Twinkle Twinkle 2: Bagong Delubyo
by Paul Diaz
by Paul Diaz
Chapter 6: Kagat ni Tuti
Isang gabi sa kwarto ni Aneth sa palasyo, nakahiga ang diwata sa kanyang kama at matamlay siya. Namamaga ang leeg, pinagpapawisan ang buong katawan at hinang hina ang makapangyarihang diwata.
Nagbukas ang pinto ng kwarto niya at sumilip ang reyna sa loob. “Aneth anong nangyayari sa iyo?” tanong ni Nella nang lalo pa niya binuksan ang pinto para makapasok. “Wag! Wag kayong lalapit mahal na reyna baka kayo ay mahawa!” sigaw ng diwata kaya natakot ang dalaga.
“Hindi mo pa naipapamigay ang mga libro? Gusto mo utusan ko ang mga kawal o disipulo para ipamigay sila sa gubat?” alok ni Nella. “Wag na, mahirap na baka mahawa sila. Ako na bahala sa mga yan” sagot ng diwata. “Mukhang di naman ata nagkasakit ang mga disipulo kaya sila nalang” pilit ng reyna. “Wag na!!! Patawad mahal na reyna di ko sinasadya. Malala talaga tong sakit at di ako makapag isip ng maayos. Ako na bahala sa mga libro”
“Tinesting ko muna sa sarili ko ang lunas kaya ako nagkakaganito. Pag akoy gumaling ako na mismo magdadala sa iba. Pag may masamang nangyari sa akin alam na ng mga punong nilalang ang gagawin nila. Maayos ang lahat reyna kaya matulog na kayo. Gagaling din ako” sabi ni Aneth.
Walang magawa si Nella, lumabas na siya ng kwarto at sinara ang pinto. Nakahinga ng malalim si Aneth pero mula sa kadiliman may isang nilalang na lumabas. “Kayang kaya mo talaga utuin ang reyna” sabi ng lalake. “Ang tagal mo, kanina pa kita pinatawag. Tignan mo nga ito, kinagat ako nung bunging bampira at eto nanghihina ako at namamaga ang leeg” sabi ni Aneth.
“Utos agad? Tandaan mo Aneth pumayag lang ako magpakita muli dahil may ipinangako ka sa akin na kabayaran” sabi ng lalake. “Oo nga! Nakikita mo naman ang mga libro diyan nakakalat, pagalingin mo ako at sa iyo na ang Libro ng mga Anino” sagot ng diwata.
Nakita ng lalake ang libro sa sahig at pupulutin na sana ito pero biglang nagliwanag ang kwarto at bumagsak sa sahig ang lalake at kumulubot. “Ikaryo! Porke nanghihina ako di ibig sabihin wala na akong kapangyarihan! Kaya kong panatiliin ang liwanag na ito kahit mahina ako” banta ni Aneth. “Patawad…tama na…oo papagalingin na kita” makaawa ng lalake. Namatay ang liwanag at nakahinga ang lalake at nanumbalik ang sigla.
Tumayo si Ikaryo sa tabi ng kama at pinagmasdan ang namamagang leeg ng diwata. “Sigurado ka bampira kumagat sa iyo? Wala ako matandaan na kagat ng bampira na nagkakaganito” sabi niya. “Oo bampira ang kumagat sa akin, pesteng bunging bampira. Oo nakapustiso siya” sabi ni Aneth at biglang natawa saglit si Ikaryo.
“Hindi parin ako naniniwalang bampira kumagat sa iyo, itong klaseng kagat na ito nakakamamatay at yung huling nakita kong may ganitong kagat ay yumao na” sabi ng lalake at nagulat si Aneth. “Sigurado ako bampira yon, pinapatay ko pa nga e. Si Tuti, yung alalay ni Paulito ang kumagat sa akin” sabi ng diwata.
Napailing si Ikaryo at napaisip, “Imposible talaga na kaya ng bampira ang kumagat ng ganito. Ang kagat na ito ay kagagawan ng mga lobo. Makapangyarihang lobo. Itong kagat na ito ang pamatay ng taong lobo sa mga bampira. Kaya napakaimposible na bampira makakagawa nito” kwento ni Ikaryo.
“Sinasabi mo bang sinungaling ako? Si Tuti ang kumagat sa akin at isa siyang bampira!” pilit ni Aneth. “O siya, kung bampira man siya kakaibang bampira siguro pagkat kaya niyang kumagat ng ganito. Ang bampira kasi pag kumagat, ibabaon ng todo ang ngipin at puputulin ang ugat mo. Pwede nila inumin at ubusin ang dugo mo o hayaan ka na mamatay nalang na makalabas ang dugo mo sa katawan”
“Sabi mo pustiso? Nagbabaga ba pustiso niya at gawa sa bakal? Itong palibot ng kagat e sunog ang balat mo. Buti napatawag mo ako agad, maari kitang magamot” sabi ni Ikaryo. “Anong ibig mong sabihin na pwede mo akong magamot? Dapat gamutin mo ako!” sigaw ni Aneth.
“Kung base sa kakayahan ko hindi ko kaya. Pero nandito naman ang mga libro kaya malalaman natin ang pangontra sa mga kapangyarihan ng kumagat sa iyo” sabi ni Ikaryo. “Linawin mo nga! Ang gulo mo! Anong mga kapangyarihan? Isang bungal na bampira lang ang kumagat sa akin!” galit ng diwata.
“Oo yan ang sabi mo, pero base sa alam ko at nakikita, lobo, santelmo, mambabarang at bampira. Halo halong kapangyarihan na pinagsama. Siguro mahiwaga ang pustiso niya” sabi ni Ikaryo sabay tawa. “Ginagago mo ba ako!?” tanong ni Aneth. “Hindi, kung ayaw mo maniwala e di maghanap ka ng ibang gagamot sa iyo” banta ng lalake.
“Animal na Tuti!!! Sige kunin mo yung apat na libro pero kailangan kasama mo ako sa pagbasa at doon mo lang bubuksan ang mga libro sa paksang kailangan at wala nang iba!” sabi ni Aneth. “Gahaman ka talaga, aanhin mo ba ang lahat ng kapangyarihan na ito? Isang libro lang sapat na. At di mo maaral ito lahat, baka mauna ka pang mamatay. Ang hinihiling kong libro ng Anino, aminado ako hindi ko matatapos maaral lahat ng laman” sabi ng lalake.
“Di ako pangkaraniwang na diwata. Wala ka nang pakialam kung ano ang gagawin ko sa mga yan. Bilisan mo kunin mo na yung apat na libro!” utos ni Aneth. “Apat? Dapawa lang ang nandito. Libro ng Lobo at Libro ng Santelmo. Wala dito yung libro ng Bampira at Mambabarang” sabi ni Ikaryo at biglang bumangon ang diwata.
“Imposible!!! Nakuha namin lahat ng libro! Kitang kita ko na wala nang ibang dala si Nella” sabi ng diwata. “Ibig sabihin hindi totoo yung dalawang librong yon? Sa pagkakaalam ko nakisama sa laban din ang mambabarang at bampira noon kaya imposible talagang nawawala yung dalawa” sabi ng lalake.
Lumiwanag uli ang kwarto at nagtago si Ikaryo sa ilalim ng kama, “Wala akong tiwala sa iyo kaya diyan ka lang, babalik ako” sabi ni Aneth at lumabas siya ng kwarto. Sumugod ang diwata sa kwarto ng reyna, agad niya binuksan ang pinto at nagulat ang dalaga.
“Nella! Sigurado ka bang wala kang naiwan na libro sa templo?” tanong ni Aneth. “Ha? Nadala ko na lahat. Bakit may kulang ba? Wala nang natira doon” sagot ni Nella. Hindi naniniwala si Aneth kaya sa isang iglap biglang nakatulog ang reyna at nilapitan siya ni Aneth. “Gigising ka at sasabihin mo sa akin ang lahat ng gusto ko malaman” bigkas niya at muling bumangon ang dalaga pero pikit ang mga mata nito.
“Nakuha mo ba lahat ng libro?” tanong ng diwata. “Oo” sagot ni Nella. “Wala ka bang tinago na libro sa akin?” hirit ni Aneth. “Wala” sagot ng dalaga at galit na galit ang diwata pagkat nagsasabi ng totoo ang reyna. “Matulog ka na at pag gising mo wala kang maalala” bigkas ni Aneth sabay lumabas ng kwarto.
Nagbalik ang diwata sa kwarto niya, pinadilim ang kwarto at lumabas agad si Ikaryo. “Wala talaga yung dalawang libro” sabi ni Aneth nang naupo siya sa kama niya. “Ibig mo ba sabihin may nakapasok sa templo bago kayo?” tanong ni Ikaryo.
“Hindi! Imposible yon! Mga punong nilalang lang ang may alam nung sikretong yon at si Nella lang ang tunay na tagapamana ng trono kaya sigurado ako walang iba” paliwanag ni Aneth. “Ibig mo sabihin nagsinungaling ang mga ninuno?” tanong ng lalake. “Maari nga na ganon. Pwes gamutin mo ako sa lahat ng makakaya mo. Hindi mapupunta sa iyo ang libro ng Anino pag hindi mo ako napagaling” sabi ni Aneth.
“Simulan na natin sa kaya ko. May espiritu na nakapasok sa katawan mo kasabay ng kagat. Wag kang mag alala tanging trabaho lang nito ay guluhin isip mo ngunit di ata umubra sa itim mong budhi” sabi ni Ikaryo at nagtaas ang kilay ng diwata. “Mahiga ka na ulit at magtiwlala sa akin. Alisin natin yang espiritung nasa katawan mo” sabi ni Ikaryo.
Nilagay ni Ikaryo ang kamay niya sa leeg ng diwata, pinikit nito ang mga mata niya at nagdasal. “Aneth, nagkamali ako. Hindi pangkaraniwang espiritu ito” sabi ni Ikaryo. “Hindi mo kaya?” tanong ng diwata. “Di kaya ng lakas ko to, di ko siya kayang hilain palabas ng katawan mo. Mabibigyan mo ba ako ng konting lakas mo?” sabi ng lalake.
“Ano kailangan kong gawin?” tanong ni Aneth. “Hawakan mo dibdib ko at pasahan mo ako konting lakas mo. Alam ko hindi mo ramdam yung espiritu kasi mailap ito pero pilitin mo ramdamin siya at itulak palabas din ng katawan mo” utos ni Ikaryo.
Sinubukan ng dalawa palabasin ang espiritu, napasigaw ang dalawa sa hirap pero pilit silang lumaban. “Aneth! Konting lakas pa!” sigaw ni Ikaryo. “Damuho ka! Sabi mo simpleng espiritu lang! Bakit nararamdaman ko na malakas ito at sumasakit ulo kooo!!” sigaw ng diwata.
“Konti pa Aneth!!!” sigaw ni Ikaryo at biglang tumirik ang mga mata ng diwata. “Aneth!!! Labanan mo wag sa mata dapat lalabas kung hindi mabubulag ka!!!” dagdag niya pero di na makontrol ng diwata ang sarili niya.
Napalabas na ni Ikaryo ang espiritu pero pilit itong bumabalik sa katawan ng diwata. Si Aneth nawawalan na ng malay pero sinampal ito ng lalake. “Lumaban ka sabi e!!!” sigaw ni Ikaryo. Sinara ni Aneth ang mga mata niya, sumigaw siya napakalakas at nagliwanag ang buong katawan niya.
Ilang saglit lang nakalabas ang espiritu sa katawan niya at mabilis nakalabas ng binatana. Hingal na hingal ang dalawa, si Aneth biglang bumangon at tumingin sa labas. “Ano yon?” tanong niya. “Sabi ko naman sa iyo di ako naniniwalang bampira kumagat sa iyo e” sagot ni Ikaryo na napaupo sa sahig.
“Ano ibig mo sabihin? Si Tuti na kinatatawanan ng lahat ay makapangyarihan?” tanong ng diwata. “Hindi ko alam, sa ingay ng sigaw mo malamang nagising ang ibang naninirahan dito sa palasyo” sabi ni Ikaryo.
“Mahiwagang kwarto ito, wag kang mag alala. Pero alam mo parang nanunumbalik lakas ko. Ano pa kailangan nating gawin?” tanong ng diwata. “Yung sa kagat ng bampira hindi ko alam pano, yung kagat ng lobo at santelmo maaral natin sa libro” paliwanag ng lalake kaya humarap sa kanya si Aneth.
“Pag natanggal mo yung dalawa, matitira ang kagat ng bampira. Ano pwede mangyari sa akin kung di maalis yon?” tanong ni Aneth. “Mapapaamo ka sa kumagat sa iyo, pero sabi mo napatay mo na siya kaya wala sigurong masama mangyayari” sagot ni Ikaryo at napangiti ang diwata. “O siya, lumayo ka diyan at sabihin mo sa akin ano ang kailangan ko hanapin sa mga libro” sabi ni Aneth at tumayo si Ikaryo at tumayo sa isang gilid.
“Aneth bago lang tong palasyo diba?” tanong ni Ikaryo. “Oo, ako nagpatayo nito gamit ang kapangyarihan ko” sagot ng diwata. “Hmmm…kung bago siya bakit may nararamdaman akong kakaiba?” tanong ng lalake. “Anong kakaiba?” tanong ni Aneth. “Kung bago ito bakit ako nakakaramdan ng multo dito sa palasyo?” tanong ni Ikaryo. “Multo? Ligaw na espiritu malamang. Multo lang yan, ano ba magagawa ng multo? Taong dilim ka tapos natatakot ka sa multo?” sagot ni Aneth sabay tumawa ng malakas.
Sa kalayuan, sa loob ng isang kweba. Papatulog na ang maglolo habang pabangon naman ang dalawang bampira. Nagkwentuhan muna sila saglit nang biglang tumayo ang maglolo at hinarap ang harapan ng kweba.
“Ano problema?” tanong ni Monica. “May papalapit na makapangyarihang espiritu” sabi ni Wookie. “Aba naramdaman mo din pala” sabi ni Wakiz. “Lolo ulyanin ka na talaga, tinuro mo sa akin nung isang araw” sabi ng binatang mambabarang at natawa ang matanda. “Oo nga, dapat maturuan kita ng lahat ng nalalaman ko bago ako tuluyang maulyanin. Wookie maghanda ka at mukhang mapapalaban tayo dito” sabi ni Wakiz.
Nagpalabas ng mga espiritu ang dalawang mambabarang ngunit mabilis sila nakabalik sa lupa sa takot sa espiritung nakapasok sa kweba. “Malakas to apo!” sigaw ni Wakiz nang magsimula siyang magsulat sa lupa. “Ako na bahala dito lolo, ilayo mo nalang yung dalawa” sabi ni Wookie at mabilis niyang napalabas ang unang Diablos.
Halos manghina si Wookie at Wakiz nang madaling natalo ng espiritu ang Diablos, magpapalabas na sana ulit ang binatang mambabarang ng isa pang higante nang pigilan siya ni Paulito. “Ganda ng nagawa mo ha, pero pare ako na dito” sabi niya.
“Pare espiritu ito, linya ko to kaya hayaan mo ako lumaban” sagot ni Wookie. “Pare magtiwala ka, hindi kalaban yan” sabi ng bampira. Lalapit na sana si Monica pero pinalayo siya ni Paulito. “Kayong dalawa lumayo kayo. Kung ano man ang mangyari wag kayo gagalaw” utos ng bampira at nagpaatras ang dalawang mambabarang.
Naupo si Paulito sa lupa, pinikit niya ang kanyang mga mata at nagpaikot ikot ang espiritu sa paligid niya. Di mapakali si Wookie, pinapanood lang niya na umiikit sa katawan ni Paulito ang espiritu.
Ilang sandal pa ay biglang sumanib ang espiritu sa katawan ng bampira at nagulat yung tatlo. “Paulito!!!” sigaw ni Monica at tumakbong palapit. Nagpalabas si Wakiz ng espiritu upang pigilin ang dalaga, “Wag kang lalapit, tama ang sinabi niya. Magkakilala sila ng espiritu” sabi ng matanda.
“Anong ibig mo sabihin?” tanong ni Wookie. “Kanina kinikilala ng espiritu si Paulito, pero nang nakilala niya sumanib na siya. Hindi ko alam sino yan pero magkakilala sila. Antayin nalang natin na matapos ang pagsanib” paliwanag ng matanda.
Lumipas ang sampung minuto at biglang nagbaga ng pula ang mga mata ni Paulito. Tumayo ang bampira at napansin ng lahat na nagpapalabas ulit ng pulang baga ang buong katawan niya. Pinakawalan ni Wakiz si Monica, “Dalian mo pigilan mo paglabas ng sugo!” sigaw ng matanda.
“Ayos lang ako!!!” sigaw ni Paulito at humupa ang pagbaga ng buong katawan niya. Humarap ang bampira sa mga kasama niya at huminga ng malalim. “Ano yan Paulito? Sino yung espiritu sumanib sa iyo?” tanong ni Wookie.
“Isang espiritu ng sugo” sagot ng bampira. “Ano? Akala ko ba ikaw ang sugo? Bakit may ibang espiritu pa ang sugo?” tanong ni Wakiz at natawa ang bampira. “Kasi nag iwan ako ng konti kay Tuti” sagot ng bampira at lalo silang nagulat.
“Anong ibig mo sabihin? Na si Tuti may kapangyarihan din?” tanong ni Wookie. “Oo pero hindi niya nagamit. Hindi niya naipalabas. Alam ko siya ang pinakamahina sa atin, hindi siya disipulo pero tinuring na natin na isang kasama. Kung di niyo man tinuring na ganon, sa akin oo. Alam niyo naman ang nakaraan, ako bumuhay sa kanya. Bata pa siya noon nung naging bampira. Hindi ko siya kayang iwanan na walang panlaban man lang kaya nag iwan ako konti. May masamang nangyari kay Tuti pati sa ibang disipulo. Sinabi ito ng espiritu sa akin. Nakay Aneth na ang mga libro pero may dalawa nawawala. Libro ng mambabarang at libro ng mga bampira” kwento ni Paulito.
“Teka teka ano? Ano ibig mo sabihin?” tanong ni Wookie. “Hindi ko masyado nakita lahat, pero may mga impostor na disipulo sa pangangalaga ni Aneth. Yung mga kaibigan natin kinalat nila sa buong kaharian. Si Tuti nakagat niya si Aneth at medyo tumalab ang kapangyarihan na iniwan ko sa kanya. Sayang Tuti, sana naipalabas mo buong lakas na naiwan ko, tapos na sana ang problema” bigkas ng bampira.
“So ibig mo sabihin buhay pa si Aneth?” tanong ni Monica. “Oo buhay pa siya at napakawalan nila tong espiritu mula sa katawan niya. Kasi sa kagat ni Tuti doon niya napakawalan ang kapangyarihan ng sugo. Kaya lang hindi lahat nagamit. Itong espiritu sana ang unti unting kakain sa espiritu ni Aneth. Yung marka ng Santelmo ang magsisigurado sana na unti unting magiging abo ang mga buto niya”
“Kagat ng lobo at kagat ng bampira, magkalaban sila kaya unti unting magkakaroon ng gera sa loob ng katawan ni Aneth na di niya namamalayan. Sisirain sana unti unti ang lahat ng lakas niya. Napaalis nila tong espiritu kaya malamang magagamot na nila yung iba” paliwanag ni Paulito.
“Hoy! Baka ganyan din ginawa mo sa katawan ko!” sigaw ni Monica. “Hindi, kontrolado ko lakas ko. Yung binigay ko kay Tuti…lalabas lang pag talagang nasa panganib siya. Sana nasabi ko nalang sa kanya pero hindi e. Ginawa ko yon bilang proteksyon niya sana pero sayang hindi niya alam” sagot ni Paulito.
“Ibig mo sabihin…wala na talaga si Tuti?” tanong ni Wookie at niyuko ni Paulito ang ulo niya. “Kung nasaksak siya ng kahoy wala na tayo magagawa” sabi ng bampira. “At kung hindi?” tanong ni Wakiz. “Kung hindi…hinang hina nalang yon at natutulog. Dahil sa kahinaan hindi niya kaya gisingin sarili niya. Sa ngayon naglalakbay na ang kaluluwa ni Tuti. Pag nagtagal pa na ganon hihiwalay na ng tuluyan ang kaluluwa niya” sabi ni Paulito.
“Pano natin malalaman kung nasaksak siya o hindi? Pano natin malalaman kung nakalayo na kaluluwa niya?” tanong ni Wookie na nalungkot ang itsura. “Kaya ko siya buhayin” biglang sabi ni Monica at napatingin sila sa kanya. “Sabi ko sa iyo nagpapanggap yan e” hirit ni Wookie.
“Hindi! Pupunta tayo sa bundok ng mga bruha. Hihingi tayo ng tulong sa kanila” paliwanag ng dalaga at natawa bigla si Wakiz. “Iha, matagal nang nabura ang mga bruha dito sa kaharian. At ikaw ang may kagagawan non. Yung iba tumakas na palabas ng kaharian na ito at ikaw mismo naglagay ng sumpa sa kanila na di sila makakabalik dito” kwento ng matanda at masama ang titig ni Paulito sa kanya.
“Pasensya na, kailangan niya malaman ang kanyang nagawa” sabi ni Wakiz. Napayuko si Monica pero inakbayan siya ni Paulito. “Wag kang mag alala. Alam ko maganda ang intensyon mo pero may isa pang paraan” bulong ng bampira.
“Pano?” tanong ng dalaga. Naupo muli si Paulito sa lupa at pinikit ang kanyang mga mata. “Lumayo kayong tatlo at kahit ano makita niyo wag na wag niyo ako pipigilan” utos ng bampira at agad sumunod ang tatlo. Nagliyab muli ang katawan ni Paulito at mas malakas na espiritu ang lumabas mula sa katawan niya. Wala nang magawa ang tatlo kundi mapanganga sa pinapanood nila. May binulong ang bampira sa espiritu at mabilis ito lumabas ng kweba.
“Sana mahanap niya si Tuti”
(Post your comments at our Facebook page, CLICK HERE )