Twinkle Twinkle 2: Bagong Delubyo
by Paul Diaz
by Paul Diaz
Chapter 11: Huling Diyamante
Sa gubat ng mga dwende tahimik ang paligid, mga hayop masayang nagtitipon sa may ilog. Biglang humangin ng malakas at nagliwanag ang paligid, dilaw na ilaw bumulag sa mga hayop kaya nagsipagtakbuhan sila lahat.
Paghupa ng ilaw ay nakatayo ang madaming nilalang na pinamumunuan ng punong diwata. “Mga disipulo! Kumalat kayo at siguraduhin na walang makakalapit” utos ni Aneth. “Mukhang mahihirapan tayo maghanap nung diyamante. Di tulad nung iba simple lang ang pinagtaguan. Dito sa gubat ng dwende masyado malawak, di natin alam kung nasa loob siya ng isang puno…pero masyado madaming puno” sabi ni Ikaryo.
“Edi putulin lahat. Ganon kadali yon. Pero sa tingin ko di gagawin yon ng mga dwende. Parang hinihila ako ng apat na diyamante palapit sa ilog” sabi ng diwata. Nilabas ni Aneth ang apat na diyamanteng nahanap nila, tinapat niya kamay niya sa ilog at nagbabaga ang mga ito. “Gusto talaga ng mga diyamante na magsama sama sila” bulong niya.
“Ayaw ko lumusong sa ilog!” sabi ni Ikaryo. “Tado! Hindi mo naman makukuha ang diyamante. Tanging ako lang ang pwede kumuha diyan at ayaw ko din mabasa” sagot ni Aneth. “O pano mo kukunin ang diyamante pag di ka papasok sa ilog?” tanong ng lalake.
“Bobo ka talaga, sino ba ang kausap mo? Di mo ba alam mala diyosa na ako” sabi ni Aneth sabay tumawa ng malakas. Tumayo si Aneth sa paanan ng ilog. Tinaas niya ang dalawang kamay niya at nagbulong ng dasal.
Nagliparan palayo ang mga ibon, muling dumagsa ang malakas na hangin sa paligid. Mga dahon ng puno sa damuhan tinipon ng isang ipo ipo at nagtungo sa diwata. Buong katawan ni Aneth pinaikutan ng mga nagliliparang dahon, ilang saglit pati na mga maliliit na bato sumabay na sa mga dahon.
Si Ikaryo nagtago sa likod ng puno, mga disipulo kumapit din sa mga puno pagkat pati sila nasususop ng malakas na hangin. Hinarap ni Aneth ang isang kamay niya at doon sumugod ang ipo ipo na nagpapaikot sa kanya. Ang tubig ng ilog biglang nahati sa gitna, may lumitaw na kumikislap na diyamante sa gitna ng ilog kaya lalo pang hiniwalay ni Aneth ang tubig.
Nagkaroon na ng isang daan papunta sa diyamante, ang tubig ng ilog nagmistulang dalawang matataas na dingding nalang. Naglakad si Aneth papunta sa gitna ng ilog, pinulot niya ang diyamante at biglang yumanig ang lupa.
Pabalik na sana ang diwata pero may espiritung nagpakita sa harapan niya. “Hindi ko alam sino ka, pero bibigyan kita ng babala. Wag mong pagtagpuin ang anim na diyamante” sabi ng espiritu. “Sino ka?! Umalis ka sa harapan ko at padaanin ako!” sumbat ni Aneth.
“Ako ay isang espiritu, tagabigay ng babala kung sakaling matagpuan at mapagsama ang limang diyamante. Wag mo nang hanapin pa ang ika anim na diyamante. Ibalik mo nalang ang lima sa pinagkunan mo” sabi ng espiritu.
“Bakit ano ba mangyayari pag nahanap ko ang anim?” tanong ni Aneth. “Hindi maganda kung magsama ang anim na bato. Bitawan mo na yang isa saka isoli ang iba. Pag hindi mo mabitawan yan agad hindi mo na kailangan hanapin ang pang anim, kusa kang dadalhin doon ng limang diyamante. Wala akong kapangyarihan para pigilan ka, pero akoy nabigyan kapangyarihan para ipakita sa iyo ang maaring maganap” sabi ng espiritu sabay mabilis siyang sumanib sa diwata.
Napaluhod sa lupa si Aneth at nanigas ang buong katawan. Mulat na mulat ang mga mata niya at mga luha tumulo sa pisngi niya. Nanginig ang katawan ng diwata, natatakot lumapit ang mga alagad niya pero si Ikaryo mabilis na sumugod at nilapitan siya.
“Aneth!!!” sigaw ng lalake sabay niyuga ang katawan ng diwata. Nabitawan ni Aneth ang limang diyamante at nagsisigaw. Mabilis na kinuha ni Ikaryo ang limang diyamante sabay binulsa, mula sa isang kamay kinalat niya sa lupa ang pekeng mga diyamante.
“Aneth!!! Anong nangyayari sa iyo?!!!” sigaw ni Ikaryo at biglang yumakap sa kanya ang diwata. “Isoli na natin ang mga diyamante” sabi ni Aneth sa nanginginig na boses. “Bakit ano bang nakita mo?” tanong ni Ikaryo.
“Hindi maganda. Ayaw ko ng ganon. Ikaryo isoli na natin ang mga diyamante” sagot ng diwata. “Ano nga nakita mo?” tanong ng lalake. “Ang hari ng kadiliman…at pagkamatay ko” bigkas ni Aneth sabay nagluha muli. “Tumigil ka nga! Tignan mo nga ang pinagsasabi mo! Tinatakot ka lang ng espiritung yan! Malamang gawa gawa yan ng mga ninuno. Sa tingin mo bakit nila gagawin yan? Ha? May tinatago sila!” sigaw ni Ikaryo.
“Pero ramdam ko na totoo lahat ng nakita ko. Ramdam ko ang bangis at kapangyarihan niya. Ramdam ko ang pagkamatay ko at ayaw ko non!” bawi ni Aneth. “Sira ulo ka! Tinatakot ka lang niyan! Labanan mo! Akala ko ba makapangyarihan ka na? Magpapatakot ka sa ganyan? May tinatago ang mga ninuno na ayaw nila makamtan ng iba. Yan siguro ang isang estilo nila para takutin ang sino man malapit nang magtagumpay” sabi ni Ikaryo.
Napayuko ang diwata at huminga ng malalim, “Tinatakot lang ako?” bulong niya. “Oo Aneth. Mag isip ka nga mabuti. Tignan mo yung mga libro, nabantayan ng maigi at di madali makuha. Nagsakripisyo ka ng madami para makamtan ang kapangyarihan nila. Malamang mas malaki ang nakatago sa mysterio ng mga diyamante. Isang pagsubok ito malamang para madismaya ka sa pagpapatuloy ng pagbuo ng anim” paliwanag ni Ikaryo.
“Pagsubok? Tama ka, ginugulo lang nila ang utak ko para di na ako magtuloy. Nakuha na natin ang lima kaya…tama ka…tama ka…” bulong ng diwata sabay unti unti natatawa. “Pag ako may importanteng tinatago, at nakita ko may isang malapit nang makatuklas dito. Gagawin ko lahat para linlangin siya, ganon din naman gagawin mo diba? Ganon ang ginagawa ng lahat, pati na mga ninuno. Isang pagsubok lang ito Aneth. Magpapatalo ka?” bulong ni Ikaryo.
“Hindi! Ikaryo ang espiritu!” sigaw ni Aneth at mabilis humawak sa noo ng diwata ang lalake. “Konting lakas mo Aneth” sabi ni Ikaryo at humawak ang diwata sa dibdib ng lalake. Nagdasal konti si Ikaryo at ilang sandal napalabas niya ang espiritu. Bago pa makapagsalita ang espiritu at panibagong dasal ang nagawa ni Ikaryo at tuluyan nang nalusaw ang espiritu.
“Ikaryo…salamat. Kung wala ka hindi ko na alam ano nagawa ko” sabi ni Aneth. “Sabi ko naman sa iyo ikaw na ang pagsisilbihan ko. Siguro naman wala ka nang duda sa akin” sabi ng lalake. “Oo, bumalik tayo sa palasyo para magpahinga. Kung hahayaan natin ang mga limang diyamante para mahanap ang pang anim baka matatagalan tayo. Kailangan natin yung mapa, kahit kulang matatantya natin kung nasan yung pang anim. At pag nandon na tayo bahala na yung limang bato para mahanap siya” sabi ni Aneth.
Nakabalik sila sa palasyo, pagod na pagod ang diwata kaya nagpasya na matulog muna. Si Ikaryo nagtago sa dilim at nagdasal. Isang anino ang kumalas sa katawan niya sabay mabilis naglakbay palayo ng palasyo.
Sa ibang bahagi ng kaharian nagtipon tipon ang mga kampon ng dilim. Tatlong matatandang bruha ang kumakain habang ang ibang nilalang takot na takot sa kanila. “Punong bruha, naniniwala na ba kayo sa amin?” tanong ni Raika.
“Bakit parang ang bait niyo sa amin? Natatakot ba kayo baka magaya kayo kay Berkas?” tanong ni Yailda. Napatingin ang ibang nilalang sa isang kalansay sa tabi ng mga bruha, mga tira ng bampirang si Berkas. “Oo, wala kaming kapangyarihan, kayo meron. Pinakawalan namin kayo, binigay namin sa inyo si Berkas. Binigay pa namin sa inyo ang propesya…kailangan namin ang tulong niyo” sabi ni Tikyo.
“Sinasabi niyo bang wala kayong kinalaman sa pagkakulong namin sa kwebang yan?” tanong ni Yailda. “Wala! Kahit basahin mo utak namin. Lahat ito pakana ni Berkas. Tutol kami noon sa kanya pero naunahan na kami” sagot ni Dwardo.
“Yang kwebang pinagkulungan niyo sa amin, kakaiba yan. Di namin magamit ang kapangyarihan namin sa loob. Pano niyo nagawa yon? Hindi pangkaraniwang kaalaman yan para sa mga tulad niyo” sabi ng bruha.
“Si Berkas, pinaamo niya ang isang kasama niyo. Siya ang nagturo pano gawin ang kwebang yan. Pagkatapos niya mabuo ang kweba ay agad siya pinatay ni Berkas” paliwanag ni Raika.
“Bakit namin kayo tutulungan? Ano pa ang pwede niyong maibigay? Hindi kami tumatanaw ng utang na loob. Pinakawalan niyo kami, inalay niyo si Berkas at ang propesya pero sapat lang yon para patawarin namin kayo. Ano pang maibibigay niyo sa amin para tulungan namin kayo?” sabi ng matandang bruha.
Tahimik ang mga nilalang pagkat wala na sila maisip na pwede ibigay kapalit sa pagtulong ng mga bruha. Ilang sandali pa ay may naglalakbay na anino na napansin ng mga bruha. “Nagsisinungaling ba kayo?!!” tanong ni Yailda.
“Hindi! Anino ni Ikaryo yan! Siya lang ang natira sa amin na may kapangyarihan. Sandali malamang mensahe ito” sabi ni Raika na agad tumayo malapit sa liwanag. Sumanib ang anino ni Ikaryo sa anino ng aswang, naupo muli si Raika at napangiti.
“Malapit na tayo magtagumpay. Nakuha na ni Ikaryo ang limang diyamante. Kailangan pa niya si Aneth para makuha ang pang anim. Magtungo daw tayo sa kweba sa may paanan ng bundok ng Asura. Doon daw nakatago ang pang anim” sabi ni Raika sa mga kasama niya.
“Aneth? Parang pamilyar ang pangalan niya” sabi ni Yailda at biglang may naisip si Dwardo. “Yailda, tama ka. Si Aneth ay ang punong diwata. Galit na galit siya sa mga bruha kaya mismong kapatid niya pinatay niya…kilala niyo ata si Monica” sabi ng tiyanak.
“Pinatay niya si Monica?!!!” tanong ni Yailda. “Oo, ganon na nga” sabi ng tiyanak at galit na galit ang punong bruha. “Sige! Tutulungan namin kayo basta wag niyong gagalawin si Aneth! Amin siya!” sigaw ng matanda.
“Pero Yailda, kailangan mo malaman na si Aneth ay makapangyarihan na. Nabasa niya at naaral ang lahat ng libro ng kapangyarihan” sabi ni Tikyo. “Mas maganda! Pero mali kayo, hindi lahat ng libro naaral niya. Kaya niyo nga binubuo ang mga diyamante para makuha ang libro ng kadiliman diba?” sabi ng bruha.
Tahimik ang mga nilalang at natawa ang mga bruha. “Wag kayong mag alala wala kami pakialam sa mga librong yan. Gusto lang namin si Aneth. Mukhang mahihirapan tayo kaya may iaalok kami sa inyo. Sigurado ko hindi niyo tatanggihan, kapalit siguraduhin niyo lang na sa amin si Aneth at pagkatapos ng lahat iiwanan niyo kaming mga bruha sa tahimik” alok ni Yailda.
“Sige! Kahit gumawa tayo ng kasunduan ng dugo ngayon din” sagot ni Raika. “Hindi na kailangan yan. Ibabalik namin ang kapangyarihan niyo pati mga alagad niyo. Sa inyo na ang mga libro basta amin ang diwatang pumaslang sa alaga namin” sabi ng matanda at nagtuwa ang mga nilalang.
Kinabukasan sa palasyo, pinagmamasdan ni Aneth ang mga diyamante. Si Ikaryo agad lumabas sa dilim at lumapit sa diwata. “Habang natutulog ka pinagmasdan ko ang mapa. Alam ko na saang lugar maaring nakatago ang pang anim” sabi niya.
“Saan? Sigurado ka?” tanong ni Aneth. “Oo, sa paanan ng bundok ng Asura. Tinitignan ko ang kulang sa mapa. Malawak na lugar yon pero doon sa bundok ng Asura may kweba don. Malamang doon nakatago ang pang anim” paliwanag ni Ikaryo.
“Mahusay. Teka may utang pa pala ako sa iyo. Ihanda mo sarili mo para pagtanggap ng kapangyarihan ng mga anino” sabi ng diwata at natuwa si Ikaryo. Lumuhod na ang lalake sa sahig at pinatong ang kamay sa libro ng mga anino, papalapit na ang diwata nang may sumanib na anino kay Ikaryo.
“Handa ka na ba?” tanong ni Aneth. Napapikit si Ikaryo at niyuko ang ulo niya. Pagkatapos masagap ang balita ng anino niya ay lumayo si Ikaryo sa libro at tumayo. “Aneth, wag nalang. Hindi ko na kailangan yan” sabi niya.
“Ano?!!! Tinatanggihan mo ang kapangyarihan?” tanong ng diwata at medyo natakot at kinabahan si Ikaryo. “Hindi mo naiintindihan. Handa ako manilbihan sa iyo na ganito lang ako. Aanhin ko ang kapangyarihan na yan pag meron ka. Kaya pag nagtagumpay ka Aneth, sige doon mo nalang ako biyayaan ng kapangyarihan na yan” paliwanag ng lalake.
“Ano kadramahan yan?” tanong ni Aneth. “Para patunayan ko sa iyo na maglilingkod ako sa iyo kahit ganito lang ako. Kung nagtagumpay ka at nais mo ako biyayaan pa ng kapangyarihan na yan sige hindi na ako tatanggi. Pero sa ngayon gusto ko ipakita sa iyo na kahit ganito ay tapat akong maglilingkod” sabi ni Ikaryo.
“Parang may iba kang binabalak? Parang nararamdaman ko na sa huli ay di lang kapangyarihan ng mga anino ang ninanais mo?” sabi ni Aneth. “Punong diwata makapangyarihan ka na, kaya mo basahin ang nilalaman ng utak ko” sabi ni Ikaryo na lumuhod sa harapan ng diwata.
“Sige, gamitin mo kapangyarihan mo. Basahin mo ang pag iisip ko para mapatunayan ko sa iyo na ako ay tapat at walang hinahangad na iba. Sige basahin mo ako” dagdag ng lakake at tinitigan siya ng diwata. “Hindi na kailangan, napatunayan mo na sarili mo sa akin. Sa pagtagumpay ko ikaw ang magiging kanang kamay ko, ayos ba sa iyo yon Ikaryo?” sabi ni Aneth.
Niyuko ni Ikaryo ang ulo niya at napangisi.
“Tapat akong maglilingkod sa iyo diwata”
(Join our Facebook discussion, CLICK HERE )