sk6

Sunday, January 31, 2010

Twinkle Twinkle 2: Bagong Delubyo Chapter 23: Delubyo

Twinkle Twinkle 2: Bagong Delubyo
by Paul Diaz


Chapter 23: Delubyo

Sa isang sulok ng kaharian tinipon ni Paulito ang mga itim na nilalang na nagrebelde. Sinusubukan niya sila pakampatehin pagkat takot na takot sila. “Mga kaibigan wag kayong matakot. Tutulungan ko kayo at ililigtas ngunit sa ngayon dadalawa lang kami” sabi ng bampira nang may isang paniki ang dumapo sa kanyang balikat.

Bumulong ang paniki sa tenga ng bampira at biglang kumunot ang noo ni Paulito. “Bakit ano sabi niya?” tanong ni Monica. “Alam ko na bakit gusto ng sugo ang katawan ko. Ang tunay na katawan niya nasa ilalim ng mahiwagang gubat. Maaring pansamantala niya gusto ang katawan ko habang wala pa ang tunay na katawan niya” sabi ng binata.

“Kailangan natin magtungo sa mahiwagang gubat!” sabi ng dalaga at napailing ang mga itim na nilalang. “Hindi natin sila pwede maiwan. Malaking problema ito” sabi ni Paulito. “E di ikaw magpunta doon, maiiwan ako at ako magtatanggol sa kanila” alok ni Monica at napatingin sa kanya ang binata.

Tumalikod ang sugo at natahimik, lumapit sa kanya si Monica at tinitigan. “O ano nanamang drama yan?” tanong niya pero seryoso ang mukha ni Paulito at biglang tinakpan niya ang bibig ng dalaga. “Sabihin mo sa akin na di mo naramdaman yon” bulong ng binata. “Ramdam naman” sagot ng dalaga sabay haplos sa dibdib ng sugo. “Monica hindi yan, paparating na ulit sila!” sigaw ng sugo at agad hinarap ang mga nilalang.

“Ako na bahala sa kanila” sabi ni Monica. “Ano gagawin mo?” tanong ni Paulito. “Lahat kayo makinig sa akin! Magtungo kayo lahat sa batis. Bilisan niyo!!! Doon sa tubig mismo. Sa mga tiyanak magpabuhat muna kayo! Mga disipulo…basta kayong sampu sumama kayo sa kanila dalian niyo!” sigaw ng dalaga.

Lahat nagtakbuhan papunta sa batis habang si Paulito mariing na nagbantay. Pati mga disipulo binuhat na ang kasama nilang mabagal at nagsasaya pang nagtungo sa tubigan. Nang ang mga nilalang ay nasa gitna na ng tubig ay muling nagpakitang gilas ang dalaga. Tumaas ang tubig sa paligid ng mga nilalang at humulma na mistulang kulungan. Lumiwanag ang paligid at nagsilutangan ang mga bato at lupa at pinalibutan ang kulungan. Huling hirit ng dalaga at nagpakawala siya ng malakas na liwanag na bumalot sa nagawa niyang kulungan. “Ligtas kayo kayo diyan” sabi niya sabay bumalik sa tabi ng sugo.

Mula sa kalangitan nakita ng dalawa si Rayisha na paparating, pagbaba niya sa lupa ay agad nila hinarap ang aswang. “May pinaparating na mensahe ang hari ng kadiliman” sabi ni Rayisha. “Tinatanggap niya ang hamon mo! At doon daw kayo sa mahiwagang gubat maghaharap…kung makadaan ka!” sigaw ng aswang at mula sa langit daan daan na mga aswang ang biglang lumitaw. Yumanig ang lupa at nagsilabasan ang mga daan daang tiyanak at tikbalang.

“Sus, di na kayo natuto. Dating gawi!” sabi ni Monica at agad sila pumorma. “Wag kayo magpapakasigurado!!!” sigaw ng isang boses at mula sa langit tatlong nilalang na may pakapak ang dumating. Tumayo ang tatlo sa harapan ni Rayisha at agad nila nilabas ang kanilang espada.

“Vampire hunters…binuhay pala kayo” sabi ni Paulito. “Jackpot!!! Makakabawi narin ako sa iyo!!!” sigaw ng isang boses ng babae mula sa langit, lahat napatingin sa taas at nagulat si Rayisha. “Raika…ate?” bigkas niya.

“Akin ang bruha!!!” sigaw ni Raika at nagliyab ang mga mata niya, humaba ang mga kuko at lumipad pababa at sinugod si Monica. Lumabas din ang mga kuko ng dalagang bampira, humaba ang kanyang mga pangil at tumalon ng mataas at sinugod ang aswang.

Napatingin sa langit si Paulito para mapanood ang pagharap ni Monica at Raika, mga vampire hunter biglang sumugod gamit ang kanilang mga espada at sinaksak ang binata sa katawan. Magsasaya na sana sila pero ang katawan ng sugo biglang naging mga paniki na nagkalat. Napalingon ang tatlo sa paligid at naamoy nila ang sugo sa isang puno.

Bago sila makatingala ay palipad na pababa si Paulito, parehong kamay nagbabaga at sinaksak sa dibdib ng dalawa. Nakaligtas yung isa at agad winasiwas ang kanyang espada.

“Ano pang tinatayo tayo niyo? Sugod!!!” sigaw ni Rayisha at mga kampon ng kadiliman lahat sinugod ang sugo. Sa ere naging mabangis ang paghaharap ni Monica at Raika. Ramdam ng aswang ang bagong kapangyarihan na bigay ng hari kaya ang bibilis ng mga atake niya.

Naglabas ng apoy sa kamay si Monica sabay ngumisi, isasaksak na sana niya ito sa dibdib ni Raika pero nginisian din siya ng aswang. “Ibahin mo na ako ngayon!” sigaw ni Raika at mula sa bibig niya lumabas ang mas malakas na apoy at tinamaan ang dalagang bampira.

Narinig ni Paulito ang sigaw ni Monica, paglingon niya nakita niya ang dalaga sa lupa at pinapaapuyan pa ng aswang. Susugod sana siya papunta doon pero nalaslas siya sa braso ng vampire hunter. Mga tiyanak humawak sa mga paa niya at pinagbubugbog siya ng mga tikbalang.

Iba na ang mga nilalang na kalaban nila, kung dati kaya ni Paulito makawala, ngayon hirap na siya at nararamdaman niya ang bagong dulot na kapangyarihan galing sa hari ng kadiliman.

Si Rayisha nagtago sa likod ng puno habang pinapanood niya ate niya tostahin pa lalo ang bruha. “Rayisha manood ka ng maigi! Weak ka! Panoorin mo pano ko papaslanging tong bruhang ito! Manood ka!!!” sigaw ni Raika.

“Pakawalan niyo ang sugo!!!” sigaw ng vampire hunter at bagsak si Paulito sa lupa at hinang hina. “Di mo dapat pinagawa yon” bulong ng sugo at tumawa ang kalaban niya. Sinipa ang bampira sa baba at napalipad ito sa ere. Agad lumipad ang vampire hunter at paikot na winawasiwas ang espada niya. Kay daming laslas ang natamo ni Paulito sa katawan, lumipad pa lalo pataas ang vampire hunter at dinagod ang bampira sa ulo at muling bumagsak ang sugo sa lupa.

“Sige karnehin niyo na yan!!!” sigaw ng vampire hunter at dinumog ang katawan ng sugo ng mga kalaban. Tumigil si Raika sa pagpapawala ng apoy at pinanood nalang ang nasusunog na katawan ni Monica. Nagtabi ang aswang at vampire hunter sa ere at tuwang tuwa sila sa nagawa nila.

“Mukhang di niyo na kami kinailangan” sabi ni Tikyo. “Doon nalang tayo sa mahiwagang gubat bumawi. Mukhang tapos naman na ang misyon natin dito” sabi ni Dwardo na nakatayo sa balikat ng tikbalang.

“Hindi pa tapos…may naamoy pa akong mga bampira. Di ko sila mapapatawad sa nagawa nila sa mga kapatid ko. Doon sila batis!” sabi ni Giorgo. Agad nagtungo sa batis ang apat at pinagmasdan ang mahiwagang kulungan.

“Dito ko masusubukan ang kapangyarihan ko!” sigaw ni Tikyo at agad niya kinabog ang kulungan at dahil sa bagong kapangyarihan niya agad nagkaroon ng biyak ito. “Baka maunahan pa kita!” sigaw ni Dwardo at agad siya sumisid sa tubig para magpapilalim sa lupa.

Tumulong narin si Raika at Giorgio sa pagpapatumba ng kulungan at kitang kita sa loob na takot na takot ang mga nilalang. Mas madami pang kalaban ang dumating, ang iba tumulong sa pag gulpi sa sugo habang yung iba tumulong sa pag giba sa kulungan.

Lumabas si Rayisha at nilapitan ang namamatay nang apoy. Agad niya napansin ang maliit na burol na gawa sa lupa at unti unti itong gumuguho. May lumabas na kamay kaya agad siya napasigaw. “Ate!!! Buhay pa siya!!!” sigaw niya at agad sumugod si Raika kasama ang ibang mga aswang.

Tumayo si Monica at pinagpag ang natitirang lupa sa katawan niya. Galit ang itsura niya at nanlilisik ang mga mata. Napatingin siya sa mga nagkumpulang mga nilalang pero agad siya napangiti. “Tama na ang paglalaro Paulito” bigkas niya at biglang nanigas ang lahat ng kalaban nang nakarinig sila ng bulong sa paligid.

“Ayos ka lang ba Monica?” sabi ng bulong at tumawa ang dalagang bampira. “Sino ba ang kausap mo? Siyempre ayos na ayos pero galit na galit!!!” sagot ni Monica at bigla siyang sumigaw ng malakas at nagpalutang sa ere.

Ang mga pangil niya nawala at mga kuko bumalik sa mga daliri. Mga pulang baga sa mga kamao niya napalitan ng dilaw at ang mga pulang mata niya napalitan ng puti. “Wag kayo matakot!!! Sugurin ang bruha!!!” sigaw ni Raika.

“Ang kulit mo!!! Sinabing hindi ako bruha!!!” sigaw ni Monica at lumipad siya sa ere at sinalubong ang mga aswang. Sa lupa nakatayo lang ang mga kalaban at hinahanap ang nawawalang katawan ng sugo. Naririnig parin nila ang bulong pero di nila alam kung saan nanggagaling.

“Ako ba hinahanap niyo?” tanong ng sugo at lahat napatingin sa taas ng puno at nakita nila ang nagbabagang nilalang. Ang bilis nagpapababa ng bampira at agad ulit nawala. Pasulpot sulpot si Paulito sa tabi ng mga kalaban at bumubulong sa mga tenga nila. Sa sobrang bilis ng galaw niya agad nagsibagsakan ang mga kalaban sa lupa at nakalahati agad ang bilang nila.

Nakita ni Giogio ang nangyari kaya agad siya napasugod habang patuloy ang pagtama ni Tikyo sa kulungan na malapit na mabasag. Napansin ni Paulito ang pasugod na kalaban kaya agad siya sumigaw ng malakas at ang mga natirang kalaban nanigas at nagtakip ng tenga. Muli siyang nagpaikot ng mabilis at isa isang pinatay ang mga nilalang.

Pagkalapit ni Giorgio ay nagulat siya pagkat silang dalawa nalang ng sugo ang nakatirang nakatayo. “Lalaban ka pa ba o hahayaan nalang kita tumakas?” tanong ng sugo at huminga ng malalim si Giorgio at hinawakan ng mahigpit ang kanyang espada.

“Yan ang desisyon mo…sige” bigkas ng sugo at bigla siyang nawala. Napalingon sa paligid si Giorgio at inamoy ang paligid. “Hindi mo ako kaya taguan!!!” sigaw niya at agad siya humarap sa kanan pero kamao ni Paulito ang natikman niya. “Bobo wala ako balak magtago” sagot ng sugo at muli siya nawala.

Dahan dahan bumangon si Giorgio at hinihimas ang panga niya. “Yan lang ba ang kaya mo?” tanong niya at mula sa kanan nasapak ulit siya ng sugo. Muling bumangon ang vampire hunter at tumawa habang nilalasap ang dugo sa bibig niya. “Duwag ka! Duwag ang sugo. Bakit di mo ako kayang harapin? Bakit mo kailangan magtago?” sabi niya at biglang sumulpot si Paulito sa harapan niya at agad niya pinikit ang mga mata niya pagkat akala niya tatamaan siya.

Dinuro lang ni Paulito ang noo niya at nainsulto agad si Giorgio. “Minamaliit mo ako hayop ka!!!” sigaw niya at winasiwas niya ang espada niya at tumama ito sa dibdib ng sugo. Ngumiti lang si Paulito kaya paulit ulit tinamaan ng vampire hunter ang sugo pero napansin niyang hindi nagagalusan ang katawan nito.

“Anong nangyayari? Imposible na to! Ang espadang ito sadyang ginawa para sa mga bampira” sabi ni Giorgio at tumawa ang sugo. “Walang duda…pero sino ba ang tinatawag mo para makaharap? Tinawag mo ang Sugo kaya ang Sugo ang mismong haharap sa iyo at hindi bampira!!!” sigaw ni Paulito at agad niya nasakal sa leeg si Giorgio at tinaas.

Hindi na makahinga ang vampire hunter at ang lahat ng lakas niya tila sinisipsip ng kamay ng sugo na nakahawak sa leeg niya. “Kanina pinagbibigyan ko lang kayo…hindi basta basta lumalabas ang kapangyarihan ng sugo. Tinago ko ang kapangyarihan ng sugo sa loob ko at lalabas lang ito pag nasa panganib ako o sa puntong sobra ang galit. Bilang bampira aminado ko hindi ko kayo kaya harapin, maaring natalo niyo ako pero hindi naman ako ang tinatawag niyo para harapin. Ang tinawag niyo ang sugo kaya eto tikman mo ang kapangyarihan ng Sugo!!!” sigaw ni Paulito at lalo pang nasipsip ang lahat ng lakas ni Giorgio.
Ilang sandal pa papayat ng papaya ang katawan niya at unti unting nagiging abo. Tumingin si Paulito sa langit at tinignan si Monica. “Ayos ka lang ba diyan?” tanong niya gamit utak niya. Nagulat ang dalaga pagkat ngayon niya lang nakausap si Paulito gamit ang utak lamang. “Oo ayos lang ako, yung kulungan malapit na magiba” sagot ng dalaga. “Ako bahala don” sabi ng sugo at dahan dahan naglakad palapit sa kulungan.

Nakapasok na ang kamao ni Tikyo sa kulungan at pinagkakagat ito nina Darwino at Bobbyno. Tawa lang ng tawa ang tikbalang pero biglang tumigil ang mga kagat kaya nilabas niya ang kamay niya at sumilip siya sa loob. “Bakit napagod na ba ang mga panga niyo?” tanong niya sabay tawa. “Hindi…pero lagot ka paparating na siya o…bleh!!!” sabi ni Darwino sabay tawa.

Tumawa si Tikyo pero bigla siyang nakaramdam ng init sa kapaligiran. Dahan dahan niya nilingon ang ulo niya at nakita niyang may nagbabagang nilalang na dahan dahan naglalakad palapit. Hinahangin ang buhok ng sugo at nag aapoy ang mga mata niya. Nanginig bigla ang katawan ni Tikyo pero agad siya tumayo ng maigi at tumawa.

Bago pa makalabas ang tawa niya sumulpot sa harapan niya ang sugo at nahawakan siya sa leeg. “Bitawan mo ako Sugo kung ayaw mo saktan ng kasama ko ang mga nasa loob” banta ni Tikyo. Sa loob ng kulungan nakalabas na si Dwardo mula sa lupa, nagsisigawan na ang mga nilalang doon at nang susunggabin na ng tiyanak si Bobbyno ay pumasok ang kamay ng sugo sa loob at nahuli sa leeg si Dwardo.

Nilabas niya si Dwardo at tinaas ang dalawang nilalang. “Kayo lang ang pinadala ng hari ng kadiliman? Ano tingin niya sa akin bata?” tanong ni Paulito. “Ayos lang sugo, itong panalo sa iyo na pero tandaan mo ibabalik naman kami ng hari kaya maghaharap ulit tayo…kung maunahan mo siya sa mahiwagang gubat. Wala ka nang oras…pagkat ngayon palang sumusugod na siya doon” sabi ni Tikyo sabay tumawa.

Nagalit si Paulito at pinag umpog ang ulo ng dalawang nilalang. Sa sobrang gigil paulit ulit niya pang pinag uumpog ang dalawa at kahit wala na silang buhay di parin niya tinantanan ang dalawa.

Yumakap ang dalawang dwende sa paa ng sugo, pati si Nyobert sinubukan awatin ang sugo. “Tama na bossing, kawawa na sila” sabi ni Bobbyno at biglang natauhan si Paulito. Agad niya binitawan ang patay na katawan ni Tikyo at Dwardo at huminga ng malalim. Muntik na siya nagpaagos sa kapangyarihan ng sugo at muntik na siya bumigay sa kadiliman nito.

“Maraming salamat mga kaibigan ko” bigkas ng sugo at humupa na ang pagliliyab niya. “Monica tama na ang paglalaro mo, kailangan natin magpunta sa mahiwagang gubat ngayon din” sabi ng sugo gamit ang utak niya.

Si Monica lasog lasog ang katawan biglang nagpaikot ikot at nagulat ang mga kalaban niya pagkat ni isang bakas ng sugat nawala. Ang bilis niya kumilos at pinagsasaksak ang mga aswang sa dibdib gamit ang nagbabagang kamao niya. Yung ibang sumubok tumakas hinabol ng hangin na kontrolado ni Monica, nanigas sila sa ere at pinaglalaslas ang katawan nila gamit ang malakas na hangin.

Tanging si Raika nalang ang natira at hinawakan ni Monica ang leeg ng aswang saka pinalipad pababa sa lupa. Bagsak ang katawan ni Raika at lumipad pataas si Monica upang kumuha ng bwelo. Naglabas siya ng malakas na bola ng liwanag mula sa kamay niya at tinitigan ang aswang. “Tikman mo ang kapangyarihan ng kalikasan!!! Isa akong diwata!!!” sigaw niya.

Lumipad pababa si Monica, sa kamay niya ang malaking bola ng liwanag. Itatama niya sana ito sa katawan ng aswang pero bago pa tumama ito ay bigla siyang tumigil at tumayo. Humupa ang bola ng liwanag at huminga ng malalim.

“Bakit hindi mo pa ako tinapos?” tanong ni Raika at biglang napatingin si Monica sa malapit na puno. “Ayaw ko mapanood ng kapatid mo” sagot niya at tumawa ang aswang. “Walang kwentang kapatid yan! Weak siya!!!” sigaw ni Raika at nagalit si Monica.

Hinawakan ng dalagang bampira ang noo ng aswang at biglang nagliwanag ang kamay niya. Lumabas si Rayisha mula sa puno at sumugod palapit para humingi ng tawad. “Wag mo siya papatayin please!!!” sigaw niya.

Bagsak si Rayisha sa lupa kasabay sa pagbagsak ng ulo ng ate niya. Tumayo si Monica at tumalikod. “Hindi ko siya pinatay. Binago ko lang ang kaisipan niya. Nagmalupit din ang ate ko sa akin kaya alam ko ano ang tunay mong nararamdaman. Ayaw ko umabot sa punto na ituturing mo siyang kalaban at din a kapatid. Magsaya ka sa bagong ugali ng ate mo” sabi ni Monica at agad niyakap ni Rayisha ang ate niya. “Maraming salamat…Monica” bigkas ni Rayisha sa nanginginig na boses. Lumingon si Monica at nagliliyab pa ang mata niya, natakot ang aswang pero bigla siya nginitian ng dalagang bampira.

“Tara na Monica, kinakailangan tayo sa mahiwagang gubat” seryosong sinabi ng sugo. “Paano sila?” sagot ng dalaga sabay napatingin sila sa mga nilalang na naglabasan sa nabasag na kulungan.

“Ako…ako dadalhin ko sila sa ligtas na lugar” sabi ni Rayisha at lahat napatingin sa kanya. “Magtiwala kayo sa akin, ito lang ang maigaganti ko dahil sa pagligtas mo sa ate ko. Ako magtatanggol sa kanila pag kailangan” sabi ng aswang.

“Lalaban narin kami kung kinakailangan!” sigaw ng isang tiyanak at nagsigawan ang mga nilalang pati na ang mga disipulo. Napangiti si Paulito at tinitigan si Rayisha. “Aasahan kita” sabi niya.

Siniko ni Monica si Paulito at tinaas niya kilay niya. “Pangiti ngiti ka pa dyan” bulong niya at natawa ang binata. “Ano nanaman?” reklamo ng sugo. “Wala, tara na!” sabi ng dalaga.

Biglang niyakap ni Paulito si Monica at napangiti ang dalaga. “May gana ka pang maglikot ha” sabi niya. “Kapit ka maigi” sabi ng sugo at biglang napunit ang damit niya at naglabasan ang malalaking pakpak ng paniki sa kanyang likod. Kay bilis nila lumipad sa ere at wala nang magawa ang mga naiwan kundi mapatingin sa langit at panoorin ang kanilang tagaligtas.


( LAST 4 CHAPTERS!!! Join Our Facebook Discussion, CLICK HERE )