Twinkle Twinkle 2: Bagong Delubyo
by Paul Diaz
by Paul Diaz
Chapter 22: Ang Hamon
Nakabalik si Rayisha sa pinakamadilim na sulok ng kaharian. Takot na takot siya pumasok sa kweba pagkat bigo siya sa kanyang tungkulin. Tahimik ang kweba at dumikit ang aswang sa may batuhan ang kinapa ang daanan niya papasok sa loob.
“Bigo ka sa iyong tungkulin. Bilib ako at may lakas ka pa ng loob bumalik dito” sabi ng malalim na boses na dumagundong sa buong kweba. Napaluhod si Rayisha sa lupa at nanginig sa takot. “Patawarin niyo po ako mahal na hari. Wala po kasi ako alam sa laban kaya nanood lang ako at namuno” sabi ng aswang.
“Nagrarason ka pa. Tinanggap mo ang misyon kaya umaasa akong ng magandang resulta. Pero bigo ka! Bakit di pa ba sapat yung binigay kong tauhan para sumama sa iyo?” tanong ng boses.
“Mahal na hari malakas po ang sugo. Tapos hindi po lahat ng itim na nilalang ang sumama sa atin. Yung iba ayaw nila kaya kokonti lang ang nakasama ko” paliwanag ni Rayisha at biglang lumiwanag ang kweba at nakita niya si Ikaryo sa malapit.
“Sabi ko naman sa inyo malakas ang sugo e. At mukhang mahina ang bulong niyo para makumbinsi ang ibang nilalang” sabi ni Ikaryo at bigla siyang napalipad ng malayo. “Iniinsulto mo ba ako Ikaryo?!!!” sigaw ng malalim na boses at agad tumakbo ang aswang sa tabi ng bagsak na lalake.
“Lumapit ka sa akin Rayisha” sabi ng boses at napalingon lingon sa paligid ang aswang. “Nasan po kayo?” tanong niya. Lumitaw ang itim na usok sa malapit at agad tumayo ang aswang at nagtungo doon.
Napalibutan ng itim na usok ang katawan ni Rayisha, ilang sandali pa pumasok ito sa loob ng bunganga niya. Pinikit ng aswang ang kanyang mga mata at sa muling pagmulat niya buong itim na ang mga mata niya.
May liwanag na lumabas sa mga mata ng aswang at tumama ito sa isang gilid ng kweba. Mga imahe ng nang nangyari sa katatapos na laban ang lumitaw at agad lumapit si Ikaryo para manood.
Lumipas ang ilang minute ay biglang tumawa ang hari nang makita ang mga nagkalat na yelo sa lupa. Agad namatay ang liwanag at bumagsak ang katawan ni Rayisha sa lupa. “Mahusay! Gusto ko siya talaga! Napabilib niya ako” sabi ng hari.
“Pero mahal na hari parang may mali sa napanood natin” sabi ni Ikaryo. “Mali? Anong mali ang sinasabi mo?” tanong ng boses. “Kasi hindi diwata ang sugo, pero yang huling kapangyarihan na nagamit ay kapangyarihan ng malakas na diwata” paliwanag ng lalake.
“Hmmm…ngunit yun lang ang nakita ko sa isipan ni Rayisha. At wala naman ibang nilalang ang kasama ng sugo sa napanood natin” sabi ng hari. “Kaya nga ho e. Kaduda duda ang kapangyarihan na yon. Ang sugo ay bampira, at ang kapangyarihan niya kasintulad lang ng kapangyarihan ng kadiliman” dagdag ni Ikaryo.
“Anong ibig mo sabihin? Na kaya ng sugo sumagap pa ng ibang kapangyarihan? Mas maganda pag ganon. Mas lalo kong gusto ang katawan niya pagkat pag ganon nga siya ay halos kapareho na niya ang tunay kong katawan” sabi ng boses at tumawa ng malakas.
Di mapakali si Ikaryo at di parin makapaniwala sa napanood niya. “Mukhang may duda ka talaga Ikaryo. Nakakainsulto na yang pag asta mo. Parang sinasabi mo na palpak ang pagpasok ko sa isipan ni Rayisha ganon ba? Lahat ng nakita mo ay galing mismo sa napanood ng aswang kaya talagang naiinsulto na ako sa iyo” sabi ng hari at agad lumuhod si Ikaryo at humingi ng tawad.
“Patawad po mahal na hari. Di ko lang talaga maipagtagpi kung bakit kaya ng sugo magmanipula ng kapangyarihan galing sa paligid. Ngunit baka tama din ang hinala niya at kaya niya sumagap ng ibang kapangyarihan” sabi ng lalake at niyuko ang ulo niya.
“Oo at lalo ko na siyang gusto kaya magpapadala ako ng mas malalakas na kampon pero Rayisha ikaw parin ang mamumuno sa kanila!” sigaw ng boses at natakot ang aswang. “Hindi ko na po kayo bibiguin…pero mahal na hari may pinapaabot na mensahe ang sugo sa inyo” sabi ng aswang at muling lumitaw ang itim na usok at lumapit sa kanya.
“Magsalita ka!” utos ng hari. “Sabi po niya na hindi mapapasainyo ang katawan niya at siya daw po ang papaslang sa inyo” sabi ni Rayisha sa nanginginig na boses. Tahimik ang buong kweba pero biglang umiinit ang hangin at ramdam ang kapangyarihan ng hari.
Dumikit si Rayisha kay Ikaryo at kumapit dito pagkat ramdam nila ang galit ng hari ng kadiliman.
“Siya ang papaslang sa akin? Hinahamon ba niya ako? Sigurado ka yan ang mga salitang binigkas niya?” tanong ng hari. “Opo, kaya niya ako di pinatay para ipaabot ko sa inyo ang mensaheng iyon” sagot ng aswang at lalong nagalit ang hari.
“Ikaryo pabalikin mo ang mga anino ngayon din!!!” sigaw ng hari at tumayo ang lalake at agad nagsagawa ng ritwal. Ilang sandali lang mabilis na nakabalik sa katawa ni Ikaryo ang mga anino at agad pumasok ang itim na usok sa bibig ni Ikaryo.
“Naghahanda narin sila sa gubat. Nandon parin ang katawan ko. Ngunit hindi ko nakikita doon ang mga nilalang na nakalaban ko” sabi ng hari. “Mahal na hari matagal nang panahon ang lumipas. Yumao na po ang mga malalakas na nilalang na yon” sabi ni Ikaryo at parang natuwa ang hari.
“Ganon ba? Mahusay kung ganon. Magbabago ang plano ko!” sabi ng hari at agad siya lumabas ng katawa ni Ikaryo. “Rayisha bumangon ka at balikan mo ang sugo. May mensahe akong nais iparating sa kanya” sabi ng hari at agad tumayo ang aswang.
“Sabihin mo sa sugo na magkita kami sa mahiwagang gubat at doon kami magtutuos” sabi ng hari at nagulat si Rayisha. “Hindi niyo na puntirya ang katawan niya?” tanong ng aswang. “Wag kang sasabat pag di pa ako tapos!!!” sigaw ng hari at agad nalaslas ang dibdib ng aswang kaya napasigaw siya ng malakas.
Unti unti nahilom ang laslas at muling nakahinga ng maayos ang aswang. “Sasabihin mo sa kanya sa mahiwagang gubat kami magtutuos…kung malusutan niya kayo. Bibigyan kita ng makapangyarihan na mga kasama. Alam ko na ang mga pwedeng tumalo diyan sa sugong yan kaya wag kang mag alala iha” sabi ng hari.
“At sabihin mo sa kanya na mauuna na ako sa gubat at aantayin ko siya don! Tiyak magugulo ang isipan niya sa laban. Hindi ko gagalawin ang mga nilalang sa gubat, akoy mag aantay lang doon sa pagdating niya”
“Pag nalusutan niya kayo maghaharap kami sa gubat at doon ako mismo ang tatalo sa kanya at aangkinin ko ang katawan niya. Susubukan ko ang katawan niya at papasalangin ko ang lahat ng nilalang sa gubat gamit ang katawan ng sugo. At pag nagustuhan ko ang katawan niya yon na ang magiging permanenteng katawan ko. Pag hindi ay pwede ko naman hukayin ang tunay kong katawan para akoy makapaghari na dito sa Plurklandia!!!” sigaw ng boses sabay tumawa ng malakas.
“Ano pang inaantay mo? Layas na!!!” sigaw ng boses at agad lumabas ng kweba ang aswang. Tumayo si Ikaryo at naglakad lakad. “Mahal na hari pano niyo maabot ang mahiwagang gubat? Sabi niyo hindi kayo makakalabas sa dito pag wala kayong katawan” tanong ni Ikaryo.
Di siya pinansin ng hari at naramdaman niya na may namumuong malakas na kapangyarihan sa kweba. Nabingi si Ikaryo sa binibigkas na dasal ng hari kaya nagtakip siya ng tenga niya.
Muling kumalat ang bulong sa buong kaharian, dinig na dinig din ito sa mahiwagang gubat. Sa isang dako ng kaharian ay gumalaw ang lupa. May mga patay na nilalang ang lumabas at muling bumangon.
Tatlong nilalang ang tumayo at muling nakahinga, pulang pula ang mga mata nila at natuwa sila sa bagong buhay na binigay sa kanila ng hari ng kadiliman. “Kamiy tapat na maglilingkod mahal na hari” sabay sabay nila binigkas at biglang nagsilabasan ang mga pakpak nila at sabay sabay sila lumipad patungong langit.
Lumindol ng malakas sa buong kaharian, ang mga bulkan biglang gumuho at sa loob nagsilabasan ang mga higanteng taong apoy. Mula sa karagatan nagsilabasan ang mga higanteng ahas at lahat sila nagtungo sa mahiwagang gubat.
Mula sa buong kaharian nagsibangong ang mga patay na nilalang, at sa bundok ng Asura naghilom ang mga sugat ng mga napaslang na nilalang at muling bumangon. Ang nagkalat na laman ng isang aswang muling nabuo at nang makahinga ito nagpakawala ito ng malakas na sigaw.
“Dwardo, Tikyo, bangon!!! Binigyan tayo ng panibagong buhay ng hari ng kadiliman. Nagtagumpay si Ikaryo!!!” sigaw ni Raika at agad niya tinipon ang mga kasama niyang aswang at manananggal at binuhat ang mga ibang nilalang at lumipad sila sa ere.
“Saan tayo pupunta Raika?” tanong ni Dwardo na nakasakay sa likod ng isang manananggal. “Pupuntahan natin ang kapatid ko at papaslangin natin ang sugo!” sabi ni Tikyo. “At sana nandon din si Monica pagkat ipapatikim ko sa kanya ang kapangyarihan ko! Sige sugod!!!” sigaw ng aswang.
Mga higanteng taong lupa at mga higanteng taong bato ang nagpayanig sa buong kaharian. Sa mahiwagang gubat lahat ay abala pagkat ramdam na nila ang paparating na delubyo.
“Mga diwata! Agad palibutan ng liwanag ang gubat!” utos ng matandang dwende. Ang mga matatanda tumakbo patungo sa batis kung saan may isang diwata na nagpakita ng mga kaganapan sa tubig. Ang tubig ng batis nagmistulang malaking papanooran kung saan nakikita ang bawat sulok ng kaharian.
“Naku po, mga higante pinakawalan niya” sabi ng tikbalang. “Lahat ng mga napaslang na nilalang binuhay niya…pati kaya mga ninuno?” tanong ng isa. “Hindi, ang mga ninuno ay yumao na at naglaho na ang katawan nila. Siguro alam nila ganito ang mangyayari at ayaw nila magamit ang katawan at kapangyarihan nila” paliwanag ng isang matanda.
Ang mga grupo ng mambabarang nagtipon upang magsagawa ng seremonyas para maipatawag ang lahat ng espiritu na lumaban para sa kanila. “Maayos ang mga espiritu, mukhang hindi sila pinatawag ng hari ng kadiliman” sabi ng matandang mambabarang at nakahinga ng maluwag si Wookie.
“Anong balita sa kampo ng mga bampira? Aanib ba sila sa atin o sa kalaban?” tanong ng isang nilalang at lahat napatingin kay Tuti. “Ango nga bahala, fufuntahan ko sila at tifunin” sabi ng bunging bampira at agad siya nawala.
“Kumusta ang estado ng ibang gubat? Kumusta na kaya sina Nella?” tanong ng matandang tikbalang at tinuro ang diwata ang saktong lugar sa tubig. “Maayos ang lahat ng gubat at nakahanda na sila. Mukhang dito patungo ang lahat ng kampon ng hari ng kadiliman. Ang reyna ay nasa maayos na kalagayan at patuloy ang paglilipat nila ng mga tao sa mga gubat” paliwanag ng diwata.
May sumigaw na bata at tinuro ang buwan, lahat ng nilalang napatingin sa langit at nagulat sila sa nakita nila. Ang pulang buwan nagbabago at ang matingkad na kulay nito napalitan ng mala dugong pula.
“Ito na nga ang nakasaad sa libro ng mga ninuno. Ang pagdugo ng buwan ay hudyat ng simula ng pagsalakay ng hari ng kadiliman” sabi ni Berto at lahat napatingin sa kanya. “Ikaw multo sabihin mo sa amin ang lahat ng magaganap! Pano magwawakas ang lahat ng ito?” tanong isang matanda.
Napailing si Berto at pinakita ang libro sa mga nilalang. “Nakikita niyo ito? Ito ang libro ng Magigiting. Ito ay sinusulat ko palang para makwento sa mga nilalang at tao sa kinabukasan ang lahat ng naganap dito. Sinusulat ko dito ang mga kwento niyo, kwento ninyong mga magigiting na mandirigma na haharap sa hari ng kadiliman”
“Sa tingin niyo ba magsusulat pa ako ng ganito pag alam ko hindi maganda ang kalabasan ng laban na ito? Tanging masasabi ko ay hindi madali ang laban na ito at kakalat talaga ang dugo. Wag kayong makapante sa sinabi ko, imbes na makapante ay todo niyo pa ibigay ang lahat para masigurado na mabasa nga ng mga nilalang at tao ng kinabukasan ang librong ito” sabi ni Berto.
Nagtinginan ang mga matatandang nilalang at napabilib sila ng multo. “Tama siya, sisiguraduhin natin na mababasa ng madami ang libro ng magigiting!” sigaw ng dwende at lahat ng nilalang tila nabuhayan.
Lumabas si Anhica sa kweba at lahat napatingin si Wookie at Berto sa kanya. Gulat na gulat ang dalawa sa nilalang na lumabas kasunod ng dalaga kaya si Anhica niyuko nalang ang ulo niya. Biglang natuwa ang ibang nilalang at sabay sabay sila sumigaw.
“Gising na ang punong diwata!!!”
Sa malayong sulok ng kaharian nagsasaya ang hari ng kadiliman habang si Ikary palakad lakad sa loob ng kweba. “Mahal na hari, hindi ko maintindihan ang plano mo. Paano tayo susugod sa mahiwagang gubat pag wala pa ang katawan ng sugo? Sabi mo hindi ka pwede lumabas pag wala kang katawan” sabi niya.
Biglang tumahimik ang kweba at ilang sandal pa may itim na usok ang muling namuo sa harapan ni Ikaryo. Kakaiba ngayon pagkat humulma ng katawan ng tao ang uso at nanlaki ang mga mata ng nilalang nang nagkaroon din ng mukha ang hari.
“Madami ka masyado tanong Ikaryo. Mapalad ka pagkat ikaw palang ang pinakitaan ko ng aking mukha. Alam mo ba sino lang ang nakakakita ng mukha ko? Tanging mga nilalang na nais kong saniban!!!” sigaw ng hari.
Napanganga si Ikaryo at nanginig ang buong katawan. Nanigas siya at biglang sumugod ang itim na usok sa bunganga niya. Lumutang sa ere ang katawan ni Ikaryo habang patuloy pumapasok ang itim na usok sa kanya.
Nagsara ang mga mata niya at tila nagbabago ang katawan. May kuryenteng dumaloy sa buong katawan ni Ikaryo at pagmulat ng mata niya itoy pulang pula at nag aapoy. Isang malakas na tawa ang dinig na dinig sa buong kweba, boses parin ng hari ng kadiliman pero itoy nanggagaling na sa bunganga ni Ikaryo.
Ilang sandali pa lumabas si Ikaryo ng kweba at huminga ng malalim. Muli siyang napatawa ng malakas at ito ay dinig na dinig sa buong kaharian ng Plurklandia. Kasabay ng sigaw ay malakas na pwersa mula sa katawan niya ang nakawala upang iparamdam sa lahat ang kanyang kapangyarihan.
“Maghanda kayo lahat!!!”
( Join our Facebook page, CLICK HERE . SEE YOU ON MONDAY FOR CHAPTER 23 )