Twinkle Twinkle 2: Bagong Delubyo
by Paul Diaz
by Paul Diaz
Chapter 21: Pakitang Gilas
“Bantayan mo sila” sabi ni Paulito. “Hindi, ayos lang sila basta nasa loob sila ng liwanag. Lalaban ako at wag mo nanaman ako ikukulong!” sabat ni Monica. “Paano ako lalaban ng maayos pag alam kong nakikipaglaban ka din?” sabi ng binata. “So concerned ka talaga?” landi ni Monica. “Oo! Kaya dito ka lang sa likod ko” sumbat ni Paulito. “Mas madali tong laban pag dalawa tayo…o baka natatakot ka baka mas malakas ako kesa sa iyo?” hamon ng dalaga at natawa si Paulito.
“Alam mo tama ka, mas madali pag dalawa tayo. Sige papayag ako pero wag kang lalayo sa tabi ko” sabi ng binata at papalapit na ang mga kalaban nila. “Show me what you got” hamon ni Monica at napangisi ang binata.
Humarap si Paulito at huminga ng malalim, nagliyab ng apoy ang mga mata niya sabay nagpakawala siya ng malakas na sigaw. Lahat ng mga tiyanak napalipad paatras at mga sumusugod galing sa ere ay lahat nagtakip ng mga tenga at nagbagsakan sa lupa.
“Weak! Eto kaya mo?” sabi ni Monica at nagliyab ng dilaw ang buong katawan niya at bigla siyang lumutang sa ere. Pinikit ng dalaga ang kanyang mga mata at biglang lumakas ang hangin sa paligid. Lahat ng kalaban nila lumutang sa ere at pinaglalaslas ng hangin ang mga katawan nila. Tumawa ng malakas si Monica at napatingin sa kanya si Paulito. “Bakit ka tumatawa na parang bruha?” tanong niya kaya napatigil ang dalaga.
“Kasi talo ka, weak ka!” sumbat ni Monica at biglang nag apoy ang mga kamay ng sugo at hinarap niya ang mga nakalutang na kalaban. “Sinong weak? Baka ikaw!” sigaw niya at pinaharap niya ang dalawang kamay niya at may mga apoy na lumabas.
Tinosta ni Paulito ang lahat ng kalaban na nakalutang sa ere, ilang sandali pa tumigil siya at nilipad ng hangin ang mga abong natira. Sigang tumayo si Paulito at nginitian niya si Monica, “Sila ang weak” bigkas niya pero nakatulala lang si Monica kaya muling humarap si Paulito.
Ang mga nagkalat na abo muling nagtitipon at nabubuo muli ang mga katawan ng kalaban. Parehong di makapaniwala ang dalawa sa nakikita nila at ilang sandali pa buhay ulit ang lahat ng napatay nila. “Paano mo papatayin ang mga ganyan?” bulong ni Monica at huminga ng malalim ang binata. “Mukhang mahihirapan tayo dito, tara na bago mabuo pa yung iba” sabi ni Paulito at nauna na siyang sumugod.
Sumalubong kay Paulito ang mga malalaking itim na tikbalang, pinaglalaslas niya ang mga katawan nito at naging abo sila ngunit muling nabuo ang mga katawan ilang sandali pa. Parang tuloy hindi nauubusan ng kalaban ang sugo, sumugod narin sa kanya ang mga tiyanak at mga aswang.
Si Monica nakatayo lang at pinapanood ang laban at kahit may bumagsak na aswang sa tabi niya, hindi siya ginagalaw. Totoo ang sinabi ng tatlong tiyanak, puntirya lang nila ang katawan ni Paulito. Biglang may naisip ang dalaga at sumugod narin siya.
Di pa nakaabot si Monica ay napatapis paatras si Paulito. Nasalo ng dalaga ang binata at mabilis sila sinugod ng mga kalaban. Agad naglabas ng bolang liwanag si Monica at doon sa loob nagtago ang dalawa. Kahit anong gawing atake ng kalaban ay di nila mabasag ang bola ng liwanag.
“Nagsasayang tayo ng oras dito sa loob” reklamo ng sugo. “Makinig ka sa akin. Pinapagod ka lang nila” sabi ni Monica. “Oo alam ko pero sinusubukan ko lahat pero talagang nabubuhay ulit sila e” sabi ni Paulito. “May plano ako pero kailangan ko ng tubig” sabi ng dalaga. “Tubig? Aanhin mo ang tubig?” tanong ni Paulito.
“Basta, kaya sana dalhin mo ang laban malapit sa batis” sabi ni Monica. Napansin ng dalawa na palakas ng palakas ang pagtama ng mga tikbalang sa liwanag, “At Paulito, wag kang magpipigil, kailangan ko abuhin mo sila lahat ng mabilis” dagdag ng dalaga at napatingin sa kanya ang binata. “O sige, may tiwala ako sa iyo. Umatras ka konti” sabi ni Paulito.
Mula sa isang puno sumilip si Rayisha, hindi siya sumasama sa laban at nagmamasid lang. “Ano pang inaantay niyo?!!! Sirain niyo ang liwanag na yan!!!” sigaw niya. Ang mga higanteng itim na tikbalang lalong nilakasan ang pagsuntok at pagtadyak sa bolang liwanag pero nagulat sila nang kumislap ng pula ang bola. Palakas ng palakas ang pulang liwanag at ilang sandali pa sumabog ito.
Napatalsik paatras ang lahat ng kalaban, muling nagtago si Rayisha sa puno. Pagsilip niya nagulat siyang makita ang si Paulito, nagbabagang pula ang buong katawan at ramdam na ramdam ang kakaibang kapangyarihan niya. Mabilis na binuhat ng sugo si Monica at tumakbo papunta sa batis. “Habulin niyo siya!!!” utos ni Rayisha at agad humabol ang alagad niya.
Pag abot ng mga kalaban sa batis nakita nila si Monica na nakatayo sa gitna ng tubig at nagliliyab ng dilaw ang buong katawan. Hindi nila mahanap ang puntirya nila pero biglang nakarinig sila ng kakaibang bulong mula sa paligid. Naintriga si Rayisha kaya lumapit, narinig niya yung bulong kaya siya napasigaw. “Hindi yan bulong ng hari ng kadiliman! Bulong ng sugo yan at wag niyo papakinggan!!!” sabi niya.
Agad nagtakip ng mga tenga ang mga kalaban, magtatakip narin sana ng tenga si Rayisha pero nagulat siya ng may yumakap sa kanya mula sa likod. Sisigaw sana muli ang aswang pero ang matatalim na kuko ni Paulito nakatutok sa puso niya. “Wag kang maingay. Ititira kita” sabi ng bampira at bigla siyang nagbulong sa tenga ng aswang.
Nanigas si Rayisha at sumugod si Paulito sa mga kalaban. Habang nagpapalingon lingon ang mga tikbalang, aswang at tiyanak at napakabilis gumalaw ng sugo at isa isang inabo ang lahat ng kalaban. Nang naabo niya na lahat agad siya tumayo sa likod ni Monica. “Ikaw na!” sigaw niya.
Muling lumutang sa ere ang mga abo pero mula sa batis ay naglutangan din ang mga patak ng tubig. Tinaas ni Monica ang isang kamay niya at biglang sumugod ang mga patak ng tubig at naghalo sa mga abo ng kalaban. Sinara ni Monica ang kamao niya at biglang naging yelo ang mga patak ng tubig. Nakulong sa mga yelo ang mga abo, nagpumilit magdikit dikit ulit ang mga abo ngunit hindi na sila magdugtong pagkat yelo na sila.
Nabilib si Paulito sa naisip ng dalaga, sabay humupa ang liyab sa katawan nila. Sa paligid nagkalat ang mga yelo at nakita ni Monica ang nanigas na aswang. “Bakit mo siya tinira?” tanong niya sabay tumaas ang kilay.
“Kasi parang siya ang boss nila at may binabalak ako” sagot ng binata. “Anong balak? Maitim na balak no? In fairness maganda siya…sa akin mo nalang gawin yung binabalak mo” landi ng dalaga at natawa si Paulito. “Sira! Magpapadala tayo ng mensahe sa hari ng kadiliman kaya ko siya tinira” paliwanag ng binata.
“Nagpapatawa lang ako!” sumbat ni Monica at pareho sila natawa. Humarap si Paulito kay Rayisha at nilapit ang mukha niya. “Subukan mo lang halikan yan, hmp” bulong ni Monica. “Papaamuhin ko lang, ano ka ba?” sabi ng binata.
Humarap ang sugo sa aswang at nagliyab ang mga mata niya. “Bakit gusto makuha ng hari ang katawan ko?” tanong ni Paulito. Napasigaw si Rayisha at nilalabanan ang pagkontrol ng bampira sa utak niya. “Hindi ko alam!!! Umalis ka sa ulo ko!!!” sigaw ni Rayisha. “Nagsasabi siya ng totoo” bigkas ng bampira at huminga siya ng malalim.
Nagkatitigan ang mata ni Rayisha at Paulito, “Babalik ka sa hari at ikwekwento mo sa kanya ang mga nangyari dito. Pero hindi mo sasabihin na may kasama ang sugo. Ikwekwento mo sa hari kung gaano ako kalakas at sabihin mo sa kanya ako ang papaslang sa kanya” bigkas ni Paulito sabay lumayo.
Nakagalaw na muli ang aswang at mabilis lumipad palayo. “Monica sana naintindihan mo bakit ko sinabi na ako lang ang nakita niya” sabi ng sugo. “Oo alam ko, ayaw mo malaman ng hari na may mas malakas sa iyo” sagot ng dalaga at pareho sila nagtawanan. “Oo alam ko, ayaw mo bigyan ng bagong pagtutuunan ng pansin ang hari. Gusto mo ikaw ang puntirya niya” sabi ng dalaga. “Oo ganon na nga. Mas madali pag ako lang ang gusto niya makuha” sabi ni Paulito.
“Pero bakit ka niya gusto makuha? Makapangyarihan na siya, aanhin ka niya?” tanong ni Monica. “Hindi ko din alam, baka gusto niya manilbihan ako sa kanya. Susubukan niya ako baliktarin siguro pero hindi niya kaya gawin yon” sagot ni Paulito. “Malamang yun nga siguro ang rason. Tara na kalian natin maibalik ang mga kaibigan mo sa mahiwagang gubat” sabi ng dalaga.
Pagkabalik nila sa dating lugar ay nagulat sila pagkat madaming tiyanak at ibang nilalang ang nagtipon. Agad pumorma ang dalawa pero dinig na dinig nila ang mga sigaw ng tatlong tiyanak sa bola ng liwanag. “Sila ata yung mga kasama ng tiyanak” sabi ni Monica. “Hindi tayo nakakasigurado e” sabi ni Paulito at humarap siya sa mga nilalang.
“Nandito ba kayo para labanan ako?!!!” tanong ng sugo at biglang lumuhod ang lahat ng nilalang. Pinakawalan ni Monica ang tatlong tiyanak at agad sila tumayo sa harap ng sugo at pinipigilan siya. “Wag po!!! Kasama namin sila. Kami yung mga hihingi ng tulong sa iyo” sabi nila.
Mas madami pang nilalang ang nagsilabasan at nagulat ang mga bampira sa dami nila. “Wag mong sabihin dadalhin natin sila lahat sa paglakbay” bulong ni Monica at huminga ng malalim si Paulito at napakamot. “Malaking problema ito” sabi niya.
Samantala sa mahiwagang gubat patuloy ang pagplaplano ng mga mandirigma kasama ang mga matatandang nilalang. Si Tuti nagbabantay sa pinakamataas na puno at may nakakuha ng atensyon niya. Parang may nakita siyang aninong gumalaw pero paglingon niya wala naman nilalang doon sa paligid. Napakamot nalang ang bampira at may dumapong paniki sa balikat niya.
Bumulong ang paniki sa tenga ng bampira at agad bumaba ng puno si Tuti. Nahanap niya si Anhica at Wookie at agad sinabi ang balita. “Nagfadawa ng mengshahe shi boshing!!!” sigaw niya at nakita ng dalawa ang paniki sa balikat ng bampira.
“Ano sabi niya?” tanong ni Wookie. Napakamot si Tuti at agad hinawakan ang mukha ng mambabarang. Tinitigan ni Tuti si Wookie at bigla nalang napaamo ang mambabarang. “Pasensya na Wookie kailangan ko gawin ito para maintindihan ako” sabi ng mambabarang at natawa si Anhica.
“Nahanap na daw nila ang mga disipulo pero wala ang pag iisip nila. Nakuha daw ni Aneth mga tamang isipan nila. Inatake na daw sila ng mga kampon ng kadiliman at gusto nila makamtan ang katawan ni bossing” sabi ni Wookie at nanlaki ang mga mata ni Anhica.
“Kailangan natin magpunta doon para tulungan sila!” sigaw niya. Bumalik na ang tamang isip ni Wookie at binatukan niya si Tuti. “Wag mo na uulitin yon ha!” sabi niya at napangisi ang bunging bampira. “Teka teka, kailangan natin ipaalam sa lahat na umatake na sila” sabi ni Wookie at saktong lumapit ang mga matatandang nilalang.
“Narinig namin ang sigaw, ano nangyari?” tanong ng matandang dwende. “Nakatanggap kami balita galing kay Paulito. Inatake na sila ng mga kampon ng hari ng kadiliman” sabi ni Wookie. “Pero sabi pa niya puntirya ang katawan niya” dagdag ng mambabarang at humarap ang matandang diwata.
“Tama ang hinala natin, naghahanap siya ng pansamantalang paninirahan ng kapangyarihan niya. Ang sugo ang napili niyang saniban habang wala pa ang tunay na katawan niya. Ipaalam mo ito kay Paulito at sabihin mo mag ingat siya at wag magpapahuli. Kailangan na natin maghanda pagkat gumalaw na pala sila” sabi ng matanda at tinipon na nila ang mga mandirigma.
“Magpadala narin tayo ng mensahe sa lahat ng gubat. Pero tayo ang dapat maghanda ng maigi pagkat sigurado dito siya pupunta para makuha ang katawan niya” sabi ng matandang tikbalang.
Muling napalingon si Tuti at may nakitang mga anino. “Nangdito nga ata siwa” sabi niya. “E di sana naramdaman ko na, may mga iniwan akong bantay na espiritu sa bawat sulok ng gubat” sabi ni Wookie. Kinausap na ni Tuti ang paniki saka pinakawalan. Si Anhica hinila ang dalawa papunta sa kweba para bisitahin ang katawan ni Aneth.
“Bakit tayo nandito?” tanong ni Wookie. “Tinanggal ko lahat ng kapangyarihan ni Aneth pero wala akong napansin na pag iisip o kaluluwa ng mga disipulo” sabi ni Anhica. “Baka naiwan pa sa katawan niya” sabi ng mambabarang. “Yun na nga e, bantayan niyo ang papasok ng kweba at susubukan ko hanapin ito sa katawan niya. Baka kasi isipin ng iba na sinasaktan ko siya” paliwanag ng dalaga at nagbantay ang dalawa sa labasan.
Pinatong ni Anhica ang kamay niya sa ulo ng tulog na diwata. Nagliwanag ang buong kweba at sinimulan na niya ang paghahanap. Ilang minute ang lumipas at tumigil ang liwanag. Agad lumapit ang dalawa at nakibalita pero nakasimangot na mukha ng dalaga ang sumalubong sa kanila.
“Wala talaga don e” sabi ni Anhica. “Ha? Ano ibig mo sabihin? Ligaw na espiritu sila?” tanong ni Wookie. “Hingdi! Shavi ni voshing vuhay shila e” sabi ni Tuti. “Talang pag iisip lang nila ang wala. Ginawa ko na lahat ng makakaya ko para mahanap sila sa isipan at utak ni Aneth pero wala talaga sila doon” sabi ng dalaga.
“Anong ibig mo sabihin? Hindi na babalik sa tamang pag iisip ang ibang disipulo?” tanong ni Wookie at napayuko ng ulo si Anhica.
“Ganon na nga”