sk6

Sunday, January 31, 2010

Twinkle Twinkle 2: Bagong Delubyo Epilogue

Twinkle Twinkle 2: Bagong Delubyo
by Paul Diaz

Epilogue

Isang maaliwalas na umaga sa harapan ng palasyo. Nagtipon ang maraming tao at nilalang para makinig sa mensahe ng reyna. Nakatayo si Nella sa entablado at sa harapan niya ay si Bombayno. “Sige magsalita ka lang, ako bahala. Maririnig ka ng buong kaharian” sabi ng bampira. “Sigurado ka?” tanong ni Nella at ngumiti si Bombayno.

“Magandang Umaga Plurklandia!!” sabi ni Nella at dumagundong ang boses ng reyna sa buong kaharian na kinabilib ng lahat.

“Tayo ay nabiyayaan ng bagong umaga. Bilang Reyna ng kaharian…at napiling Reyna ng mga nilalang…nais ko magtalaga ng pagbabago! Pagbabago para sa kinabukasan nating lahat para sa ikauunlad ng ating kaharian”

“Una sa lahat para sa mga tao…hindi na natin iaasa lang ang pangangalaga sa kalikasan sa mga nilalang. Kailangan natin tumulong. Para sa mga nilalang naman…ninanais kong magbati na ang nilalang ng liwanag at mga nilalang ng kadiliman. Mula ngayon iisa nalang kayo at kung may susuway…” sabi ni Nella sabay lumingon siya sa likuran niya kung saan nakatayo ang ibang mga disipulo. “Mananagot kayo sa kanila”

“Hindi ako nagbabanta, ayaw ko na makarinig at makakita ng mga nilalang na naglalaban laban para sa kapangyarihan. Gusto ko kapayapaan ang manaig sa ating kaharian para sa ikabubuti ng lahat”

“Alam ko magkakaroon parin ng bangayan at di pagkakaunawaan pero normal lang yon. Lahat nadadaan sa usapan at hindi sa pagpapasiklab ng kapangyarihan. Dahil sa tiwalang binigay niyo sa akin bilang reyna ng buong kaharian ay aaminin ko na di ko kaya gampanan ito mag isa. Kailangan ko ang tulong niyong lahat…tao at nilalang”

“Magtatayo ako ng konseho ng makakapangyarihan para bantayan ang lahat ng may kapangyarihan. Sila ang mamamahala kung may magmamalabis o mananamantala, lahat ng mahuhuli agad matatanggalan ng kapangyarihan. Trabaho din nila magmasid para malaman kung may kakaibang pwersa ulit na nabubuo dito sa kaharian upang maagapan natin lahat. Tama na ang pagpapalakas, tama na ang laban dahil sa kapangyarihan!”

“At isa pa…tinatanggal ko na ang batas na nagsasaad na ang tao ay sa tao at nilalang ay sa nilalang!!” sabi ni Nella at inabot niya ang kamay niya at nagpaharap si Tuti at naghawakan sila ng kamay.

Nagpalakpakan ang lahat ng tao at nilalang at tinukso ang dalawa sa entablado. “Sabihin niyo na makasarili ako pero sigurado ko madami din naman sa inyo ang patagong nagmamahal…tao at nilalang…ngayon di niyo na kailangan magtago. Di natin pwede hadlangan ang pagmamahalan!!!” dagdag ng reyna at lalo pang nagpalakpakan ang lahat.

“Kapayapaan at Pagmamahal ang mamumuno sa Plurklandia!!!”

Kinagabihan non sa mahiwagang gubat magsisimula na ang seremonya para maghalal ng mga bagong pinuno. Nakatayo sa gitna ng gubat si Nella at ang mga matatandang mga nilalang para mabasbasan ang mga mapipili. Madaming nilalang ang nagtipon kasama narin ang mga tao na unang beses lang mapayagan makapasok sa gubat.

“Dahil sa pinakitang niyang kagitingan at sakripisyo, napagpasyahan naming lahat kasama narin ng lahat ng bampira na si Tutilous ang mahalal na punong bampira” bigkas ng matandang bampira at agad nagsaya ang mga disipulo pero si Tuti halos nanigas at napanganga.

“Bossing bakit ako? Dapat ikaw” sabi ni Tuti. “Kaibigan ikaw ang nararapat. Nagsimula ka saw ala at pinatunayan mo na lalaban ka kahit wala kang kapangyarihan. Ngayon na ikaw ang ultimo bampira alam kong hindi ka magmamalabis dahil bukal sa puso mo ang kabaitan. Mamuno ka ng tapat at maayos Tuti” sagot ni Paulito at niyakap ang kaibigan niya.

Tinulak ng mga disipulo si Tuti patungo sa gitna para mabasbasan. Nagsagawa ng konting dasal ang mga matatanda at may mga ugat mula sa lupa at bumalot sa paa saglit ng bampira para makilala. Pagbalik ng mga ugat sa lupa nagsimula na ang palakpakan at sigawan ng mga bampira at mga disipulo.

Humarap ang matandang diwata at nagsimulang magsalita. “Ang napagpasyahan naming maging punong diwata ay maaring di niyo matatanggap kaya hayaan niyo ako ipaliwanag ang aming desisyon”

“Lahat nagkakamali, lahat nasisilaw ng kapangyarihan pero lahat pwede magbago. Naipakita na niya na nagsisisi siya. Sa karamihan maaring hindi pa sapat ito pero nais din niya magbago at burahin ang masamang memorya sa mga nagawa niya”

“Kung nais natin ng pagbabago, dapat magsisimula ito sa atin mismo. Patawarin natin siya at bigyan pa siya ng tsansa para magbago…ang napili naming bilang Punong diwata ay si Aneth!!!” sabi ng matanda.

Di makapaniwala ang lahat sa naging desisyon pero agad pumalakpak si Monica at Anhica. Umiyak si Aneth at napaluhod sa lupa pero tinulungan siya ng dalawa para makatayo. “Pero bago ka magtungo doon may kailangan tayo gawin” sabi ni Paulito at sinensyasan ang mga disipulo na agad pinalibutan sila.

Nilabas ni Berto ang libro ng mga diwata at nilapag sa lupa. Pinatong ni Aneth ang kamay niya sa libro at agad nagdasal si Anhica. Agad nagliwanag ang katawan ni Aneth at dahan dahan lumutang sa ere. Nabighani ang lahat ng nilalang at tao sa gubat nang may mga pakpak ng paru paru ang lumabas sa likuran niya.

Pagbalik ni Aneth sa lupa agad niya tinignan si Monica. “Ayos lang?” tanong niya. “Oo ate ikaw nalang…at di ko mahaharap yan pagkat may iba akong haharapin” sagot ni Monica sabay tingin kay Paulito at kumindat. “Pero di niyo ba aalisin ang itim na kapangyarihan na naaral ko?” tanong ni Aneth.

“Aneth, ang kapangyarihan ng sugo galing sa kadiliman. Alam ko gusto mo magbago kaya pati kami may tiwala sa iyo” sabi ni Paulito at napangiti ang diwata. Nagpunta na siya sa gitna para mabasbasan at di niya inaasahan bigla siya pinalakpakan ng lahat.

Pagkatapos ng seremonyas nagsasaya ang lahat ng tao at nilalang sa gubat. Sa sulok ng gubat nakatayo ang apat na nilalang at naglalakad lakad. “Sigurado kayo ayaw niyo manirahan dito?” tanong ni Wookie.

“Gusto din pero gusto ko magpahinga at malagay muna sa tahimik” sabi ni Paulito. “E saan kayo pupuntang dalawa?” tanong ni Anhica. “Bakit di ka sasama sa amin?” sumbat ni Monica at biglang dumikit ang dalaga sa mambabarang at naghawakan ng kamay.

Napangiti lang si Paulito at tinapik ang balikat ni Wookie. “Alagaan mo kapatid ko Punong mambabarang” sabi ng binatang bampira. “Malay mo pagbalik naming may pamangkin ka na” biglang banat ni Monica at napahawak si Paulito sa ulo at lahat sila nagtawanan.

Tumalikod na ang dalawang bampira at sabay lumabas ang mga pakpak nila. “Ano pala sasabihin ko sa kanila pag hinanap kayo?” tanong ni Wookie. “Nagpunta sa langit” sagot ni Monica at muli sila nagtawanan. “Pare sabihin mo nalang na di niyo alam at di niyo kami nakita” sabi ni Paulito at hawak kamay sabay ang dalawa lumipad patungo sa langit.

Napatingala sina Wookie at Anhica at pinanood ang dalawang bampira hanggang sa di na sila makita. “Ay sayang iisa lang yung bitwin na naidagdag don o. Alam mo dati dalawang matingkad na bitwin yan, sabi naming yung isa si Paulito at yung isa si Anhica. Bata pa kami noon e. Pero ngayon tatlo na kasi may Monica na” sabi ni Anhica.

“E pano naman ako? Dapat apat yan, madaya” reklamo ni Wookie at nagtawanan yung dalawa. “Wag kang mag alala bata pa kami noon, at yang mga tala parang simbolo lang naman e. Ang mahalaga yung nandito” sabi ng dalaga sabay turo sa puso niya.

Mabagal na lumilipad ang dalawang bampira at masayang pinagmamasdan ang bagong sigla ng kaharian. “Paulito…bakit mo hinawakan kamay ko?” tanong ni Monica. “Baka kasi di ka marunong lumipad at mahulog ka” sagot ng binata. “Yung totoo?” hirit ng dalaga at napangisi nalang ang sugo.

“Bakit kasi ang bagal natin lumipad at saan ba tayo pupunta?” tanong ulit ni Monica. “Mabagal para di natin makalimutan ang lugar na ito” sagot ni Paulito. “Ow? Bakit saan ba talaga tayo tutungo?” hirit ng dalaga. “Ewan ko pa” sagot ng binata.

“Ha? Hindi mo alam? Ikaw walang plano? Lagi kang may plano diba? So sigurado may balak kang puntahan” sumbat ng dalaga. “Sa totoo di ko alam. Bahala na…kahit saan na basta kasama kita” sabi ni Paulito. Kahit hindi sila nagkatinginan sabay naman sila napangiti at lalong humigpit ang hawakan nila habang patuloy ang paglipad nila sa buong kaharian.

Sa bundok ng mga bruha, isang matandang babae ang tumatakbong papasok sa kweba. “Yailda! Lumitaw na yung pangatlong tala sa langit!” sigaw niya at agad lumabas ang tatlo para tignan ang mga tala.

“Ay oo nga…kung dati dalawa lang yung talang yan ngayon tatlo na sila. Mga kapatid tagumpay tayo…malamang sa gubat nanaman babagsak ang pangatlong taong tala kaya dapat nandon tayo” sabi ni Yailda. “Pero Yailda pag makuya man natin yung bata hindi natin siya mapapalaki dito pagkat mapapansin nila ang kapangyarihan niya” sabi ng isang matandang bruha.

“Oo alam ko, wag kang mag alala hindi natin siya dito papalakihin. Ang importante sa ngayon ay makuha natin siya. Hindi natin alam ang saktong araw at oras ng pagdating niya pero kailangan nandon tayo. Ngayon magandang gamitin ang bagong tuklas nating kapangyarihan” sagot ng punong bruha.

Naghawak kamay ang tatlo at biglang nagbago ang kanilang mga anyo. Ang dating matatandang bruha naging magaganda at dalagang diwata.

“Tara na manirahan sa gubat habang inaantay siya”


=WAKAS= Sana nagustuhan niyo ang kwento ko. Twinkle Twinkle 3: PILIPINAS ABANGAN!!!