sk6

Thursday, January 14, 2010

Twinkle Twinkle 2: Bagong Delubyo Chapter 12: Pagtitipon

Twinkle Twinkle 2: Bagong Delubyo

by Paul Diaz


Chapter 12: Pagtitipon

Mahimbing ang tulog ng maglolong mambabarang habang ang dawalang bampira masayang naglalaro sa may batis. Ang buwan bahaging natatakpan ng mga makakapal na ulap at tahimik ang buong kapaligiran ng bundok ng Asura.

Sa loob ng kweba may umaaligid na anino. Nililibot nito ang buong kweba at huminto ito sa may paanan ng dalawang mambabarang. Sa labas ng kweba lumapit si Ikaryo kay Aneth sabay nagbulong. “May dalawang tao sa loob, hindi ko alam kung sino” sabi niya. “Teka ilalabas ko ang mga diyamante, pag hinila tayo papalapit sa kweba doon tayo magtutungo” sabi ni Aneth.

“Wag mo na ilabas. Delikado na. Sigurado ko nandoon sa kweba ang huling diyamante” sabi ni Ikaryo. “Mga alad ko magbantay kayo dito sa labas, pag may lumapit patayin niyo agad” utos ni Aneth. Humawak ang diwata sa balikat ni Ikaryo at sa isang iglap nawala sila.

Sa may batis habang nagdadamit si Monica ay bigla siya niyakap ni Paulito. “Bakit ngayon pa, sana kanina nung…” sabi ng dalaga pero tinakpan ng binata ang bibig niya. “Shhhh…makinig ka” bulong ni Paulito.

“Alam ko biglang tumahimik masyado sa gubat” bulong ni Monica. “Oo nga e, ngayon lang nangyari ito” sagot ni Paulito. Lumuhod ang dalaga sabay pinakiramdaman ang lupa. “May parang di tama…nanggagaling malapit sa kweba” bigkas niya sabay sila ay nagkatinginan. “Sina Wookie!” sigaw ni Paulito at mabilis na nagtungo ang dalawa papunta sa kweba.

Sa may himpapawid sa di kalayuan, malayang lumilipad ang mga aswang pinamumunuan ni Raika. Nakasakay sa likod nila ang tatlong bruha at ibang mga nilalang. Ang ibang kasamahan nila sa lupa naglalakbay, lahat sila patungo sa bundok ng Asura.

“Kay sarap talaga muling makalipad ng ganito!” sigaw ni Raika. “Bakit nakasakay fa ang mga vruha? Diva may walis naman sila” malanding tanong ng isang baklang tiyanak. “Manahimik ka baklita! Baka gusto mo gawin kitang lalake?!” banta ni Yailda. “Bilisan niyo at nararamdaman ko ang pagtitipon ng kapangyarihan sa may paanan ng bundok” dagdag ng bruha kaya bumilis ang paglipad ng mga aswang.

Sa loob ng kweba may walong anino na humawak sa mga paa at kamay ng dawalang mambabarang. Mahimbing parin ang tulog nila pero sina Aneth at Ikaryo nakatayo na sa may paanan nila.

“Gumising kayo!!!” sigaw ng diwata. Dahan dahan naalimpungatan si Wookie, nagulat siya nang makita niya si Aneth pero hindi siya makabangon. “Lolo! Si Aneth!!!” sigaw ng mambabarang pero hindi nagigising ang matanda.

“Wookie! Hindi kita namukhaan agad sa bago mong itsura” sabi ng diwata. “Aneth! Pakawalan mo ako dito! Lumaban ka ng patas! Lolo!!! Gising!!!” sigaw ng binata. “Mukhang mahimbing ang tulog ng matanda, wag mo na siya gisingin. Wala kami balak saktan kayo. May hinahanap lang kami kaya manahimik ka nalang diyan…buhay ka pa pala. Makikipagtsikahan sana ako pero di ka importante sa akin” sabi ng diwata.

Nilabas ng diwata ang mga diyamante, kinabahan si Ikaryo pero may humihila sa katawan niya papalapit sa isang dulo ng kweba. Pasimple niyang inutusan ang isang anino niya para hilain ang kamay ng diwata para ituro ang tamang direksyon. Humarap si Aneth sa dulo ng kweba at sa isang indak pinaliwanag ang lugar na yon.

Pagkasindi ng liwanag ay nagulat sila pagkat nakatayo doon ang isang matanda. Nagulat si Wookie pagkat nakita niya si Wakiz doon sa dulo ng kweba, pagtingin niya sa tabi niya ay nandon parin naman ang katawan ng lolo niya.

“Tanda! Wag mo sabihin dalawa ang katawan mo” sabi ni Aneth at biglang natawa si Wakiz. “Ito ang inaantay kong araw, alam ko darating ka para kunin ang huling diyamante. Hindi ko ibibigay yon sa iyo!” sigaw ng matanda.

Ang katawan na katabi ni Wookie biglang naglaho at madaming espirtu ang nakalabas at inatake ang dalawang bisita. Nakawala si Wookie at agad nakatakbo sa tabi ng lolo niya habang si Aneth nairita sa mga espiritu.

“Tanda! Ibigay mo na sa akin ang diyamante kung hindi mapipilitan akong saktan kayo!” sigaw ni Aneth na mabilis niyang naabo ang mga espiritu. “Ramdam ko ang kapangyarihan na dumadaloy sa katawan mo. Pero haharapin ka namin at hindi namin ibibigay sa iyo ang diyamante!” sigaw ni Wakiz.

“Tanda, magi sip ka maigi. Naaral ko ang mga libro ng kapangyarihan. Sabihin mo sa akin pano kakalabanin ng dalawang pipitsuging mambabarang ang isang diyosa na tulad ko?” tanong ni Aneth at natawa si Wakiz.

“Hindi lang ikaw ang nakapag aral ng mga libro, hindi kami pipitsugin…Halika tikman mo ang kapangyarihan ng librong hindi mo naaral…halika at harapin mo kaming dalawang Ultimo Mambabarang!!!” sigaw ni Wakiz at may dalawang espiritu sa mga tabi niya na mabilis nakapagsulat ng mga simbolo sa lupa. Lumuhod agad ang matanda at pinatong ang dalawang kamay niya sa mga simbolo at dalawang higanteng espiritung dragon ang lumabas.

Napanganga si Wookie sa napalabas ng lolo niya kaya agad siyang naghubad ng pantaas at mabilis din nagpalabas ng dalawang higanteng diablos. Napaatras si Aneth nang sumugod ang apat na espiritu. Kahit anong liwanag ang ilabas niya ay di nalulusaw ang kanyang mga kalaban.

Sa takot nagtago si Ikaryo sa dilim habang si Aneth nagpalabas ng dalawang espada ng liwanag mula sa katawan niya. “Bilib ako sa inyong dalawa, natutuwa ako at dito ko masusubukan ang kapangyarihan ko! Gusto ko yan kaya pagkatapos ko kayo mapatay, kukunin ko ang diyamante at ang libro ng mga mambabarang!!!” sigaw ng diwata sabay sumugod siya papunta sa mga espiritu.

“Wag ka na umasa, ang libro nasira ko na. Maaring naaral mo lahat ng ibang libro pero halatang hindi mo pa gabay ang mga kapangyarihan mo. Kung nasanay mo na sana madali mo na kami napatay. Tama na ang satsat, sige mga dragon kunin ang kaluluwa niya!!!” sigaw ng matanda at nagpalabas pa siya ng isang daang espiritu para guluhin ang isipan ng diwata.

Sa labas ng kweba nakarating na ang dalawang bampira, ramdam nila ang kapangyarihan na umaapaw mula sa loob pero may mga humadlang sa kanila para makalapit. “Mga pekeng disipulo” bulong ni Paulito. Nagtago si Monica sa likod ng binata, “Monica, lumayo ka dito ngayon din. Magtago ka muna, hindi maganda itong magaganap dito” sabi ni Paulito.

“Ayaw ko, gusto ko dito lang ako sa likod mo” sabi ng dalaga. Isang malakas na hangin ang umihip at biglang may sugat ang binatang bampira sa mukha. “Tama ka, diyan ka lang sa likod ko. Gayang gaya nila ang kapangyarihan ng mga disipulo kaya mahahabol ka din lang. Kung ano man makita mo wag kang matatakot, wag mo ako yayakapin. Wag kang mag alala hindi ka nila masasaktan, basta diyan ka lang” sabi ni Paulito.

Nagbaga ng pula ang buong katawan ng binata, nagpaatras konti si Monica at nakita niyang nagbabagong anyo ang bampirang nasa harapan niya. Bigla sila pinalibutan ng mga pekeng disipulo, “Takpan mo tenga mo” utos ni Paulito. “Ano?” tanong ng dalaga. “Takpan mo tenga mo ngayon na!” sigaw niya at agad sinunod ng dalaga ang utos at saktong sumigaw ng malakas ang pekeng Bombayno.

Muling umihip ang hangin pero mabilis na nahuli ni Paulito ang kamay ng pekeng bampira, sinaksak niya ang kamay niya sa puso nito sabay tinapon sa pekeng Bombayno. Sumugod ang pekeng Sarryno at Bashito, agad humarap si Paulito kay Monica at niyakap ang dalaga.

Bago makarating ang dalawang sumugod ay biglang nawala ang dalawang bampira. Sa inis muling napasigaw ng malakas ang pekeng Bombayno, naamoy ng pekeng Sarryno ang mga bampira kaya napatingala siya sa puno. Bago pa niya maturo ang dalawa ay mabilis na nagbababa si Paulito at sinaksak ang kamay niya sa puso ng taong lobo.

Naiwan si Monica sa taas ng puno, ang ibang pekeng disipulo nakatingin sa kanya. “Ako ang harapin niyo! Wag niyo na siya idamay dito!” sigaw ni Paulito. Sumugod ang pekeng Bobbyno at napatapis ang bampira. Ang pekeng Virgous sinimulan sunugin ang puno pero mabilis nakabangon si Paulito at inatake siya.

Si Monica naawa sa binata pagkat alam niya hindi makalaban ng husto ito pagkat inaalala siya. Hindi na siya ang dating bruha, kung dati siya mismo ang lalaban sa mga pekeng disipulo. Ngayon takot na takot siya at wala siyang magawa kundi yumakap sa puno at panoorin ang tagapagtanggol niya.

Umakyat ng puno ang pekeng Bashito, naagapan siya ni Paulito at napabalik sa lupa pero napana siya ng pekeng Darwino sa likod. Habang nasa lupa ang bampira ay sinugod siya ng mga pekeng disipulo at pinagbubugbog. Dahan dahan umakyat sa puno ang isang duling na bampira. Sigaw ng sigaw ang dalaga kaya napasigaw ng malakas si Paulito.

Naging maingay ang buong paligid, lahat nabingi sa parang nagkikiskisang mga bakal. Bagsak ang duling na bampira sa lupa at nagbaga ng mas malakas ang katawan ni Paulito. Isang madilim na ulap at lumapit sa puno, libo libong mga paniki ang nagpababa at pinalibutan ang katawan ni Monica. “Wag kang matakot, diyan ka lang!” sigaw ni Paulito.

Ilang sandal pa ay napalibutan na ang buong katawan ni Monica ng mga paniki. Mabilis nakaakyat ng puno ang pekeng Bashito, sinubukan niya suntukin ang mga paniki pero mas madami pang paniki galing sa ulap ang nagpababa at inatake siya.

Tumayo si Paulito, kampante na siya na protektado ang dalaga. Inaatake siya ng mga pekeng disipulo pero di niya iniinda ang mga ito. Nanlisik na ang mga mata niya, buhok niya nagpalit ng kulay at naging kulay puti. Mga pangil niya naglabasan at mga kamay nagbagang pula.

“Ako naman!!!”

Napakabilis ni Paulito agad nasakal si Virgous, kahit nagpaapoy ng malakas ang taong santelmo ay sinisipsip lang ng katawan ng bampira ang lahat ng apoy. Ilang sandal pa namatay ang mga apoy sa katawan ng pekeng Virgous, tinaas ni Paulito ang katawan niya sabay dinikit ang palad sa dibdib ng pekeng santelmo. Nagapoy ang kamay ng bampira at napasigaw ang pekeng disipulo, nalusaw ang dibdib niya saka siya tinapon palayo ni Paulito.

Ibubuka nanaman ni Bombayno ang bibig niya pero sa isang iglap sinuntok siya ni Paulito, lusot ang kamao ng bampira sa pekeng disipulo sabay tumagos ito sa likod ng ulo. May tumalon sa likod ng sugo, kinagat ang balikat niya pero di ito ininda ng bida. Tumalikod si Paulito at kinagat din ang pekeng Bashito, baon na baon ang malalaking pangin niya sabay sinaksak ang kamay sa puso ng nilalang.

Sa malapit na lugar dumating na ang grupo ng mga aswang at pinanood nila ang sugo na lumaban sa pekeng disipulo. “Hindi niyo sinabi na buhay pa pala si Fredatoria” sabi ni Yailda. “Hindi yan si Fredatoria…akala ko patay na siya?” sabi ni Raika. “Yan si Paulito, ang sugo ni Fredatoria” sabi ni Tikyo.

“Paulito? Yan yung isang taong tala” sabi ng bruha at nagulat ang iba. “Taong tala? Isa siyang bampira. Isa siya sa mga tumalo kay Fredatoria. Sa kanya sumanib ang kapangyarihan ni Fredatoria” sabi ni Dwardo at natawa ang bruha. “Ganon ba? Gusto ko din siya makuha!” sabi ng matandang bruha sabay tumawa.

Pinanood nila si Paulito na paslangin ang lahat ng pekeng disipulo. At sa pagtumba ng huling kalaban ay nakita nila ang kapangyarihan ng mga pekeng disipulo bumabalik sa katawan ng sugo. “Talagang gusto ko siya!” sigaw ni Yailda at biglang napatingin sa kanya ang bampira. “Patay tayo, nakita na tayo” sabi ni Raika.

Sumugod si Paulito papalapit sa kanila pero bago pa siya makalapit ay sumabog ang kweba. Lahat ng nilalang sa kapaligiran ang napatapis, pagharap ni Paulito sa kweba nakita niya sina Wookie at Wakiz patakbo palabas.

“Takbo!!!” sigaw ng matandang mambabarang. “Bakit?” tanong ni Paulito. “Si Aneth! Nasiraan na ng bait. Di na niya makontrol ang sarili niya! Di narin niya makontrol ang kapangyarihan niya!” sigaw ni Wookie na tumayo sa tabi ng kaibigan niya.

Ilang sandal pa nakarinig sila lahat ng malakas na tawa mula sa gumuhong kweba. Lumutang sa ere si Aneth at mga mata niya nagbabagang dilaw. “Nasan kayong mga kutong lupa?!!! Harapin niyo ako!!!” sigaw ng diwata.

Nagpalabas ng apoy si Aneth mula sa mga kamay niya, sinusunog niya ang lahat ng nakikita niya sa paligid. Mga bruha nagsitayuan at namangha sa nakikita nila. “Hindi na siya diwata” sabi ni Yailda. “Ano? Anong ibig mo sabihin?” tanong ni Raika.

“Itong kapangyarihan na ito…kapangyarihan na ng isang diyosa” paliwanag ng bruha at natakot ang iba. “Hindi na maganda ito, wala na tayong laban kaya mas mabuti umalis na tayo” sabi ni Tikyo. “Hindi, pag magsama sama tayo kasama ang sugo kaya natin siya. Hindi siya nag iisip ng maayos, umaapaw ang kapangyarihan niya pero ramdam ko na hindi niya gamay ito” sabi ni Yailda.

“Sira ulo ka ba?!!! Makikipagtulungan tayo sa sugo?” tanong ni Dwardo. “Oo kung gusto niyo pang mabuhay. Kung di natin mapipigilan si Aneth ngayon habang magulo isip niya…”

“…patay tayo lahat”


- Be back on Monday. Having a weekend vacation of sorts
- Join our Facebook page, CLICK HERE