sk6

Sunday, January 31, 2010

Twinkle Twinkle 2: Bagong Delubyo Chapter 24: Yanig

Twinkle Twinkle 2: Bagong Delubyo by Paul Diaz

Chapter 24: Yanig

Lahat ng matatandang nilalang nagtipon sa may batis upang panoorin ang mga alagad ng kadiliman maghasik ng lagim sa buong kaharian. “Mukhang ditto sila lahat papunta” sabi ng matandang dwende. “Oo pero lahat ng dinadaanan nila kinakawawa nila. Ano sa tingin niyo? Lumabas nalang tayo para harapin sila bago pa buong kaharian madamay” sabi ng matandang tikbalang.

“Mahirap ang gusto mo mangyari. Mas malakas tayo pag magkakasama, pag kalat kalat delikado tayo. Hayaan mo masira ang mga bahay at mga puno, kaya natin ibalik mga yan. Pero ang buhay di na natin maibabalik. Nailigtas naman na nina Nella ang lahat ng tao at yun ang mahalaga” sabi ng matandang diwata.

Sa may kweba di parin makapaniwala sina Wookie at Tuti sa nagawa ni Anhica. “Bakit mo binalik ang isipan niya?” pabulong na tanong ng mambabarang. “Hindi ko mahanap ang mga pag iisip ng mga disipulo, naisip ko pag nagising siya baka maari niyang sabihin sa atin” sagot ng dalaga. Napabuntong hininga si Wookie habang pinanood nila si Aneth na naglalakad lakad sa paligid at natutuwa sa pag amoy ng mga bulaklak.

“Pero di ganon kabilis bumalik ang tamang isip niya kaya siya ganyan. Sana bumalik na agad ang isipan niya” bulong ni Anhica. “Pero sigurado ka wala na siyang kapangyarihan diba?” tanong ng mambabarang at napasimangot ang dalaga. “Sana tama nagawa ko” sagot niya.

May sumigaw na grupo ng mga diwata kaya madami ang lumapit sa kanila sa batis. “Bakit anong nangyari?” tanong ni Wookie. Nagpalakpakan at nagsayahan ang mga diwata at tinuro ang isang palabas sa tubig. “Panalo sina Paulito pero may kasama siyang babae malakas din” sabi nila. Agad lumapit ang mga matatanda at agad sila nagalit.

“Bakit kasama ng sugo ang bruha?!!! Si Monica yan!!!” sigaw ng matandang tikbalang. “Kasama na natin si Monica at hindi na siya bruha” paliwanag ni Wookie at lahat ng matatanda tinignan siya. “Anong ibig mo sabihin? Kailan pa nangyari ito? Bakit hindi niyo sinabi agad sa amin?” tanong ng matandang dwende.

“Kasi alam naming hindi kayo maniniwala. Tignan niyo ang reaksyon niyo ngayon, ganyan ang naisip naming na iaasal niyo. Pero kailangan niyo magtiwala na kasama na natin si Monica” paliwanag ng mambabarang. “Imposible!!! Baka nagpapanggap lang yan. Hindi makakalimutan ng lahat ang kanyang nagawa!” sigaw na pagalit ng matandang diwata.

“Bakit kayo ganyan? Bakit hindi kayo naniniwala na nagbago na siya? Tandaan niyo dati siyang taga dito at kapatid siya ni Aneth!” sigaw ni Anhica at biglang lumapit si Aneth at lumuhod. Bigla niya tinuro ang tubig kung saan nakitang lumilipad ang sugo at si Monica. “Kapatid ko” bigkas niya.

Nagulat ang mga nilalang sa sinabi ni Anhica at Aneth, di sila makapaniwala na magkapatid sila maliban sa mga matatanda. “Oo magkapatid sila. Noong panahon na lumayas dito si Monica at sumanib sa mga bruha hindi na binanggit ang pangalan niya dito at hindi na siya tinuring na taga dito” paliwanag ng matandang dwende.

“Dapat lang pagkat dapat siyang ikahiya dahil sa pagpapalakas niya kay Fredatoria” dagdag ng matandang tikbalang. “Hindi siya yon. Ako ang nagbigay lakas kay Fredatoria. Pinagbintangan ko lang si Monica” biglang sabi ni Aneth at nagulat ang mga matatanda.

“Kasi naiinggit ako sa kapatid ko. Namana niya ang kapangyarihan ng punong diwata. Gusto ko sana ako pero hindi pala ganon yon. Kaya may nakilala akong matanda at tinuruan niya ako pano lumakas, madami siyang hiniling na kapalit at binigay ko naman sa kanya. Di ko akalain na siya pala si Fredatoria. Patawad po aking nagawa” sabi ni Aneth sabay tinignan ang mga matatanda at ngumiti.

Agad tinakpan ni Tuti ang bibig ni Aneth at nilayo. “Hindi totoong naglayas si Monica dito. Wala kasi gusto magpabuhay kay Paulito noon kaya siya nagtungo sa mga bruha para humingi ng tulong para buhayin siya. Ngunit mapaglinlang ang mga bruha at dahil sa pagbintang ni Aneth kaya nagrebelde na ng tuluyan si Monica” paliwanag ni Wookie at tulala lang ang mga matatanda at di sila makapaniwala sa narinig nila.

“Oo naging bruha si Monica at madami siyang nagawang masama sa kaharian pero binago na siya ng kapatid ko. Ginawa niyang bampira si Monica at at nawala narin ang pagkontrol ng mga bruha sa kanya” dagdag ni Anhica at lalong nalito ang mga matatanda.

“Kapatid mo? Si Paulito? Sandali nga!! Pinagloloko niyo ba kami?!!” galit ng matandang tikbalang pero umentrada ang matandang diwata. “Oo magkapatid sila, dalawa ang nilalang na binigay ng mga tala, nauna si Anhica at tinago naming siya. Pagbalik naming para kunin si Paulito nandon na karamihan ng mga nilalang” sabi niya.

“Kayong mga diwata talaga!!! Dapat hindi kami nagtitiwala sa inyo!!! Mga sakim!!!” sigaw ng matandang dwende at biglang pumorma. “Hindi ngayon ang oras para magbangayan! May hinaharap tayong matinding kalaban! Kailangan natin magkaisa!” sigaw ni Anhica. “Pano pa kami magtitiwala sa mga diwata?” tanong ng matandang tikbalang at pati siya pumorma na.

Biglang yumanig ang lupa at nagsigawan ang mga nilalang na nanonood sa batis. “Nandito na sila!!!” sigaw nila. Lahat napatakbo sa batis at nakita nila ang mga higanteng taong apoy at lupa na sinusubukan gibain ang mahiwagang liwanag na nakapalibot sa gubat.

Nagkagulo sa loob ng gubat at lahat naghanda, agad tumakbo si Anhica sa gitna ng batis at pinalayo ang ibang nilalang. “Ano gagawin mo? Wala na tayong oras, lahat ng kayang lumaban dapat kumalat na sa palibot ng gubat pagkat din a magtatagal ang liwanag na prumropotekta sa atin!!!” sigaw ng matandang diwata.

Hindi nakinig si Anhica, pinikit niya ang kanyang mga mata at biglang kumulo ang tubig ng batis. Nagliwanag ang buong katawan ng dalaga at sa likod niya nagpataas ang tubig at may dalawang higanteng taong tubig ang nahulma. Lahat nabighani sa nagawa ng dalaga at ang mga matatanda muling natulala.

“Naalala ko ang ganyang kapangyarihan…ganyan ang kapangyarihan ng punong diwata noon!” sabi ng matandang tikbalang habang pinanood nila ang dalawang higante na maglakad papunta sa dulo ng gubat.

“Hindi ito oras para matulala at mabighani, mas madami pa kayong makikita na kakaiba kaya mamaya na ang kwentuhan…oras na para lumaban!” sigaw ni Wookie at nagpakawala siya ng isang daan na espiritung mandirigma.

Nabasag ang liwanag at may mga itim na nilalang ang nakapasok sa butas. Agad sila sinalubong ng mga mandirigmang dwende at diwata at ilang saglit pa tuluyan nang gumuho ang liwanag at nakapasok na ang mga higante.

Libo libong mga itim na nilalang ang nagsidatingan mula sa ere at lahat ng nilalang ng gubat naging abala sa paglaban. “Masyado sila madami!!! Kailangan natin tumawag ng tulong mula sa ibang gubat!” sigaw ng isang diwatang mandirigma.

Agad nagtungo sa batis ang isang diwata at tinignan ang kalagayan ng ibang gubat. “Wala umaatake sa kanila! Dito talaga papunta ang lahat!” sigaw niya. “Dalian mo magtawag ka ng tulong!! Hindi natin kakayanin ito sa kalagayan natin!” sabi ng matandang tikbalang.

Agad nagtungo si Anhica sa pinakamalaking puno ng gubat kasa ang ibang diwata. Lahat sila binaon ang kamay nila sa mga ugat ng puno at nagpadala ng mensahe ng tulong sa ibang mga gubat.

Ang mga higanteng taong apoy nakipagbakbakan sa mga higanteng taong tubig. Mabilis nalusaw ang mga higanteng lupa pero napalitan sila ng mga taong lupa na mandirigma. Nagpaapoy ang dalawang higante pero kinontra ito ng mga higanteng taong tubig. Mula sa katawan ng mga alaga ni Anhica naglabas sila ng espadang gawa sa yelo at agad pinuksa ang mga apoy ng dalawang higante.

Nagsaya ang mga mandirigma ng gubat nang nakita nilang nawala na ang mga higanteng taong apoy. Pero hindi nagtagal ang saya nila pagkat dumating ang mga higanteng ahas at agad pinalibutan ang mga higanteng taong tubig.

Sa kweba tinago ni Tuti si Aneth, biglang nagbago ng anyo ang bunging bampira at naglabasan ang mga ngipin niya. “Dito ka lang, wag kang lalabas dito. Kailangan nila ako sa laban” sabi niya. “Kasalanan ko lahat ito ano?” tanong ni Aneth at niyuko niya ulo niya.

“Oo pero wag mo na problemahin, mananalo tayo” sabi ni Tuti at hinaplos ang likod ng diwata. “Masamang nilalang ako ano?” hirit ni Aneth at lumuhod ang bampira sa harapan niya. “Siguro noon, pero pwede ka naman magbago. Hindi pa huli ang lahat. Wag kang mag alala tutulong ako sa laban para mas malaki tsansa ng pagkapanalo at para malaki ang tsansa na magkaroon ka ng kinabukasan para magbago. Wag ka na malungkot Aneth, sige kailangan na talaga ako sa labas” sabi ni Tuti. Huminga ng malalim ang diwata at pinagmasdan ang mga kamay niya, “Tuti…gusto ko magbago…bigyan niyo ako ng tsansa para makapagbago” hiling ni Aneth at nginitian siya ng bampira.

Ang daan daan na itim na nilalang biglang nagsibagsakan sa lupa, mga mandirigma ng gubat nagugulat pagkat wala naman sila ginagawa. May isang mandirigma ang sasaksakin na sana ng isang aswang pero biglang lumitaw si Tuti at naunahan ito. Nabilib ang mga mandirigma sa bampira at lalo silang namangha nang mabilis ito gumalaw at kay daming kalaban ang napatay.

Ginanahan ang mga mandirigma kaya todo bigay sila sa pagpapalabas ng kapangyarihan para mapuksa ang pwersa ng kadiliman. Mula sa ere may mga nilalang na lumilipad na paparating kaya natakot muli ang lahat sa dami nila. “Ang dami nila!!!” sigaw ni Wookie.

“Relax pare, tinawag ko sila…sugod mga bampira!!!” sigaw ni Tuti at ang mga bampira nakinig sa Ultimo bampira at tumulong na sa gera. Natuwa ang mga matatanda at halos naiiyak sila nang makita nila ang mga bampira. “Ganito din noon, lahat ng nilalang nagsama sama” sabi ng matandang dwende. “Tara na! Tulong na tayo, pakita natin na kahit uugod ugod tayo may kapangyarihan parin tayo!!!” sigaw ng matandang tikbalang at nakisali narin ang mga matatanda sa gulo.

Ilang oras nagtagal ang labanan, mga bampira, tikbalang, kapre at dwende ang humarap sa mga itim na nilalang habang ang mga diwata naging abala sa pagpapagaling ng mga nasugatan. Parang hindi nauubos ang mga kalaban, pagod na ang mga mandirigma pero nabuhayan sila nang dumating na ang mga mandirigma galing sa ibang gubat.

Lalo pa sila ginanahan lumaban nang nakita nila si Nella na nagbalik para maki isa sa kanila. Parang nasaniban ang mga mandirigma ng liwanag, mas lalo sila naging mabangis at matapang. Isang oras ang lumipas at isang itim na nilalang nalang ang natira, tumalon sa ere si Nella hawak ang espada ni Paulito. Buong pwersa niya nilaslas ang itim na nilalang.

Pinunasan ng reyna ang dugo sa kanyang pisngi sabay tinaas ang espada. Nagsigawan at nagsayahan ang lahat ng nilalang sa gubat at sinigaw ang pangalan ni Nella. May mga diwata na lumapit sa reyna at agad hinilom ang mga sugat niya, habang nagpapahinga at nagsasaya ang karamihan biglang dumilim ang lupa.

Lahat napatingin sa langit at wala naman silang makitang nilalang na lumilipad. Muli sila napatingin sa lupa at dahan dahan nasasakop ng itim na anino ang buong gubat. “Anong nangyayari?” tanong ni Nella.

Bago pa may makasagot biglang tumapis ang mga diwata sa tabi ng reyna. Mula sa anino lumabas ang hari ng kadiliman at agad niyakap si Nella at binaon ang kamay nito sa dibdib ng dalaga. Napasigaw ng malakas ang reyna, walang nilalang ang makalapit pagkat mga paa nila hinawakan ng mga anino.

Si Tuti sinubukan makapiglas ngunit bumagsak lang siya sa lupa. Si Wookie at Anhica wala din magawa kundi mapaluha pagkat pinanood nilang si Nella mawalan ng malay sa kamay ng hari ng kadiliman.

“Nahulog kayo sa aking bitag!!!” sigaw ng hari sabay tumawa. “Kailangan ng dugo ng mga nilalang pumatak dito sa gubat at dugo ng taong naghahari sa kaharian para matanggal ang sumpa. Sumpa na iniwan ng mga tumalo sa akin noon para hindi ganon kadali mahanap ang tunay kong katawan” sigaw ng hari.

Lahat napatingin kay Nella at nilabas ng hari ang kamay niya at pinatulo ang dugo ng dalaga sa lupa. Biglang yumanig ang lupa at mula sa gitna ng gubat gumuho ang lupa at lumakas ang tawa ng hari.

Binitawan ng hari ang katawan ni Nella, ang anino sa buong paligid biglang nawala kaya nakagalaw na ulit ang lahat. Mabilis gumalaw si Tuti at kinuha ang katawan ng reyna at agad nilayo. Natawa ang hari at nagsimula maglakad papunta sa gitna ng gubat pero bigla siyang hinarang ni Wookie at ni Anhica.

“Ano to? Akala niyo kaya niyo ako pigilan?” tanong ng hari at muling natawa. Lahat ng nilalang nagtipon sa likod ng dalawa, “Kailangan mo kami harapin lahat!!!” sigaw ni Wookie.

“Mga peste!!! Talagang sinusubukan niyo ako…bweno…eto tikman niyo ang kapangyarihan ko!!!” sigaw ng hari. Lumipad siya sa ere at binuklat ang dalawang kamay niya, mainit na hangin ang bumalot sa gubat at ang mga namatay na itim na nilalang muling nabuhay.

Mula sa lupa mas madami pang mga kalaban ang lumabas at muling yumanig ang lupa dahil sa libo libong mga itim na nilalang na pasugod sa gubat.

“Gusto ko sana ako mismo ang papaslang sa inyong lahat ngunit sayang lang ang aking lakas para sa mga kutong lupa na tulad niyo. Kaya eto ipakita niyo sa akin na karapat dapat ko kayong harapin”

Mula sa katawan ng hari naglabasan ang ilang daang mga itim na espiritu at anino, tumawa ng malakas ang hari at tinuro ang mga mandirigma ng gubat.

“Kampon ng kadiliman!!! Wag kayong magtitira ni abo!!!”