila nang may bumagsak mula sa puno kaya agad sila pumorma. Bumangon ang lasing na kapre at natawa si Paulito. “Nyobert! Buhay ka! At lasing ka parin!” biro niya pero biglang nagtago ang kapre sa likod ng isang puno at si Monica naman ang natawa.

“Nyobert! Ako ito, si Paulito!” sabi ng bampira pero pasilip silip lang ang kapre at nagpapacute ng mata. Lalong natawa ang dalaga, pati ang dalawang dwende nakitawa narin. “Shy siya” bigkas ni Darwino at napatingin si Paulito sa kanya. “Anong shy? Nakakapagsalita ka pala, ano nangyari sa inyo?” tanong ng bampira.

“Wala naman nangyari sa amin, kilala mo kami?” tanong ni Bobbyno. “Oo kayo ay mga kaibigan ko. Kayo ang mga disipulo ng Fredatorya” sabi ni Paulito. “Disipulo? Ano yon? Akala namin masamang tao kayo e. Masama ba kayo? Sasaktan niyo ba kami?” tanong ni Darwino at lalong nalito si Paulito.

“Wag ka na magtaka wala sila sa tamang wisyo. Ride on ka nalang kasi sabi nila kami, kaya malamang nandito din yung ibang kaibigan mo” bulong ni Monica. “Hindi kami masamang tao, nasan yung mga ibang kaibigan niyo?” tanong ng binatang bampira.

“Hmmm…nakatago sila. Gusto niyo tawagin namin yung mga bulol?” tanong ni Bobbyno. “Bulol? Bulol? Sige nga tawagin mo sila dito” sabi ni Paulito at agad bumaba si Bobbyno. “Tawagin ko din mga alaga naming pets” sabi ni Darwino at nagtakbuhan ang dalawang dwende sa may malapit na gubat.

“Bulol? Ano ba nangyari sa kanila?” tanong ni Paulito. “Wag mo na problemahin, ang importante matipon sila at pag may kulang hanapin natin” sabi ni Monica. Ilang sandali pa bumalik ang dalawang dwende sakay sakay ang dalawang lobo. “Eto pets namin o” sabi ni Darwino at natawa si Paulito nang makita si Sarryno at Bashito. Biglang bumagsak ang isang lobo at natumba sa lupa si Bobbyno. “Ay bwisit nakatulog nanaman tong antukin na pet natin!” sigaw niya at lalong natawa ang bampira.

“Sarryno at Bashito!” bigkas ni Paulito at agad niya nilapitan ang dalawang lobo at hinaplos ang ulo. Mula sa gubat may dalawang bampirang lumitaw at lumalapit sa kanila. “Ayan na yung mga bulol” sabi ng dwende at napangiti si Paulito nang makita si Bombayno at Chado. “Bakit sila nabulol?” tanong ni Monica. “Naiintindihan ko na ata ang ginawa ni Aneth” sabi ng binata.

“Ginawa niyang kabaliktaran ang mga ugali ng mga disipulo. Ang mga dwende naging mabait masyado. Si Virgous matigas ang ulo kaya siguro kinulong. Si Sarryno at Bashito di na nila kaya bumalik sa tamang anyong tao at hayop nalang sila. Itong dalawang bulol, mga kapangyarihan nila galing sa boses nila. Ginawa silang bulol para di nila ito magamit” paliwanag ni Paulito.

“E nasan yung iba?” tanong ni Monica. “Di ko alam, Virgous, Nyobert, Bobbyno, Darwino, Sarryno, Bashito, Bombayno at Chado…wala sina Mhigito, Vandolphous at si Louis” sabi ni Paulito.

“Ah meron pa kami kaibigan pero yung isa napaka slow maglakad at kumilos kasi kaya mamaya pa darating yon. Tapos yung isa yung anak nung kapre na bulate” sabi ni Darwino sabay tawa. “Si Nyobert may anak?” tanong ni Paulito at mula sa lupa lumabas ang isang mini Nyobert. “Ayan o, sinliit namin pero kapre siya” sabi ni Bobbyno at pati siya tawa ng tawa.

Awang awa si Paulito sa kalagayan ng mga kaibigan niya, napansin yon ni Monica kaya yumakap siya sa binata. “Maibabalik din natin sila sa tama” bulong niya. “Oo nga e pero malayo ang lalakbayin natin pabalik sa mahiwagang gubat” sabi ni Paulito.

Ilang sandali may bampirang dumating at talagang napakabagal ng mga galaw niya, “Ninais ko sila isama doon para mas madali pero pag ganyan yang isa matatagalan tayo” sabi ni Paulito at may isa pang bampira ang lumabas pero lagi siya nauumpog sa mga puno. “Ay duling! Ay duling!” sigaw ng dalawang dwende at natawa si Monica. “Isa pa yan e” bigkas ng binata sabay haplos sa ulo niya.

Samantala sa mahiwagang gubat, nagtipon ang lahat ng mandirigmang nilalang sa sentro at kinakausap sila ni Nella kasama ang mga matatandang nilalang ng gubat.

Tumayo sa sentro ang isang matandang Tikbalang at nagsimulang magsalita. “Habang inaantay natin ang mga ibang mandirigma mula sa ibang gubat ng kaharian, nais ko sabihin sa inyong lahat na hindi madali ang laban na ito”

“Noong unang panahon hindi magkasundo ang lahat ng nilalang. Lahat nagpapalakasan. Ngunit nang lumabas ang hari ng kadiliman nagsanib pwersa ang lahat ng nilalang para wakasin ang paghahari niya”

“Noong unang panahon nasa piling natin ang mga pinakamalakas na mga nilalang. Ngayon wala na sila sa piling natin at sa pagkawala pa ni Aneth at mga punong nilalang sadya tayo ay mahihirapan sa pagharap sa hari ng kadiliman” sabi ng tikbalang.

“Mali ka! Kahit wala na sila kakayanin natin! Maaring sila ang pinakamalakas na nilalang…kayo…tayo ang mga magigigiting! Sa tulong at gabay ng mga matatanda ay alam na natin ang haharapin natin, alam ko wala na tayong oras maghanda pero kahit ano pa ang dumating kakayanin natin itong lahat!” biglang singit ni Nella at nagpalakpakan ang mga mandirigma.

“Wag mo kasi sila tatakutin” bulong ni Nella sa tikbalang at napayuko ang nilalang. “Kasi kung nabubuhay ka lang noong panahon na yon Nella maiintindihan mo bakit ko nasabi ang mga yon” bulong ng tikbalang.

“OO alam ko pero kung gusto mo mamumo dapat ipakita mo sa kanila na matatag ka. Hindi ako ang pinuno ng mga nilalang, kayong matatanda ang inaasahan nila. Kaming mga tao umaasa sa tulong niyo pagkat aminado kami wala kaming kapangyarihan para harapin ang kampon ng kadiliman. Pero natipon ko sila at handa lumaban ang mga tao, ayaw nila mawala ang kaharian nila” sermon ng reyna.

“Nella, kaming mga matatanda ay simpleng nilalang lang. Hindi namin kaya mamuno. Tanging mabibigay lang namin ay gabay at impormasyon tungkol sa sinaunang panahon. Kaya Nella kung mamarapatin mo, sigurado ko gugustuhin din ng lahat ito…gusto namin ikaw ang mamuno sa amin” sabi ng tikbalang at nagulat ang dalaga.

“Ha? Ako mamuno sa inyo? Hindi ata ganon dito sa kaharian. Hiwalay ang estado ng tao at estado ng mga nilalang” sabi ni Nella. “Oo alam namin yon mahal na reyna pero sa ngayon wala pwedeng mamuno sa amin kundi ikaw. Kanina lang napatunayan mo ang inyong katalinuhan, kay bilis mong napaamo ang mga mandirigma namin” sabi ng tikbalang.

“At Nella napahanga kami sa iyong mga ama noong hari siya. Malaki ang sinakripisyo niya para sa buong kaharian at para sa iyo. Namana mo ang kagitingan ng iyong ama kaya pumapayag kami lahat na ikaw ang mamuno sa amin” sabi ng isang matandang diwata.

“Pero labag ito sa batas ng kaharian diba?” tanong ng reyna. “Sa ganitong panahong ng nagbabantang delubyo wala nang batas ang kaharian. Ikaw nalang na reyna ang papakinggan ng lahat. Napakita mo sa amin sa pagpunta mo dito at pakikilaban mo na handa mo ibigay ang buhay mo para sa kapakanan ng kaharian”

“Kaya Nella, kaming mga nilalang makikinig at susunod sa reyna ng kaharian” sabi ng matandang mambabarang at biglang nagsigawan at nagpalakpakan ang lahat ng mandirigma. Di parin makapaniwala si Nella sa mga nangyayari kaya napatingin siya kina Wookie.

“Sige, papayag ako pero pagkatapos natin matalo ang hari ng kadiliman ay ibabalik ko sa inyo ang pamumuno ng mga nilalang” sabi ni Nella at lalong nagpalakpakan ang mga nilalang.

“Yan ang maganda sa iyo Nella, positibo ang pananaw mo sa buhay. Ang hangad mo para sa buong kaharian kaya handa kami manilbihan sa iyo. Pero Nella handa kami lumaban at protektahan ang mga tao pagkat yun ang puntirya ng hari ng kadiliman. Mga kaluluwa ng tao ang magpapalakas sa kanya”

“Pero hindi namin pwede ipakalat sa buong kaharian ang mga mandirigma namin. Kailangan ang mga malalakas maiiwan dito sa gubat” sabi ng matandang tikbalang. “Bakit? E pano kung sa ibang lugar umatake ang kampon ng kadiliman?” tanong ng reyna.

Tinipon ng mga matatanda si Nella at mga kaibigan niya saka sila nagtinginan. “Sa ilalim ng gubat na ito nakabaon ang katawan ng hari ng kadiliman. Tiyak ko gusto niya makuha ulit ito para tuluyan niya makuha ang buong kapangyarihan niya” sabi ng matanda ang nagulat sina Nella.

“Yan ang sikreto ng gubat na ito kaya mariing namin prinoprotektahan. Kaya noong nagreyna si Monica ay kinailangan namin itago ang gubat na ito pagkat natakot kami na baka puntiryahin niya ang katawan ng hari ng kadiliman”

“Kami lang mga matatanda ang may alam nito, bago kami lilisan sa mundo ay ipapasa namin ang sikretong yon sa isang mas nakakabata. Kaya sa buong gubat na ito kami lang ang may alam tungkol doon” paliwanag ng tikbalang.

“Mawalang galang na po, alam niyo po ba tungkol sa libro ng mga ninuno?” tanong ni Wookie bigla at nagulat ang mga matatanda. “Iho, pano mo alam tungkol don? Wala pang nakakabasa ng librong yon dito sa gubat” sagot ng matandang mambabarang.

“Lolo ko po nabasa na niya, dala po namin ang bangkay niya at nais ko siya malibing dito. Pero kalahati lang nabasa niya. Pero may isa pa kaming kasama na nabasa niya lahat ng libro. Pinarusahan siya para doon kaya siya ang ginawang taga bantay ng templo ng mga libro ng kapangyarihan” dagdag ni Wookie.

“Di kami makapaniwala pati yon alam niyo” sabi ng tikbalang. “Teka sabi niyo kasama niyo? Ibig sabihin nakuha ang mga libro ng kapangyarihan!” sabi ng matandang dwende. “Pano nangyari ito? Yang ang sikretong hindi namin alam. Oo alam namin na meron yung mga libro at may templo pero kung saan ito hindi namin alam” sabi ng matandang kapre.

“E alam niyo din ba tungkol sa libro ng kadiliman?” tanong ni Wookie. “Oo alam namin tungkol don, nakatago din ata yon sa templo” sabi ng matandang diwata. Nagtipon ang mga kasama ni Nella at nagbulongan. “Totoo ang sinasabi nila, hindi na natin kailangan ipaalam sa kanila ang buong pangyayari” bulong ng mambabarang kaya muli sila humarap at mula sa puno pinatawag ni Wookie si Berto.

“Nais namin ipakilala sa inyo si Berto, ang taga bantay sa templo. Siya ang nakabasa ng libro ng mga ninuno at nandito siya para gabayan din tayo” pakilala ni Wookie. “Wag kayong mag alala ligtas ang mga libro ng kapangyarihan, tanging libro ng kadiliman ang nakuha” sabi ni Berto.

“Nabasa mo ang libro ng mga ninuno. Malamang nabasa mo na pano magwawakas ang lahat. Sabihin mo sa amin pano para makapaghanda tayo” sabi ng isang matandang nilalang.

Pumagitna si Berto at tinignan muna sina Nella, Wookie, Anhica at Tuti. “Ayon sa nabasa ko magiging madugo ang laban. Ayaw ko sana sabihin ito pero…” putol ni Berto at biglang kinabahan sina Nella.

“Madami tayo kailangan isakripisyong buhay pero sa huli magtatagumpay tayo” sabi ng multo at nakahinga ng maluwang ang mga matatandang nilalang. “Pero hindi magiging madali sinasabi ko na sa inyo” dagdag ni Berto. “Oo alam namin at maghahanda tayo para diyan” sabi ng matandang tikbalang.

Napangiti si Nella at Wookie pagkat nagsinungaling para sa kanila si Berto. “At tama kayo…mahalaga ang gubat na iyo” sabi ni Berto at muling napatingin sa kanya ang lahat.

“Pagkat dito sa gubat na ito kakalat ang dugo, madaming buhay ang mabubuwis…dito sa gubat na ito magaganap ang pagtuos ng hari ng kadiliman laban sa pwersa ng liwanag!”


( Join our Facebook page, CLICK HERE )