sk6

Tuesday, January 19, 2010

Twinkle Twinkle 2: Bagong Delubyo Chapter 15: Motibo

Twinkle Twinkle 2: Bagong Delubyo

by Paul Diaz



Chapter 15: Motibo

Agad pumorma si Tuti at Anhica, mabilis nagpakawala ng mga espiritu ang maglolong mambabarang. “Wag kayong lalapit! Hindi namin napuruan ang puso niya pero pag pumalag kayo tutuluyan ko siya!!!” sigaw ni Yailda nang naglabas ulit siya ng isa pang matalim na kahoy at tinapat sa puso ni Paulito.

“Yailda!!! Sakim ka!!! Pakawalan mo siya!!!” sigaw ni Wakiz. “Sinabi kong wag kayong lalapit!!! Wala ako balak patayin ang sugo, gusto ko lang makuha ang dugo niya” paliwanag ng bruha nang idiin pa niya ang isang kahoy niya sa dibdib ng bampira.

Walang magawa ang iba kaya nagpaatras sila, yung dalawang bruha sa likod ng bampira naglabas ng isang gintong lalagyan at kumuha ng dugo ni Paulito. “Pupunuin lang namin ito tapos papakawalan namin siya” sabi ni Yailda.

Mula sa puno may nadinig silang nagkiskisan na parang mga bakal, napatingala si Tuti at siniko siya ni Wookie at binulungan. “Wag mo na pansinin” sabi niya. Mula sa dilim nagsilabasan ang ibang kampo ng kadiliman, pinalibutan nila ang mga kaibigan ni Paulito at lahat napatingin kay Wakiz.

“Tanda, ibigay mo na sa amin ang huling diyamante” sabi ni Raika pero pinalibutan nina Wookie, Tuti at Anhica ang matandang mambabarang. “Tulad ng sinabi ko patayin niyo muna ako bago niyo makuha!” sagot ni Wakiz.

“Tanda, wala kang magagawa pag tinawag ng limang diyamante ang panghuli!” sigaw ng isang boses at mula sa dilim nagpakita si Ikaryo na hawak ang limang diyamante. Nagliyab ang limang diyamante at biglang hinihila ang katawan ni Wakiz. Humawak sina Tuti at Wookie sa matanda para hindi ito tuluyan mapunta kay Ikaryo.

“Wala kang magagawa tanda, tinatawag na ng mga diyamante ang pang huli” sabi ni Ikaryo at mula sa dibdib ni Wakiz ay may kuminang, napunit ang balat niya at isang diyamante ang lumabas at agad lumapit sa mga kamay ni Ikaryo. “Pigilan niyo siya!!!” sigaw ng matanda pero huli na ang lahat.

Nagsama na ang anim na diyamante sa kamay ni Ikaryo, biglang dumilim ang buong gubat. “Ikaryo! Anong nangyayari?!!!” tanong ni Tikyo. Bago makasagot si Ikaryo ay may maliit na liwanag ang lumitaw, dahan dahan ito lumalaki at sa loob ng liwanag ay may isang lumang libro.

Kinuha ni Ikaryo ang libro at agad namatay ang liwanag. Lumiwanag na muli ang gubat pero si Wakiz napaluhod na sa lupa at huminga ng malalim. “Ang libro ng kadiliman nasa kanila na” bigkas niya.

Agad lumapit kay Ikaryo sina Dwardo, Raika at Tikyo, lahat sila pinagmasdan ang lumang libro. “Anong nararamdaman mo Ikaryo?” tanong ng aswang. “Wala naman, di ko alam bakit?” sabi ng lalake.

“Tanga! Libro lang yan! Ang laman ng libro inaaral!” sigaw ni Yailda. Napatingin ang lahat kay Wakiz at natawa ang matanda. “Ang libro ng mambabarang matagal kong inaral. Aabutin kayo ng taon bago maaral ang lahat ng laman niyan” sabi ng matanda.

“E pano naaral ni Aneth ng mabilis ang lahat ng libro?” tanong ni Dwardo at napangiti ang bruha. “Sa ginawa nila kay Aneth hindi niyo na malalaman pagkat ramdam kong burado ang memorya niya. Itanong mo diyan sa isang bampira at sa kasama niya. Ramdam ko ang kapangyarihan nila na higit sa normal” sabi ng bruha kaya napatingin ang lahat kay Tuti.

“Hindi kho alam ang shinashabi niyo!” sabi ng bungal na bampira. “Ituturo ko sa inyo pano pero pakawalan niyo muna si Paulito” sabi ni Anhica. “Anhica bakit mo sinabi?!!!” sigaw ni Wookie at biglang tumayo si Yailda at tinignan ang dalaga.

“Anhica? Ang isang taong tala…pag sinusuwerte ka naman talaga. Nasa piling natin ang dalawang taong tala” sabi ng bruha at nagtaka yung iba. “Yailda pakawalan mo ang bampira!” utos ni Ikaryo. “Hindi pa kami tapos sa pagkuha ng dugo niya!” sagot ng bruha.

“Babae! Ituro mo na pano at papakawalan ng bruha ang bampira pagkatapos” sabi ni Dwardo. “Wala akong tiwala sa inyo, pakawalan niyo muna siya bago ko ituro! Kahit sumama pa ako sa inyo basta pakawalan niyo siya!” sagot ni Anhica.

“Ganito nalang iha, ituro mo sa kanila tapos sa amin ka sumama. Kung ayaw mo tatapusin ko na buhay ng bampira ito!” banta ni Yailda at nakapasok konti ang kahoy sa dibdib ni Paulito. Napaungol ang bampira at nanginig si Anhica, muling nakarinig ang lahat ng nagkikiskisang bakal mula sa puno kaya lahat napatingala.

“Wala akong tiwala sa inyo!!!” sigaw ni Anhica. “Kami mga bruha kaya gumawa ng sumpa. Ang isang usapan kaya namin lagyan ng sumpa at kung sino man ang sisira sa usapan agad mamatay. Sapat na ba sa iyo yon?” tanong ni Yailda.

“Sumpa? Pag hindi niyo pinakawalan si Paulito pagkatapos ko ituro mamatay kayo lahat?” tanong ng dalaga. “Kung yun ang ninanais mo pero ituturo mo sa kanila pano aralin ang libro ng mabilis at pagkatapos kailangan mo sumama sa amin” paliwanag ni Yailda.

“Naipasok mo sarili mo sa gusot iha, pero mapagkakatiwalaan sa ganyang usapang ang mga bruha” bulong ni Wakiz. “Sige! Pero pag sinabi natin lahat, lahat kayong kampon ng kadiliman na nandito ang mamamatay” sabi ni Anhica. “Kung yun ang ninanais mo” sabi ng bruha at pinasa ang kahoy sa isa pang bruha saka siya tumayo.

“Magsitayo ang lahat ng kampon, laslasin ang kamay niyo at magpapatak ng dugo sa lupa” utos ng bruha sabay pinikit niya ang mga mata niya at nagdasal. Wala magawa ang mga kampon ng kadiliman kundi sumunod sa utos, pati si Anhica nilaslas ang kamay niya at nagpatak ng dugo sa lupa.

Ilang sandali pa may nagbabagang lubid lumabas mula sa lupa at dahan dahan gumapang sa lahat ng katawan ng mga kampon ng kadiliman. Nagpaikot ang lubid sa leeg ng bawat nilalang ng kadiliman sabay sa kamay ni Anhica. Ang dulo ng lubid ng dalaga kumapit sa kamay ni Yailda at pagmulat ng mata ng bruha ay ngumiti ito. “Ayan tapos na ang sumpa. Pag di kami tumupad sa usapan ay agad kami masasakal ng pulang lubid at ikamamatay namin” sabi ng matandang bruha.

“Ano itong lubid sa kamay ko na kumapit sa iyo?” tanong ng dalaga. “Yan ay panigurado na ikaw ay sasama sa amin pagkatapos nito” paliwanag ng bruha. “Pakawalan na ang bampira, sige ituro mo na sa kanila ang nais nila. Kayong mga kampo ng kadiliman may utang kayo sa amin. Pero saka na namin sisingilin” dagdag ni Yailda.

Kinuha ni Anhica ang libro sabay nilatag sa lupa. Tinipon niya sina Ikaryo, Dwardo, Raika at Tikyo sabay pinahawak sa kanila lahat ang libro. Tumayo si Anhica at pinikit ang kanyang mga mata, nagliwanag ang libro at namangha ang apat nang mga nakasulat sa libro dahan dahan gumagapang papunta sa katawan nila.

Di gusto ni Anhica ang ginagawa niya pero paglingon niya kay Paulito ay naisip niya na nararapat lang yon. Sa likod ng diwata tumayo si Tuti at Wookie na umamaalalay sa kaniya. Ilang sandali lumipas at tumayo ang apat na nilalang ng kadiliman at tuwang tuwa sa kakaibang sigla na nararamdaman nila.

“Tapos na kami dito, tulad ng napang usapan eto ang bampira” sabi ni Yailda. Agad lumapit sina Anhica, Wookie, Wakiz at Tuti kay Paulito habang ang apat na nilalang ng kadiliman ay biglang nagpasiklab.

“Hindi ko akalain na madami pala tayo kaya gawin!!!” sabi ni Dwardo sa tuwa nang agad siya pumailalaim sa lupa. Agad lumipad sa ere si Raika at nagpakawala ng malakas na sigaw. Halos mabingi ang lahat sa lakas ng sigaw niya kasabay ng nakabibinging tawa. Si Tikyo inumbag ang isang puno at agad ito natumba at si Ikaryo mabilis na sumanib sa dilim at nawala.

“Kailangan masubukan ang bagong kapangyarihan kaya eto!!!” sigaw ni Raika at nilabas niya ang mahaba niyang dila at agad nasakal si Tuti. “Labag sa usapan yan!!!” sigaw ni Anhica at natawa ang bruha. “Hindi, wala tayong usapan na ganyan. Ang usapan lang ay papakawalan ang bampira at sasama ka sa amin” sagot ng bruha sabay tawa.

Mula sa lupa lumabas si Dwardo at inatake si Wookie. Si Tikyo agad nahawakan si Wakiz at pinag gugulpi. Sa dilim lumabas si Ikaryo at ginulo ang anino ni Anhica kaya napasigaw ito. Nagpasiklab pa ang apat na nilalang ng kadiliman at pinarusahan ang mga kaibigan ni Paulito.

“Wag niyo masyado saktan ang babae!” sigaw ni Yailda na natuwa sa kapapanood sa bagong sigla at lakas ng apat. Habang nabubugbog ang apat ay palakas ng palakas ang nadidinig nilang kiskisan na bakal mula sa puno. Napatingin si Yailda sa puno at may kakaiba siyang naramdaman.

“Itigil niyo yang ginagawa niyo!!!” sigaw ng bruha pero walang nakikinig sa kanya. Lalo pang lumakas ang ingay ng nagkikiskisang bakal at ilang sandali pa lahat ng nilalang sa gubat napaluhod at nagtakip ng tenga.

Lahat ininda ang sakit sa tenga, pati mga bruha napabagsak sa lupa. Sa taas ng puno biglang sumabog ang itim na bola at nagsiliparan ang mga paniki. Isang napakaliwanag na ilaw ang kumalat sa buong gubat kasabay ng napakalakas na sigaw.

“Anong ginawa niyo kay Paulito!!!” sigaw ni Monica. Pulang pula ang mata ng dalaga, mga buhok niya nililipad ng mainit na hangin. Ramdam ng lahat ang malakas na kapangyarihan mula sa dalaga pero ang mga bruha di makapaniwala na buhay ang alaga nila.

“Monica!!!” sigaw ni Yailda. “Sino ang gumawa niyan kay Paulito!!!?” tanong ni Monica na dahan dahan nagpababa ng puno. Agad tinuro ni Anhica ang mga bruha kaya agad humarap si Monica sa kanila.

Sa isang humpay ng kamay napalipad ang mga bruha at nagpaikot ikot sa ere. Sumugod ang apat na nilalang ng kadiliman pero mabilis nagpakawala si Monica ng pulang matatalim na ilaw mula sa kamay niya at natamaan ang apat.

“Pati sila! Sinaktan din si Paulito!” sigaw ni Wakiz. Lalong nagwala si Monica at sinugod ang apat. Nagtipon si Wookie, Anhica, Tuti at Wakiz at pinanood ang dalaga na gulpihin ang alagad ng kadiliman.

“Buhay si Monica?” tanong ni Anhica. “Vakit kakamfi na natin sha?” tanong din ni Tuti. “Mahabang kwento…” sabi ni Wakiz pero biglang nagpasabog ng malakas na kapangyarihan si Monica at lahat ng nilalang sa gubat napatapis.

Nagkalat ang katawan ng kampo ng kadiliman, pati sina Wookie napalipad sa malayo. Humarap muli si Monica sa mga bruha at sila naman ang sinugod niya. “Monica!!! Hindi mo ba ako naalala?” tanong ni Yailda pero gamit nga kamay niya nilaslas ni Monica ang dibdib ng matandang bruha.

Sinakal niya si Yailda gamit ang isang kamay sabay nilapit ang kanyang mukha. “Sinaktan mo si Paulito!!! Hindi kita mapapatawad!!!” sigaw ng dalaga at mula sa bibig niya nagpalabas siya ng apoy at tinosta ang matandang bruha.

Bago mamatay ang bruha ay inatake nina Tikyo at Raika si Monica sa likod, agad humarap sa kanila ang dalaga at sila naman ang kinawawa niya. Bagsak si Yailda sa lupa at agad siya inalalayan ng dalawang bruha.

“Punong bruha bakit ganyan si Monica?” tanong ng isa. “Hindi ko alam, nabasag ang pagkontrol natin sa utak niya. Kailangan natin umalis dito ngayon din” sabi ng ng tostadong bruha.

Nagliwanag ang katawan ng tatlong bruha sabay nawala sila. “Tinakasan na tayo ng mga bruha!!!” sigaw ni Raika. “Umalis narin tayo!!!” sigaw ni Tikyo pero muling nagpasabog ng liwanag na pula si Monica at nagsipagbagsakan ang lahat ng nilalang.

“Hindi ko kayo hahayaan makaalis!!! Papatayin ko kayo lahat!!!” sigaw ng dalaga at nahawakan niya sa ulo si Dwardo at sa diin ng paghawak at napisa ang bungo nito. Sumunod si Tikyo, binaon ni Monica at kamay niya sa puso ng tikbalang sabay hinugot ang puso ng malaking nilalang.

Natakot si Raika kaya mabilis siyang lumipad pababa at pinulot ang matalim na kahoy. Hinawakan ng aswang ng dalawang kamay ang kahoy sabay tinaas ang mga kamay sa ere. “Hoy gaga!! Panoorin mo ito!!!” sigaw ni Raika.

Paglingon ng lahat nakita nilang sinaksak ng aswang ang kahoy sa puso ni Paulito. Biglang nanigas sa ere si Monica at napasigaw ng napakalakas. Kahit mga kaibigan ni Paulito hindi na nagawang makalapit, lahat sila pinanood si Raika na ibaon pa lalo ang kahoy sa puso ng bampira.

Lumapit si Monica sa katawan ni Paulito, agad niya ito niyakap habang si Raika tumayo at tumawa ng malakas. Pagtingin ng dalaga sa bampira ay wala na itong buhay kaya lalong nanlisik ang mga mata niya sa galit.

Tinignan ni Monica si Raika at biglang nanigas sa takot ang aswang. Nagliwanag ang buong katawan ni Monica, muling napatapis ang lahat ng nilalang ng malayo maliban kay Raika na nananitiling nakatayo sa harapan niya.

Sumigaw ng malakas si Raika, mga ugat sa ulo niya nagsisilabasan. Ilang sandali pa pumutok ang mga ugat sa ulo niya at sa isang sigaw ni Monica ay tuluyan nang sumabog ang buong katawan ng aswang.

Kumalma si Monica at humagulgol habang yakap niya ang patay na katawan ni Paulito. Dahan dahan lumapit sina Wookie at Tuti pero biglang may dilaw na bolang liwanag ang pumaligid sa katawan ni Monica at Paulito.

Si Tuti puno ng luha ang mukha niya dahan dahan na tumayo sa tabi ng bola ng liwanag, si Anhica nakayuko ang ulo at tinabihan ang bunging aswang. Walang magawa ang tatlo kundi makiluksa.

Ang langit sa buong kaharian biglang nagdilim at ang tanging naririnig ng lahat ay ang hagulgol ni Monica.


(Facebook page, CLICK HERE )